Kumusta Manggagawa

No vaccine, no work

August 14, 2021

“Nililinaw natin, at kahit mismong DOLE na ang nagsabi, hindi sapilitan ang pagpapabakuna. Hindi ito maaaring gamitin para i-discriminate, bigyan ng penalty, o tanggalin ang manggagawa.”

Kumusta, manggagawa? ECQ na naman tayo. Pero parang palala lang nang pala ang kalagayan natin. Sa mga nagdaang ECQ, no work no pay ang kalakaran sa mga kumpanyang pinagtatrabahuhan natin. Pero ngayong season 3, may bagong pakulo na naman na “No Vaccine, No Work.”

Laganap ang takot sa mga manggagawa na maapektuhan ang kabuhayan dahil bukod sa nasa mga guidelines at requirements na inilalabas ng mga kumpanya, mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi na di palalabasin, o di kaya’y aarestuhin ang mga hindi pa nagpapabakuna.

Nililinaw natin, at kahit mismong DOLE na ang nagsabi, hindi sapilitan ang pagpapabakuna. Hindi ito maaaring gamitin para i-discriminate, bigyan ng penalty, o tanggalin ang manggagawa.

Sa huli’t huli, ang pagpapabakuna ay dapat nakaangkla sa informed consent — magdedesisyon ang manggagawa dahil alam niya ang epekto ng bakuna — parehong positibo at negatibo. Pero para magkaroon ng informed consent ang manggagawa, kailangan ng malawakang information drive sa mga epekto ng bakuna na batay sa syensya at mga pag-aaral.

Gayundin, kung magde-sisyon ang manggagawa na magpapaturok ng bakuna, dapat madali niya ito ma-akses. Kaya, importante na mayroong mabilis, at episyenteng sistema ng pagbabakuna. Susi dito ang suplay. Marami nang inutang ang gobyerno para d’yan. Maayos naman ang sistema sa mga LGU, pero reklamo nila laging kulang ang suplay kaya hindi magawang tuluy-tuloy ang bakuna sa mga mamamayan.

Kung nagpapatupad ang inyong kumpanya ng patakarang “No Vaccine, No Work”, isumbong sa hotline ng KMU – 09202586121. Maaari ring ipakita ang DOLE Advisory 03-21 na madadownload sa kanilang website.

Dito na muna, mga ka-manggagawa. Tuloy lang tayo sa laban para sa medikal na tugon sa pandemya. Babangon tayo.

Jerome Adonis

Jerome Adonis

Jerome Adonis is secretary-general of national labor center Kilusang Mayo Uno (KMU, May 1st Movement).