close

Divorce Bill, pasado sa ikalawang pagbasa  

“Bibigyan natin ang kababaihan ng pagkakataon na makapagsimula muli. And let’s give their children a chance to grow up in a safe and loving environment,” ani Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas.

Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 9349 o Absolute Divorce Bill sa isinagawang viva voce na pagboto sa Kamara nitong Mayo 15. 

Kung maisasabatas, karagdagang opsiyon ito sa tatlong pamamaraan na maaaring gawin ng mag-asawa kabilang ang legal na paghihiwalay, pagpapawalang bisa ng kasal at paghahain ng annulment.

Una itong inihain bilang House Bill 78 noong 2022 sa pangunguna ni Albay Rep. Edcel Lagman.

Aniya, kinakailangan na maipasa ito dahil maaaring hindi na sapat ang mga nabanggit na paraan upang mabigyan ng kumpletong ginhawa ang mga mag-asawa na nahihirapan.

“Dagdag pa, ang kasalukuyang mga paraan ay magastos at tumatagal ng mahabang panahon bago mapagdesisyunan kaya’t binibigyan natin ng opsiyon ang mga mag-asawa.”

Sa ilalim ng panukalang batas, ilan sa maaaring maging batayan sa paghahain ng diborsiyo ang mga sumusunod: 1) pananakit, pang-aabuso o anumang pagtatangka sa buhay ng petisyoner o anak nito; 2) pamimilit sa petisyoner na magpalit ng inaaniban na relihiyon o politikal na grupo; 3) pagtatangkang isangkot sa prostitusyon ang petisyoner o anak nito; 4) pagkalulong sa droga, alak at sugal, 5) pagtataksil o pagkakaroon ng anak sa ibang tao bukod sa asawa sa panahon ng kasal, maliban kung napagkasunduan nila ito at kung ang asawang babae ay nagkaanak matapos maging biktima ng panggagahasa.

Dagdag pa sa panukala na maaaring ikasal muli ang mga taong sumailalim sa diborsiyo.

Ayon kay Lagman, itinuturing na “pro-woman” ang panukalang batas. Ayon sa mga datos, kadalasang babae ang biktima ng kalupitan, karahasan o pang-iiwan ng kanilang mga asawa. Sa kabila nito, may iilang kaso pa rin umano na lalaki ang nagiging biktima.

Batay sa National Demographic Health Survey noong 2022, natuklasan na 17.5% ng mga kababaihan na edad 15 hanggang 49 taong gulang ang nakaranas ng pisikal, seksuwal at emosyonal na karahasan mula sa kanilang partner. Dagdag pa, 15.2% naman ang nakaranas ng pang-aabusong emosyonal, habang 6.4% sa pisikal at 2.3% naman sa seksuwal. 

“Bibigyan natin ang kababaihan ng pagkakataon na makapagsimula muli. And let’s give their children a chance to grow up in a safe and loving environment,” ani Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas.

Sang-ayon dito si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sapagkat opsiyon ito sa malulubhang kaso ng karahasan at talagang kababaihan ang apektado.

Kasalukuyang nasa Senado na ang panukalang batas at inaasahan na mapapabilis ang ikatlong pagbasa hanggang sa huling araw ng ikalawang regular na sesyon ng 19th Congress sa Mayo 24.

“Ang susunod na hakbang ay totoong nakasalalay na sa Senado. Ang desisyon ay hawak nila. Kailangan natin malaman sa lalong madaling panahon kung didinggin nila ang panawagan ng mga Pilipino,” sabi ni Brosas. 

Samantala, nangako si Sen. Risa Hontiveros na patuloy na nagtatrabaho ang Senado upang ipasa ito sa kabila ng mga hamon na kinakaharap. Umaasa din siya na susuportahan siya ng kanyang mga kasamahan sa mahalagang hakbangin na ito. 

Sa kasalukuyan, Pilipinas at Vatican City na lang ang dalawang natitirang bansa sa mundo na hindi pa rin pinapayagan ang diborsyo.