close
Balik-Tanaw

Pamumuno at pag-aalsa ni Hen. Mariano Trias


inanganak si Mariano Closas Trias noong Okt.12, 1868 sa bayan ng San Francisco de Malabon (ngayo’y Gen. Trias City) sa Cavite.

Kilala ang lalawigan ng Cavite bilang “Duyan ng Rebolusyon” dahil sa papel nito sa Rebolusyong Pilipino ng 1896. Ito rin ang tahanan ng ilang magigiting na rebolusyonaryo na nagbigay direksyon sa himagsikan, katulad ni Hen. Mariano Trias.

Ipinanganak si Mariano Closas Trias noong Okt.12, 1868 sa bayan ng San Francisco de Malabon (ngayo’y Gen. Trias City na ipinangalan sa kanya). Siya ang ikalimang anak nina Don Balbino Trias, isang cabeza de barangay, at Doña Gabriela Closas.

Sa murang edad, ipinakita na niya ang talino at kasipagan sa pag-aaral. Nagtapos siya ng Batsilyer ng Sining sa Colegio de San Juan de Letran at nagpatuloy sa Universidad de Santo Tomas upang mag-aral ng medisina.

Ngunit nang sumiklab ang himagsikan laban sa mga Espanyol, pinili ni Trias na isantabi ang kanyang pag-aaral upang ialay ang sarili sa paglilingkod sa bayan at maging kasapi ng Katipunan. Isa siya sa mga unang Kabitenyong tumugon sa panawagan ni Andres Bonifacio.

Sa kanyang bayan at mga karatig bayan na Silang at Kawit, pinangunahan niya ang pag-aalsa sa Pasong Kalabaw (ngayo’y Barangay Sta. Clara), kasama sina Diego Mojica at Nicolas Portilla. Kinilala ang pag-aaklas na ito bilang bahagi ng Unang Sigaw ng Cavite na sabay na naganap sa mga unang yugto ng Rebolusyong Pilipino.

Bilang kasapi ng Katipunan, ginamit ni Trias ang sagisag na “Labong” na isang uri ng halamang mayabong sa kanilang lugar. Naging aktibong lider din siya sa mga operasyon ng Katipunan sa Cavite.

Dahil sa kanyang talino at katapangan, mabilis siyang nakilala sa hanay ng mga rebolusyonaryo at kalauna’y naging isa sa mga pangunahing pinuno ng hukbong Kabitenyo.

Sa ginanap na kauna-unahang eleksiyon sa Tejeros Convention upang itatag ang pamahalaang rebolusyonaryo ng Pilipinas noong Mar. 22, 1897, nahalal si Trias bilang pangalawang pangulo. Nagsilbi rin siya bilang Kalihim ng Pananalapi at kalaunan ay Kalihim ng Digmaan na namuno sa hukbong rebolusyonaryo sa Cavite at Timog Luzon.

Matapos ang kanyang mahabang paglilingkod sa bayan, pumanaw si Trias noong Peb. 22, 1914 sa sakit na appendicitis, habang siya ay nagsisilbi pa bilang pansamantalang Gobernador ng Cavite.

Sa paggunita ng kanyang ika-157 kaarawan, mahalagang alalahanin ang ambag ng bawat rebolusyonaryo, gaya ni Trias, para manatiling makabuluhan at inspirasyon ang kanilang tapang at sakripisyo.