close

Barya-baryang hustisya mula sa COP30


Ano na ang inabot ng mundo, o ng Pilipinas, sa COP30 na ginanap sa Belém, Brazil ngayong Nobyembre?

Tatlong dekada na ng pinakamalaking internasyonal na pagtitipon para sa mga talakayan at kasunduang pangkalikasan o ang Conference of Parties (COP) ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC).

Ano na ang inabot ng mundo, o ng Pilipinas, sa COP30 na ginanap sa Belém, Brazil ngayong Nobyembre?

Bahagi ng action agenda ng 194 bansa, kasama ang Pilipinas, ang maipakita na may “pagsasakatuparan ng bawat pangako” o kongkretong dulot ang mga talakayan sa pang-araw-araw na buhay. Sa ika-11 araw ng COP30, ang takdang araw ng pagtatapos ng summit, wala pa ring pinal na dokumento ng mga pinagkaisahan.

“Ang focus ng mga nag-uusap ay tungkol sa paano na ba natin aaksiyonan o iimplementa ang mga balak natin sa Paris Agreement at iba pang kasunduan,” sabi ni Ana Celestial, national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment, sa panayam Bulatlat

Binuksan nina Conference of Parties 30 (COP30) president Ambassador André Corrêa do Lago (pangalawa mula sa kanan) at COP30 executive director Ana Toni (dulong kanan) ang COP30 sa Belém, Brazil noong Nob. 11, 2025. COP30 Brasil Amazônia/Flickr

May mga bahagi ng pagtitipon ng COP na puwedeng makapanood at makasama sa talakayan ang mga independent organization tulad ng Kalikasan, mga katutubo, mga unyon at iba pa. Pero ang pangunahing mekanismo ng COP ay ang mga delegasyon mula sa iba’t ibang gobyerno. 

Nandoon si Celestial, katulad ng iba pa, upang palakasin ang boses ng karaniwang mamamayan, makipagkaisa sa iba pang mga anti-imperyalistang tanggol-kalikasan, at mabantayan paano tatalima ang mga delegasyon sa mga kasunduan.

Halimbawa nito ang Paris Agreement, isang kasunduang may bisa na pinagkaisahang sundin ng 195 parties o mga bansa sa COP21 sa France noong Disyembre 2015. Pangunahing layunin nito ang masiguro na hindi lalagpas sa dagdag 1.5 degrees Celsius ang global warming. 

Para malimitahan ang global warming sa 1.5 degrees Celsius, “kailangang mabawasan ng 43% ang greenhouse gas emissions pagdating 2030,” ayon sa UNFCCC.

Lumabas sa mga pag-aaral ngayong 2025 na galing sa 36 kompanya lang ang kalahati ng mga emission sa buong mundo. Pangunahin ang Aramco, na pasilidad mismo ng gobyerno ng Saudi Arabia. Sa kabila ng Paris Agreement ng 2015, tumindi pa ang emissions ng mga kompanyang gumagamit ng fossil fuels noong 2023.

“Itong mga lider natin ay hindi talaga handa,” sabi ni Celestial. “Hindi sila handang harapin ‘yong daing ng mamamayan, daing ng planeta, na kailangan talaga upuan at seryosohin na tanggalin at bawasan ang greenhouse gas emissions.”

Puna ni Celestial, tahimik ang mga gobyerno at korporasyon sa usapin ng mga emissions mula sa giyera at sa mga kompanyang patuloy na yumayaman.

Kasama sa mga climate activist sa Brazil si Trixy Elle (kanan), isa sa mga survivor ng super typhoon Odette na naniningil ng danyos perhuwisyo sa Shell. Tuane Fernandes/Greenpeace

Nakakabingi rin ang katahimikan ng delegasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa mga hakbang para gawan ng konkretong plano ang fossil fuel phaseout, ayon kay Yeb Saño, isang climate justice activist. Aniya, isa itong pagtatraydor sa mga Pilipinong nawalan ng tahanan at mga mahal sa buhay.

Maraming mga climate justice organization ang nabahala sa bersiyon ng mga panukala noong Nob. 21 na walang anumang pagbanggit sa isang roadmap para sa fossil fuel phaseout. Kapansin-pansin na kasama sa tumututol sa phaseout ang grupo na pinapangunahan ng Saudi Arabia.

“Ngayong nagaganap ang [Conference of Parties] sa Brazil, wala itong patutunguhan kung pinapaburan pa rin nila ang interes ng malalaking korporasyon, industriya ng langis, at huwad na solusyon na siyang gumigitgit pa lalo sa mga bansang tulad ng Pilipinas,” sabi ng Youth Advocates for Climate Action Philippines sa isang pahayag noon pang Nob. 16.

Sa halip, mga “hungkag o kapos na solusyon” ang namamayani sa COP, sabi ng mga anti-imperyalistang tanggol-kalikasan. Ginagawa raw karaniwan ng mga negosyador ang pagpanukala ng nuclear energy, halimbawa, na pinagmumukhang malinis na enerhiya pero nakapipinsala sa mga komunidad.

“Tama na itong pandarambong sa kalikasan, sa pagnanakaw ng likas yaman [ng mga komunidad] nang walang pananagutan,” sabi ni Cecilia Corregidor mula sa Coordinadora de Unidad Barrial-Movimiento Teresa Rodríguez, sa panayan ng IBON International.

Sa San Juan, La Union, isa sa mga nasalanta ng Bagyong Uwan, naglatag ng resibo ng paniningil ang mga residente at mga aktibista ng Greenpeace. Jilson Tiu /Greenpeace

Sa loob at labas ng komperensya, umalingawngaw ang panawagan ng mga biktima ng climate change sa buong mundo: kailangan panagutin ang mga yumayaman sa pagkasira ng kalikasan at mga komunidad. 

“Noong unang araw ng COP, naglabas ng call for proposals ang board ng Fund Responding to Loss and Damage (FRLD) para sa mga bansa na gusto mag-send ng proposals for assistance of up to US $20 milyon,” sabi ni Joy Reyes, technical advisor ng Manila Observatory at bahagi ng Loss and Damage Collaboration.

“Masaya tayo sa outcome na ‘to”, sabi niya sa panayam ng Pinoy Weekly, “pero hindi siya sapat.” Una dahilidadaan pa rin sa pagpetisyon ng mga bansa ang pondo, at wala pa ring mekanismo para mga komunidad ang direktang magpetisyon. Pangalawa, dahil sa liit ng pondo.

Sa pananalanta pa lang ng Super Bagyong Uwan sa probinsiya ng Catanduanes, nasa P5.74 bilyon na agad ang pinsala sa agrikultura, sa imprastruktura at iba pang mga ari-arian.

“Parang pinaghahati-hatian natin ‘yong butal, kahit tayo yung pinaka-apektado ng pag-init ng klima at kakarampot ‘yong ambag [ng Pilipinas] sa greenhouse gas emissions,” dagdag ni Reyes.

Aniya, magiging epektibo lang ito kung matutuloy ang kontribusyon ng mayayamang bansa, na sila ring malaki ang ambag sa emissions. Sa binuo ng Greenpeace na Polluters’ Climate Bill, tinatayang nasa $5 trilyon o P290 trilyon na halaga ng pinsala ang dinala ng mga fossil fuel company sa nagdaang mga dekada.

Mahalaga rin, paalala ng mga tanggol-kalikasan at climate justice activists, na makita ang pondo bilang paniningil ng pananagutan at hindi kawanggawa ng mga bansa at korporasyong sukdulan ang ambag sa emissions.

Kaya ganoon na lang kahalaga ang agarang pagbukas sa pondo, hindi bilang pautang, pero bilang mga grant. “Hindi tayo papayag na tayo na nga ‘yong lubog, tayo pa ‘yong magbabayad ng utang,” sabi ni Reyes.