close

Kaigorotan, kinalampag ang mga ‘broker’ ng agresyon, pandarambong


Nangalampag ang mamamayan ng Kordilyera sa mga tanggapan ng mga ahensiya ng gobyerno sa Kamaynilaan laban sa mga mapanirang proyekto at paglabag sa kanilang mga karapatan.

Mula sa kabundukan, bumaba sa Kamaynilaan ang mga lider-katutubo ng Kordilyera ngayong huling linggo ng Nobyembre. Hindi para mamasyal, kundi para kalampagin ang mga opisina ng gobyerno na anila’y naging kasangkapan sa pagluluwal ng mga mapanirang proyekto sa kanilang lupang ninuno.

Sa pangunguna ng Cordillera Peoples Alliance (CPA), nagkasa ng dalawang araw na “kalampagan” ang delegasyon nitong Nob. 25 at 26. 

Bitbit nila ang mga petisyon at mariing pagtutol sa dagsang aplikasyon ng pagmimina at mga proyektong enerhiya na nagbabantang lumunod at sumira sa kanilang mga komunidad.

Sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City nitong Nob. 26, hindi napigilan ni Rima Mangili, tagapagsalita ng Kaiabang, ang lokal na balangay ng CPA sa Benguet, na ilabas ang kanyang hinanakit.

Si Rima Mangili, isang katutubong Ibaloi, na nasaksihan ang pandarambong ng kanilang lupain sa Itogon, Benguet mula pa nang pagkabata niya. Jeoff Larua/Pinoy Weekly

“Inaasahan namin na DENR ang tutulong sa amin pero hindi. Nagiging kasabwat kayo ng large-scale mining companies,” ani Mangili.

Diretso niyang tinawag na “broker” ang ahensiya, gayundin ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). Aniya, sa halip na protektahan ang karapatan ng mga katutubo, ang mga ito pa ang nagpapadali sa pagproseso ng mga papel ng mga dambuhalang korporasyon.

“Kawawa kaming mga katutubo na apektado sa paninirang dulot ng malakihang pagmimina. Kung makikita ninyo sa mga news, kami ang puntirya ng disasters dahil sa pagmimina,” wika pa niya.

Sa tala ng CPA, tadtad ng “development aggression” ang rehiyon. Sa kasalukuyan, mayroong 149 na aplikasyon para sa large-scale mining at 48 na aprubadong mining permits. Bukod pa ito sa 118 na proyektong hydropower, geothermal at wind ng Department of Energy.

Mariing tinutulan naman ni Juan Dammay ng CPA Kalinga ang tila panlilinlang ng DENR.

“Kunwari silang nagpo-programa na magtanim ng mga maliliit na puno, pero sa likod nito ay pagpayag sa pagmiminang nakakasira sa aming kabundukan,” ani Dammay. 

Tinukoy niya ang mga Mines and Geosciences Bureau ng DENR bilang “mastermind” sa pagkalbo ng mga gubat ng kanilang lalawigan.

Reklamo rin ng delegasyon ang manipulasyon sa proseso ng Free, Prior and Informed Consent (FPIC) na nagiging ugat ng ‘di pagkakaunawaan sa mga tribo.

Bitbit ng mga residente ng Benguet at Kalinga ang mga petisyong ipinasa sa National Commission on Indigenous Peoples na naglalayong ipatigil ang operasyon at ekspansyon ng mga dambuhalang minahan sa kanilang mga lalawigan. Jeoff Larua/Pinoy Weekly

Mula Apayao, isinalaysay ni Jillie Karl Basan kung paano winasak ng mga proyektong dam ang pagkakaisa ng kanilang komunidad sa Kabugao.

“Ang resulta ng FPIC na ginawa sa Gened Dams ay lalo pang nagdulot ng hatian sa aming komunidad,” aniya.

Ilang beses na umanong itinakwil ng mga taga-Kabugao ang proyekto, ngunit pabalik-balik ang NCIP at ang kompanyang magtatayo ng dam.

“Dinedepensahan niyo ang kompanya, pero kayo mismo ang nagpe-present ng pekeng benefits,” sumbat ni Basan.

Ganito rin ang hinaing ni Connie Licyag mula sa Ifugao hinggil sa Alimit Hydropower Complex. Aniya, ginagamit ng mga kompanya ang teknikal na lengguwahe sa feasibility studies at environmental impact assessments para iligaw ang mga residente.

“Hindi tunay na naunawaan ng marami. Lalo itong nagdulot ng hati sa aming komunidad. Itigil na, tama na ang pagpapahirap sa mga katutubo,” diin ni Licyag.

Hindi lang sa kabundukan ramdam ang banta. Maging sa Baguio City, iniulat ni Geraldine Cacho ng Tongtongan ti Umili ang banta ng pribatisasyon sa makasaysayang Baguio City Public Market na nais ipasailalim sa kontrol ng SM Prime Holdings.

Habang naninindigan ang mga katutubo laban sa pang-aagaw ng kanilang lupa, dahas at panggigipit ang naging tugon ng estado. Ayon sa Cordillera Human Rights Alliance, partikular na nalalagay sa panganib ang mga kababaihang katutubo sa gitna ng tumitinding militarisasyon.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., naitala ang sunod-sunod na aerial bombings sa Kalinga at Abra na nagdulot ng matinding takot at pagkasira ng kabuhayan.

“Dahil sa pagtutol namin, kami naman ay nire-red-tag at pinapatawan ng mga gawa-gawang kaso,” giit ni Emerita Dazon ng CPA Mt. Province.

Patuloy ding ginagamit ang Anti-Terrorism Act of 2020 at mga kasong terrorist financing upang busalan ang mga lider-katutubo. Noong 2023, arbitraryong idineklara ng Anti-Terrorism Council na mga “terorista” ang apat na lider ng CPA na sina Windel Bolinget, Sarah Alikes, Jennifer Awingan at Stephen Tauli. 

Samantala, nananatiling nawawala hanggang ngayon ang mga dinukot na aktibistang sina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus.

Si Nedlloyd Tuguinay, kasalukuyang spokesperson ng Cordillera Peoples Alliance. Jeoff Larua/Pinoy Weekly

Noong Nob. 25 naman, hinarap ng grupo sina Baguio City Rep. Mauricio Domogan at Mt. Province Rep. Maximo Dalog Jr. Inihain nila ang mga petisyon mula sa iba’t ibang probinsiya, mula sa pagtutol sa Gened Dams sa Apayao hanggang sa pribatisasyon ng Baguio City Public Market.

“Umaasa kami na ang mga isyung inihain ay makakakuha ng desisibong tugon mula sa mga mambabatas,” ani Nedlloyd Tuguinay, spokesperson ng CPA. 

Bagaman nagpahayag ng pagbukas sa diyalogo ang mga kongresista, iginiit ni Tuguinay na hindi sapat ang pakikinig. Kailangan ng kongkreto at “pro-people” na lehislasyon.

Partikular na tinukoy niya ang suporta ng Makabayan bloc sa pagsusulong ng People’s Mining Bill at Human Rights Defenders Bill

Para sa kanila, ito ang mga batas na kailangang ipasa, sa halip na ang mga polisiyang nagpapaluwag sa dayuhang pamumuhunan tulad ng pagtanggal sa open-pit mining ban.

Sa kanilang pagbalik sa kabundukan ng Kordilyera, nanatiling malakas ang kanilang panawagan: Daga, biag, kinabaknang, salakniban! (Lupa, buhay, kayamanan, ipaglaban!)