close

Tsuper sa Baguio, lugmok sa utang sa modern jeepney


Lubog ngayon sa utang ang mga tsuper at opereytor ng jeepney sa Baguio City na nagpakonsolida dahil sa hindi awtorisadong paggamit ng pondo ng dating pamunuan ng Cordillera Basic Sectors Transport Cooperative.

Sa halip na kislap ng bagong pintura ng modernong jeepney, alikabok at pangamba ang bumabalot ngayon sa kabuhayan ng daan-daang tsuper at opereytor sa Baguio City.

Tila bangungot na nagkatotoo ang sinapit ng mga kasapi ng Cordillera Basic Sectors Transport Cooperative (CBSTC). Ang inakala nilang sasagip sa kanilang prangkisa sa ilalim ng Public Transportation Modernization Program (PTMP) ay siya pa palang lulunod sa kanila sa utang.

Tuluyan nang ibinasura ng Baguio City Council noong Okt. 27 ang reaccreditation ng nasabing kooperatiba matapos lumutang ang baho ng umano’y talamak na kapabayaan at korupsiyon sa pamunuan nito.

Nagsimula ang gulo nang isiwalat ni Rolando Yambot, ang bagong halal na tagapangulo ng CBSTC na pilit hinarang sa puwesto, ang tunay na estado ng kanilang pondo. 

Ayon sa kanya, nahatak o foreclosed na ng bangko ang 38 minibus na pag-aari sana ng kooperatiba. Bunsod ito P69 milyong utang na hindi nabayaran at lumobo na sa P114 milyon dahil sa patong-patong na interes.

Para sa mga tsuper na namamasada sa rutang Trancoville at Aurora Hill, ang pagkahatak sa mga yunit ay nangangahulugan ng tigil-pasada at gutom.

Masakit ito lalo na’t marami sa kanila ang napilitan lang isuko ang kanilang mga tradisyonal na jeepney dahil sa takot na mawalan ng karapatang pumasada. 

Sa mga pagdinig sa konseho, itinuro ng mga kasapi si Jude Wal, ang founding chairperson at ngayo’y Chief Executive Officer ng CBSTC, bilang utak sa likod ng kaguluhan.

Inakusahan siya ng “illegal management” at hindi pagpatawag ng general assembly simula pa noong itatag ang kooperatiba noong 2018. 

Reklamo ng mga miyembro, kinamkam umano ang kanilang monetary shares mula sa programang Libreng Sakay ng gobyerno na nagkakahalaga ng P21 milyon at ginawa itong share capital nang walang konsultasyon.

Matagal nang idinadaing ng mga tsuper ang hindi pagpapasuweldo. Noon pang Mayo 2021, inireklamo na ang hindi pagbibigay ng tamang sahod sa mga tsuper, bagay na pilit pinabulaanan noon ng pamunuan.

Ngunit sa huling desisyon ng konseho, kinatigan nito ang mga tsuper sa botong 12-1, na nagtanggal sa karapatan ng CBSTC na kilalanin bilang partner na civil society organization ng lungsod.

Para naman sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), ang sinapit ng CBSTC ay hindi hiwalay na trahedya, kundi ang mismong disenyo ng modernization program ng gobyerno.

Sa pakikipag-usap ni Mody Floranda, pambansang pangulo ng Piston, sa mga tsuper sa Baguio, lumalabas na may “SOP” o kurakot sa pagbili ng mga yunit na nagkakahalaga ng P2.4 milyon hanggang P3 milyon bawat isa.

“Ganyan ang PTMP: tiwali na nga, hindi pa totoong programa para sa transport. Programa ito para magbenta ng sasakyan, hindi para ayusin ang pampublikong transportasyon,” ani Floranda.

Ang masaklap, ang mga sumunod at nagpakonsolida sa ilalim ng CBSTC ay nawalan rin naman ng mga sasakyan dahil sa pagkabangkarote.

Sa kasalukuyan, nasa 94 na jeepney sa Baguio ang nawalan na ng prangkisa dahil sa kabiguang makapagkonsolida.