E-waste ng Amerika, tinatambak sa Asya
Noong 2022, tinatayang nasa 62 milyong tonelada ang electronic waste na ang nilikha sa buong mundo at inaasahang tataas pa ito sa 82 milyong tonelada pagdating naman ng 2030. Saan nga ba napupunta ang basurang ito?
Ngayong taon, malamang ay ilang beses mo nang narinig ang tanong na “Nag-upgrade ka na ba ng phone?” o ang pang-aasar na “Oy, lumabas na ang iPhone 17. Nakabili ka na ba?” Para sa iba, sapat nang rason ang bagong taon para magkaroon ng “new year, new phone.”
Taon-taon, kaabang-abang ang mga bagong labas na modelo ng smartphone, mas mabilis, mas malaki ang storage, mas maganda ang camera. Sa bawat paglabas, nagiging bagong dahilan naman para isantabi ang mga luma. Patunay lang ito ng pagtindi ng kulturang mabilisang palit-gadget.
Ngunit, habang abala ang buong mundo sa paghahabol sa mga pinakabagong modelo ng smartphone, unti-unti namang binabaon sa lupa ang mas malaking isyu: ang tumataas na bundok ng elektronikong basurang iniiwan ng pagkahumaling sa teknolohiya.
Noong 2022, tinatayang nasa 62 milyong tonelada ang electronic waste (e-waste) na ang nilikha sa buong mundo at inaasahang tataas pa ito sa 82 milyong tonelada pagdating naman ng 2030. Saan nga ba napupunta ang gabundok na basurang ito?
Para sa marami, simple lang ang kasagutan: sa tamang basurahan. Pero para sa bansang Amerika, may isa pang sagot: ang ibang bansa.
Asya, ginawang tambakan
Nitong Oktubre, naglabas ang Basel Action Network (BAN) ang ulat na “Brokers of Shame: The New Tsunami of American e-Waste Exports to Asia.” Inilantad dito kung paanong ang 10 malalaking kompanyang Amerikano ang sangkot sa bilyon-bilyong dolyar na ilegal na pag-export ng e-waste papuntang Asya kabilang ang Malaysia, Indonesia, Thailand, Pilipinas at maging sa United Arab Emirates, mga bansang may limitado at kadalasang walang kapasidad sa ligtas na paraan para iproseso ang mga ganitong uri ng basura
Kabilang sa 10 kompanyang pinangalanan ay ang Attan Recycling, Corporate eWaste Solutions, Creative Metals Group, EDM, First American Metal Corps., Gem Lifecycle Solutions, Greenland Resource, IQA Metals, PPM Recycling, at Semsotai. Ayon sa grupo, ang patuloy na pagpasok ng mga ito ay nagpapatunay na nananatiling maluwag ang pagbabantay sa mga daungan, na nakikitang puwang sa patuloy na pagsasamantala ng mga kompanyang dayuhan.

Ayon sa BAN, humigit-kumulang 2,000 shipping containers ng e-waste ang umaalis mula sa United States (US) kada buwan. Katumbas nito ang tinatayang 32,947 metric tons ng sirang electronics.
Mula Enero 2023 hanggang Pebrero 2025, nakapagpadala na ang 10 tinaguriang “brokers of shame” ng mahigit 10,000 container ng posibleng e-waste na may tinatayang halagang lampas $1 bilyon.
Kung susumahin, umaabot sa humigit-kumulang $200 milyon kada buwan ang kalakalan ng posibleng ilegal na elektronikong mga basura. Malaysia ang pangunahing bagsakan, na tumatanggap ng halos 6% ng kabuuang e-waste shipments mula sa US.

Ayon kay Pui Yi Wong, mananaliksik ng BAN mula sa Malaysia, ang patuloy na pagpasok ng plastik at elektronikong basura sa kanilang bansa ay “nagdulot ng matinding pinsala.”
Aniya sa wikang Ingles, ginagawa ito ng mga waste traffickers at ilegal na recycler sa ngalan ng “recycling,” habang lantaran nilang nilalabag ang batas upang kumita, kapalit naman ang pagkalason ng tubig, hangin, at lupa; paglaganap ng korupsiyon; at pagsasamantala sa mga undocumented workers na nalalantad sa mapanganib na kemikal.
Binigyang-diin niyang “dapat i-recycle ng Amerika ang sarili nilang elektronikong basura—huwag ipasa sa ibang bansa.”
Sa ilalim ng Basel Convention, malinaw na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng e-waste sa mga bansang walang kakayahang iproseso ito nang ligtas. Ngunit dahil hindi pa napagtitibay ang kasunduang ito sa Amerika, tuluy-tuloy ang pagpasok ng tonelada-toneladang elektronikong basura sa Asya.
Higit na nakababahala ang katotohanang walo sa mga pinangalanang kompanya ay may hawak pang R2v3 certification, isang sertipikasyong dapat nagsisiguro ng “responsible recycling.” Sa kabila nito, malinaw na taliwas sa kanilang sinumpaang pamantayan ang aktwal nilang operasyon.
Ang karaniwang senaryo ay binibihisan ang mga basurang ito sa salitang “sustainable” kahit sa aktwal ay wala namang ligtas na pagdadalhang lugar.
Sa mga dokumento, kunwaring makikitang responsable at “environment-friendly” umano ang mga kumpanyang ito, ngunit sa aktwal, ang sustainability ay nagiging palamuti na lang upang pagtakpan ang kanilang maruruming operasyon.
Hindi ligtas ang Pilipinas

Ayon kay Jam Lorenzo, deputy executive director ng BAN Toxics, matagal nang pinagtibay ng Pilipinas ang Basel Convention noon pang 1990s. Ngunit may malaking butas sa kasunduang ito: prior informed consent (PIC) lang ang kinakailangan ay makakapasok na ang mga ito.
Ibig sabihin, kahit ipinagbabawal ang pagpasok ng hazardous e-waste, maaari pa rin itong dumaan sa bansa basta may pahintulot mula sa gobyerno. Dahil dito, tuloy-tuloy pa rin ang pag-agos ng elektronikong basura sa Pilipinas.
Mas lalo itong nakakabahala dahil sa dami ng informal recycling areas sa bansa o mga lugar kung saan binabaklas ang mga electronics nang walang proteksiyon, pagsasanay o angkop na pasilidad.
Isa sa mga pinakamapanganib na halimbawa ay ang pagbabaklas ng refrigerator. Kapag ginawa ito nang walang tamang kagamitan, nalalantad ang mga manggagawa sa mercury, lead, cadmium at iba pang nakalalasong kemikal.
Ayon sa pag-aaral ng BAN Toxics, ang mga lugar tulad ng Payatas sa Quezon City at ilang bahagi ng Cavite ay nakapagtala na ng mataas na antas ng mercury na humahalo sa lupa at tubig.
Umaabot ang kontaminasyon hanggang sa mga sakahan na nakaaapekto hindi lang sa kapaligiran, kundi pati sa kalusugan at kabuhayan ng mga komunidad na umaasa sa agrikultura.
Dahil dito, nananawagan ang grupo na mas higpitan ng Bureau of Customs at Department of Environment and Natural Resources ang kanilang monitoring efforts, lalo na sa mga “freeport zone” na madalas nagiging daanan ng mga kargamentong may halong ilegal na e-waste.
Sa kabila ng mga kasunduang dapat nagpoprotekta sa bansa, dahil sa mga butas ng sistema nananatiling bukas ang bansa at nagiging tambakan ng basurang hindi naman natin nilikha.
Habang nananatiling tahimik ang mga nasa poder, patuloy namang sumisipsip ng mga nakalalasong kemikal ang lupa, tubig at mga komunidad na halos walang boses sa usaping ito.