close

Obrero, OFWs, tutol sa taas-singil ng SSS


Giit ng Kilusang Mayo Uno at Migrante International na dapat ibasura ang dagdag-singil ng SSS sa mga empleyado’t obrero sa pribadong sektor at mga migranteng manggagawa sa ibayong dagat.

Inalmahan ng mga empleyado’t manggagawa sa pribadong sektor at mga overseas Filipino worker (OFW) ang dagdag-singil sa buwanang kontribusyon ng Social Security System (SSS) na ipapatupad ngayong Enero.

Aabot sa 5% ng kabuuang buwanang suweldo ng mga empleyado’t manggagawa, kasama ang mga kasambahay, at 10% naman mula sa employer ang kailangang bayaran sa SSS. Habang 15% naman ang kaltas sa kabuuang buwanang kita ng mga kasaping land-based OFW, self-employed, voluntary at non-working spouse.

“Ang siguradong impact nito, marami na namang manggagawa sa papasok na buwan ang mapuputulan ng kuryente at ordinaryong mamamayan ang hindi makakabayad at mapuputulan ng tubig,” ani Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary general at Makabayan Coalition senatorial candidate Jerome Adonis.

Sa kompiyutasyon ng KMU, nasa P850 ang buwanang ikakaltas sa mga minimum wage earner sa National Capital Region na kumikita ng P645 kada araw o humigit-kumulang P16,000 kada buwan na malaking kabawasan sa maiuuwi para ipangtustos sa mga pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

“Ang palagi nilang sinasabi na dahilan kaya magkakaroon ng dagdag contribution ay para [raw] humaba ang buhay ng SSS at magkaroon ng magandang serbisyo. Ang tanong, gumanda ba ang serbisyo nila? Ang mga [pensiyonado], tinaas ‘yong kanilang pensyon?” dagdag pa ni Adonis.

Para naman sa Migrante International, mapupunta lang umano ang dagdag-singil sa pagpapahaba ng buhay ng pondo at suweldo ng mga kasapi ng SSS board, hindi sa makabuluhang pagtaas ng pensiyon.

Hanggang ngayon, wala pa rin ang ipinangako noon ng administrasyon ni Rodrigo Duterte na P1,000 dagdag sa pensiyon ng mga miyembro ng SSS.

Anila, isensitibo ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. sa hakbang na paglunod sa mamamayan sa mga bayarin habang hindi naman nakatatamasa ng maayos na serbisyo at dagdag benepisyo.

“Bumababa na nga ang halaga ng sahod ng ating mga migranteng manggagawa sa labas ng bansa dahil sa tumataas na presyo ng pagkain, kuryente at iba pang batayang serbisyo sa Pilipinas at sa labas bansa,” wika ni Migrante International deputy secretary general Josie Pingkihan.

Dagdag pa ng grupo ng mga migrante, karapatdapat na unahin ng SSS ang kapakanan ng publiko at hindi ang ganansiya ng mga opisyal ng SSS.

Giit ng KMU at Migrante International na dapat ibasura ang dagdag-singil ng SSS sa mga empleyado’t obrero sa pribadong sektor at mga migranteng manggagawa sa ibayong dagat.