Tinig ng obrero ng Wyeth sa gitna ng ugong ng makina
Sa kabila ng bilyon-bilyong kita ng Wyeth Philippines, binabarat pa rin ng pamunuan ang mga obrero na nagpapagod sa produksiyon.
Sa pagitan ng mga lungsod ng Cabuyao at Calamba sa Laguna, hindi lang ugong ng mga makina ang umalingawngaw noong Okt. 24, kundi ang sigaw din ng mga obrero ng Wyeth Philippines. Nagprotesta ang mga kasapi ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU) sa harap ng planta ng kompanya dahil sa anila’y pambuburaot ng multinasyonal na korporasyon sa mga manggagawa.
Ngayong taon, muling binuksan ang negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng WPPWU at pamunuan ng Wyeth-Nestlé Philippines para sa mga taong 2025-2028
Naunang ipinanawagan ng WPPWU ang P15,000 na dagdag-sahod sa susunod na tatlong taon at ang regularisasyon ng mga manggagawang kontraktuwal. Ngunit P4,500 at retained benefits lang ang inaalok ng pamunuan sa kanila.
“Binabarat ang CBA,” sabi ng unyon. “Ganid sa tubo ang mga kapitalista kaya nagkukumahog ito na higit pang pababain ang kanyang gastos.”
Ibinaba na ng unyon sa P10,000 ang hirit nilang umento. Pero ayaw pa rin itong tanggapin ng kapitalistang Wyeth.
Sa financial report ng kompanya na nakuha ng unyon mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), umabot sa P19 bilyon ang kinita ng Wyeth Philippines noong nakaraang taon. Mula 2020 hanggang 2024, kumita ito ng tinatayang P17 bilyon kada taon.
Ayon sa unyon, aabot lang sa P1.32 milyon kada buwan ang hinihingi nilang dagdag-sahod para sa 132 miyembro ng unyon. Katumbas lang ito ng 0.0069% lang ng kinita ng Wyeth noong 2024.

Noong nakaraang taon, binigyan ng P8,000 na dagdag-sahod ang mga kasama nilang manggagawa sa Wyeth Sales. Sa isa pang pabrika sa Lipa City, Batangas, P7,800 ang napagkasunduang umento sa sahod. Patunay anila ito na hindi imposible at hindi ikakalugi ng kompanya ang panawagan ng unyon.
Inilalaban din ng unyon ang regularisasyon ng 200 na mga manggagawa. Ayon kay Debie Faigmani, tagapangulo ng unyon, kung pagbabatayan ang kinita ng Wyeth, kaya nitong magregularisa ng higit pa sa 200 na kontraktuwal.
Sumasahod lang ng P600 kada araw ang mga kontraktuwal na nagtatrabaho ng dose oras. Nasa 25% lang ito ng natatanggap ng isang regular na manggagawa sa Wyeth.
Malayong-malayo ang halaga sa Family Living Wage o nakabubuhay na sahod na P1,200 kada buwan.
Atake sa unyon
Sa umpisa pa lang, nagmaniobra na ang management na itakda sa ground rules na 10 beses lang magnenegosasyon para sa CBA na tutustusan ng kompanya. Tinutulan ito ng unyon dahil nililimitahan nito ang panahon ng mga manggagawang talakayin ang mga usapin ng negosasyon.
Sumunod naman dito ang planong pagpapatupad ng “cluster crew,” isang paraan ng work flexibilization kung saan madadagdagan ang trabaho ng mga manggagawa at mababago rin ang kanilang rest day. Bunga nito, mahihirapang magtipon-tipon ang mga miyembro ng unyon dahil iba-iba na ang araw ng kanilang pahinga.
Noong Agosto, binabaan ng Notice to Explain ang tagapangulo ng unyon dahil sa umano’y hindi nito pagsunod sa kagustuhan ng kompanya.
Hindi rin siya pinayagan sa kanyang union leave kahit dalawang linggo na simula nang maisumite ito.
Noong 2023, tinanggal ang mahigit 125 manggagawang miyembro ng unyon, kung saan 10 lang ang nakabalik matapos itong ipaglaban ng malakas na hanay ng WPPWU.

Hindi lang ang kompanya ang kalaban ng ng mga unyonista. Maging ang gobyerno mismo, sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), nagsisilbing kasangkapan sa pananakot at panggigipit sa mga manggagawang lumalaban para sa kanilang mga karapatan.
“Tayo ay na-red-tag ng NTF-Elcac. Pinupuntahan tayo sa bahay. Kinakausap tayo ng miyembro ng NTF-Elcac at sinasabihan na tayo ay tumiwalag sa ating unyon at itigil na yung ginagawa nating mga pagkilos protesta,” sabi ni Rommel Cajucom, ingat-yaman ng WPPWU.
Sa kabila ng mga pag-atake sa kanila, hindi nagpapatinag ang WPPWU. Nanawagan din sila ng pakikiisa ng marami pang obrero laban sa mga “buwayang” kapitalista. Sabay-sabay nilang lalabanan ang mga neoliberal na patakaran na ipinapatupad ng gobyerno at paninindigan ang tunay, palaban at makabayang unyonismo.
“Napakahalaga ng sama-samang pagkilos at pagkakaisa ng mga manggagawa. Dahil lahat ng napagtagumpayan naming mataas na sahod at magandang benepisyo, lahat ‘yon ay resulta ng sama-samang pagkilos hanggang sa paglulunsad ng welga,” sabi ni Faigmani. “‘Yon ang lagi naming pinaghuhugutan ng lakas at aral sa loob ng 60 years naming pag-uunyon.”
Malawakang tanggalan
Sa kabila ng bilyon-bilyong dolyar na kita kada taon, patuloy pa ring naghahangad ng mas malaking tubo ang Nestlé, ang kompanyang may-ari ng Wyeth Philippines. Ayon sa kompanya, magsasagawa ito ng malawakang tanggalan sa buong mundo sa mga susunod na dalawang taon. Tinatayang aabot sa 16,000 manggagawa ang mawawalan ng trabaho.
Pagtitipid ang pangunahing dahilan sa planong pagtanggal ng libo-libong manggagawa ng Nestlé. Bahagi rin ito ng kanilang estratehiya upang paigtingin pa ang paggamit ng automation at artificial intelligence sa kanilang operasyon.
Hindi na bago sa mga manggagawa ng Wyeth ang ganitong mga tanggalan. Simula nang bilhin ng Nestlé ang Wyeth noong 2012, sunod-sunod na ang mga hindi makatarungang tanggalan. Noong 2013, halos 100 kontraktuwal ang tinanggal sa trabaho. Habang noong 2023, umabot naman sa 140 manggagawa ang sinibak.
Ayon sa unyon, malinaw itong bahagi ng sistematikong plano ng Nestlé upang pahinain ang hanay ng mga manggagawa at bawasan ang gastusin sa paggawa. Nilalantad nito ang mas pagpapahalaga ng kompanya sa kita kesa sa mga manggagawang mawawalan ng kabuhayan.
“‘Yong mga manggagawa, sila ang nagpayaman sa kompanya. Tapos, ‘yong kompanya napakadali lang sa kanila na tanggalin ka sa trabaho at alisan ka ng kabuhayan,” ani Faigmani.
Dahil sa mga sunod-sunod na tanggalan, humina rin ang bargaining power ng unyon. Mula sa mahigit 300 kasapi noong mga nakaraang taon, 137 na lamang ang natitirang miyembro ng WPPWU. Sa kabila nito, nananatili silang matatag sa kanilang panawagan para sa makatarungang sahod at seguridad sa trabaho.

Dagdag pa rito, sa 16,000 na matatanggal, 12,000 ang mga white-collar o administratibong empleyado, habang humigit-kumulang 4,000 ang manggagawa sa manufacturing at supply chain division ang target na tanggalin.
Kinondena naman ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang planong ito ng Nestlé. Sa nilabas nilang pahayag, sinabi nitong mayroong pananagutan ang kompanya sa magiging epekto nito sa mga manggagawa. Iginiit nila na karapatan ng mga manggagawa at seguridad sa trabaho ang dapat prayoridad ng kompanya.
Suportado ng CTUHR ang panawagan ng International Union of Food Workers (IUF) at ng WPPWU na unahin ang kapakanan ng mga obrero. Hinamon din nila ang administrasyong Marcos Jr. na kumilos upang protektahan ang karapatan ng maraming Pilipinong posibleng mawalan ng trabaho.
Hindi uurong ang mga manggagawa ng Wyeth hangga’t hindi nakakamit ang makatarungang dagdag-sahod, regularisasyon ng lahat ng kontraktuwal, at respeto sa karapatang mag-unyon. Gagawin nila ang lahat sa abot ng kanilang makakaya upang maipanalo ang laban, dahil ang tagumpay ng unyon ay tagumpay ng lahat ng manggagawa.
“Tuloy-tuloy kaming naghahanda. At kung kinakailangan, nakahanda rin naman ang mga manggagawa na iputok ang welga,” sabi ni Faigmani.