close

Pagprotekta sa mga bata mula sa abusong seksuwal

Tinaguriang sentro ng produksiyon ng child sex abuse materials ang Pilipinas matapos magtala ng tinatayang kalahating milyong batang Pilipino ang naging biktima ng online sexual abuse noong 2022.

Mabait, masunurin, at masayahin. Ganito madalas ilarawan ang mga musmos na bata. Kaya naman, napakadali para sa mga mapagsamantala na gamitin ang mga tulad nila sa ilegal na kalakaran.

Isa si Anna, 22, sa libo-libong batang Pilipino na nakaranas ng seksuwal na pang-aabuso sa murang edad. Aniya, dahil 12 taong gulang pa lang, buong akala niya’y normal lang ang pagiging mabait ng kanyang amain. Naging malinaw na lang ito nang mapansin nito ang kanyang katawan. 

“Hapon noon, inalok niyang buhatin ako noong binyag ng pamangkin ko dahil male-late na ako. Wala akong cellphone para mag-record dahil alam niyang sira iyon at nagsimula siyang magsalita at sabihan ako ng ‘gusto kita hawakan pero hindi pa ngayon kasi minor ka pa, gusto ko hawakan dibdib mo.’ Nailang ako matapos niya akong sabihan nang ganoon,” kuwento niya.

Bagaman nagsumbong si Anna sa kanyang ina upang sabihin ang pangyayari, walang ginawang aksiyon para mapanagot ang salarin. Sa katunayan, mas naging malala pa ang ginagawang pang-aabuso sa kanya.

“Hindi man umabot sa punto na gagahasahin niya ako o hahawakan, pero ‘yong mga pananalita niya at ginagawa niya ay pang-aabuso pa rin para sa akin,” ani Anna. 

“Sinubukan niyang maglagay ng mga kamera sa kuwarto ko at hindi ko alam na pati sa banyo ay mayroon na rin kung saan nakita ko ‘yong kamera niyang nakatago doon. Sinubukan niya rin na gumawa ng iba’t ibang account para manipulahin ako na magpadala ng mga larawan,” dagdag pa niya.

Umabot sa higit 370 milyon o isa sa walong kababaihan sa buong mundo ang nakaranas ng panggagahasa o seksuwal na pananamantala bago mag-18 taong gulang batay sa pahayag ng United Nations Children’s Fund (Unicef) noong Okt. 9, tatlong araw bago ang International Day of Girl Child

Papalo sa 650 milyon o isa sa limang babae ang pandaigdigang bilang ng mga biktima kung susumahin kasama ang mga hindi direktang paraan ng karahasang seksuwal tulad ng online at verbal abuse.

Bukod sa mga kababaihan, 240 hanggang 310 milyon naman ang biktima ng panghahalay sa mga batang lalaki na aabot sa 410 milyon hanggang 530 milyon kung isasama rin ang mga hindi direktang akto ng pang-aabuso. 

Tinaguriang sentro ng produksiyon ng child sex abuse materials ang Pilipinas sa buong mundo matapos magtala ng tinatayang kalahating milyong batang Pilipino ang sapilitang ginagamit sa paggawa ng seksuwal na materyal noong 2022 batay sa pag-aaral ng Unicef at International Justice Mission (IJM).

Kasabay ng halos tatlong taon na malawakang lockdown dahil sa pandemyang Covid-19, nakulong din sa masalimuot na sitwasyon ang mga batang edad 12 hanggang 17.

Dahil sa lumalalang krisis ng dulot ng pandemya, naging pangunahing pinagkukunan ng kita ng mga pamilyang lubog sa kahirapan ang pagbebenta ng mahahalay na bidyo at larawan sa mga dayuhan. Batay rin sa mga pag-aaral, kahirapan ang pangunahing sanhi kung bakit maraming pamilyang Pilipino ang napupunta sa ganitong sitwasyon.

Ani Association for the Rights of Children in South East Asia (Arcsea) deputy director John Paul Lapid, malaking impluwensiya ang ekonomikong kalagayan kaya maraming Pilipino ang kumakapit sa ilegal na kalakaran.

Malapit sa biktima ang kadalasan sa mga itinuturing na facilitator kung saan hihikayatin nilang na maghubad at gumawa ng mga seksuwal na aktibidad sa harap ng kamera ang biktima.

Tinatawag na facilitator ang mga taong ginagamit ang mga bata upang gumawa ng seksuwal na gawain para ibebenta sa mga dayuhan.

“Usually ang nagpa-facilitate ay mga taong pamilyar do’n sa bata, so, mula sa parang parents mismo hanggang sa kapitbahay, hindi sila strangers talaga, kilala ng mga bata ‘yong nagpa-facilitate,” ani Lapid.

Higit na naging mataas ang bilang ng mga kaso ng online sexual abuse and exploitation of children (Osaec) sa Pilipinas kumpara noong 2019.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), triple ang itinaas ng kaso ng Osaec sa bansa noong 2022 kung saan 279,166 naitalang insendente mula Mar. 1 hanggang Mayo 24. Halos 202,605 ang kasong nadagdag kumpara sa 76,561 na kasong naitala sa taong 2019.

Sa kasalukuyan, mayroong 6,268 o 68.24% ng kabataan ang nakaranas ng seksuwal na pang-aabuso. Ito ang may pinakamataas na bilang ng kasong naitala ng pang-aabuso laban sa mga menor de edad mula umpisa ng taon hanggang Okt. 20 ayon sa Children Protection Network (CPN).

Tila isang sugat na hindi agad maghihilom at maaaring magbunga ng pangmatagalang epekto sa kanilang pagkatao ang karanasan ng mga biktima sa murang edad.

Katulad ng karanasan ni Anna, malaki ang naidulot na pagbabago sa kung paano siya kumilos sa loob ng kanilang tahanan. Aniya, higit siyang naapektuhan sa pisikal, emosyonal at espiritwal na aspekto dahil sa pang-aabusong naranasan niya.

Sa parehong pahayag ng Unicef, kadalasang nabibitbit hanggang sa pagtanda ang trauma dulot ng seksuwal na karahasan at posibleng magdulot ng mataas na banta sa mga sakit na naipapasa sa pakikipagtalik (sexually transmitted infection), pagkalulong sa mga ipinagbabawal na gamot, pag-iwas o kawalan ng interaksiyon sa ibang tao at mga isyu sa mental health tulad ng anxiety at depression.

Sabi ni Lapid, ang pagkukubli ng karanasan ng mga biktima at hindi agarang pag-uulat sa kinauukulan ay bunsod ng takot mula sa salarin na maaaring nasa loob lang din ng tahanan at panghuhusga mula sa iba. 

“Both, unfortunately, kahit do’n sa authorities. Kasi minsan, hindi talaga nate-train ang authorities do’n sa paano mag-handle ng victims na may trauma, na maging sensitive do’n sa situation nila. Minsan sa kanila pa nanggagaling ‘yong mga[ judgment] na parang ‘E ganyan kasi bakit ka kasi ganyan magdamit? Bakit kasi kinausap mo pa?’” aniya.

Sa patuloy na pagdami ng mga batang inaabuso at pinagsasamantalahan, isa ang Arcsea sa nagsusulong ng community-based prevention program.

Sa pamamagitan ng pagtatayo ng Child Rights Protection Brigade (CRPB), layunin nilang bigyang kamalayan ang komunidad sa karapatan ng mga bata at kung paano tutugon sa mga biktima na nangangailangan ng tulong o suporta.

“Actually, ‘yong isang hina-highlight namin largely is listening. Hindi ka masyadong magsasalita. Hindi para magbigay ng judgment or statement kasi mas kinakailangan talaga ng victims usually sa umpisa, ‘yong may makikinig lang sa kanila at maging sensitive do’n sa situation at needs ng victim,” ani Lapid. 

Bukod sa psychosocial support, mayroon din silang referral system kung saan inilalapit nila ang mga biktima sa mga ahensiya ng gobyerno o maging sa mga non-government organizations (NGOs) na mas makakatulong.

Ngunit panawagan nila sa pamahalaan na maglaan ng sapat na pondo sa mga social worker kada barangay o munisipalidad upang magkaroon ng mapagkukunan at matugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima. 

Sa gaganaping Global Ministerial Conference on Violence Against Children sa Nobyembre, target ng mga lider ng mga bansa at bahagi ng civil society tulad ng mga aktibista, survivor at kabataan na palakasin ang pandaigdigang aksiyon para malabanan ang karahasang seksuwal at makabuo ng ligtas na kinabukasan sa mga bata.

Ilan sa mga hakbang ito’y ang pagbabago sa social at culture norms na nagdudulot sa paglala ng karahasang seksuwal, paghubog sa mga bata sa tama, aksesible at angkop na impormasyon upang makapag-ulat at pagtiyak na bawat bata’y may access sa serbisyong sumusuporta sa hustisya at pagpapagaling.

Gayundin, ang pagpapalakas ng mga batas at regulasyon na pumoprotekta sa mga bata sa anumang uri ng karahasang seksuwal at pagbuo ng mahusay na national data system na susubaybay sa progreso at magtitiyak sa pagpapatupad ng mga pandaigdigang pamantayan tulad ng International Classification of Violence against Children.

Isang pagtugon na binuo ng Unicef sa tulong ng mga eksperto at iba’t ibang pandaigdigang organisasyon upang magkaroon ng iisang pamantayan at magkakatugmang pamamaraan sa pag-uuri ng estadistikong datos tungkol sa karahasan laban sa mga bata.