close
Balik-Tanaw

Pakikibaka ni Larry Itliong, natatangi sa kasaysayan ng Amerika 


Isang migranteng manggagawa at lider-obrero sa Amerika, pinamunuan ni Larry Itliong ang Delano grape strike noong 1965 hanggang 1970.

Maagang nilisan ang kanyang bayan para sa pangarap, naging migranteng manggagawa sa banyagang bansa. Sa huli, tinaguriang susing lider-manggagawa ng kilusang nagsulong ng karapatan at katarungan para sa mga manggagawang bukid sa United States (US).

Sa edad na 15 unang nagtungo sa US ang Pilipino-Amerikanong si Modesto “Larry” Itliong na ipinanganak noong Okt. 25, 1913 sa San Nicolas, Pangasinan para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral at tuparin ang pangarap na maging abogado. Isa siya sa anim na mga anak nina Artemio at Francesca Itliong.

Dulot ng kahirapan at kawalan ng oportunidad, hindi naisakatuparan ni Itliong ang kanyang orihinal na plano kung bakit siya naging migrante. Nakilala siya bilang “Seven Fingers” matapos maputol ang kanyang tatlong daliri sa trabaho sa Alaska. 

Naging manggagawang bukid si Itliong sa iba’t ibang estado katulad ng Alaska, Montana, South Dakota at Washington, hanggang magtungo siya sa California kung saan pinangunahan niya ang isa sa pinakamalawak na pagkilos laban sa Coachella Valley grape growers sa Delano, California.

Noong Set. 8, 1965, inilunsad ni Itliong kasama ang nasa 1,500 migranteng Pilipinong manggagawang bukid sa Coachella Valley grape growers para sa kampanyang welga at boykot.

Sa likod ng kanilang pagkilos ang masalimuot na kondisyon ng mga manggagawa—hindi sapat ang sahod na kanilang natatanggap sa bawat oras na trabaho bilang grape workers. Mula sa $1.25 na sahod bawat oras at $0.10 bawat kahon ng ubas, nanawagan ang mga manggagawa na pataasin ito sa $1.40 at $0.25.

Sa kabila ng pangamba ng mga nakiisang manggagawa sa kilos-protesta na mapalayas sa tinitirhang pabahay ng kompanya, naging buo ang loob nilang igiit ang kanilang karapatan. 

Upang mas maging maugong ang puwersa at suporta sa panawagan ng mga manggagawa sa mas makatarungang sahod, benepisyo at karapatang bumuo ng sarili nilang unyon, kinumbinsi ni Itliong na makiisa ang mga Mexicano-Amerikanong lider-manggagawa ng National Farm Workers Association na sina Cesar Chavez at Dolores Huerta, pati na ang kanilang mga kasamahan.

Nagresulta ang alyansang nabuo sa pagkakatatag ng United Farm Workers ng Amerika noong 1966 na nagpanalo sa laban ng mga manggagawa at nagbigay ng kanilang kauna-unahang kontrata ng unyon.  

Bukod sa pinangunahang pagkilos ni itliong na Delano grape strike at boykot na tumagal ng limang taon, marami na rin siyang inorganisa at pinangunahang pagkilos mula 1930s. Isa na rito ang pag-organisa niya ng Agricultural Workers Organizing Committee noong 1959 na pangunahing binubuo ng mga migranteng Pilipinong manggagawang bukid kasama ang iba pang mga lahi.

Namatay si Itliong sa edad na 63 sa sakit na Lou Gehrig’s disease noong 1977 sa Delano, California.

Taon-taong ginugunita ang “Larry Itliong Day” tuwing Okt. 25 sa California bilang pagpupugay sa kanyang kabayanihan at katapangan sa pagpapalaganap ng aktibismo at unyonismo sa mga migranteng manggagawang bukid.