Rebyu

Mula sa bayang malayo

September 10, 2021

Rebyu ng A Faraway Land (2021). Dinirehe ni Veronica Velasco. Tampok sina Paolo Contis at Yen Santos. Mapapanood sa Netflix.

Napanood ng manunulat na ito ang pelikula nang hindi pa nababalitaan ang kontrobersiya tungkol sa mga aktor dito. Si Paolo Contis, nakipaghiwalay daw sa asawang kapwa aktor na si LJ Reyes, na kasama ang dalawa nilang anak, para makipagsama, diumano, sa kapwa aktor ng pelikulang ito na si Yen Santos.

.

Hindi mahirap makita ang pagkakapareho sa kuwento ng A Faraway Land at itong showbiz tsismis tungkol kay Contis. Sa pelikula, iyung babaing karakter ni Santos ang may-asawa, at kinailangang mamili sa pagitan ng bagong pag-ibig at ang responsabilidad sa pamilya. Personal na problema ito, na puwede sabihing may panlipunang isyu rin, tulad ng paglabag ni Contis sa karapatan ni Reyes bilang asawa. Puwede ring sabihing panlipunang isyu ang pagtataksil, ang machismo sa likod ng pagtalikod sa pamilya para makipagsama sa iba.

Pero di ito ang anggulo ng A Faraway Land na gusto nating tutukan. Di rin ang tunay na drama sa buhay nina Contis, Reyes at Santos ang gusto nating pag-usapan. Iwan na natin sa mga tsismoso ang anggulong iyan.

* * *

Mail-order brides daw ang karamihan sa mga Pilipina sa Faroe Islands. Pero kaiba itong si Mahjoy. Nagtrabaho siya bilang domestic helper bago nakapangasawa ng isang Faroese, nagkaanak at nakapagsimula ng sariling negosyo.

Isang araw, dumating sa paliparan ng maliit na bayang ito ang kapwa-Pilipinong documentary filmmaker na si Nico. Gumagawa raw ito ng pelikula tungkol sa kalagayan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sunod niyang sabdyek si Mahjoy, na isa sa mga kuwento ng tagumpay ng mga Pinoy sa Faroe Islands. Unang pagtatagpo pa lang nila, alam na ng manonood ang mangyayari: Mahuhulog si Nico kay Mahjoy.

Ito ang simula ng A Faraway Land, pelikula ni Veronica Velasco na tampok sina Contis (Nico) at Santos (Mahjoy). Masasabing bahagi ito ng “genre” o kategorya ng mga pelikulang Pilipino na matatawag nating “diaspora films”. Ito ang mga pelikulang Pinoy na ibang bansa ang tagpuan ng kuwento, at mga Pilipino sa ibang bansa ang karakter. Mula Italya (Milan, 2004) at Gitnang Silangan (Dubai, 2005) hanggang London (Never Not Love You, 2019) at Hong Kong (Hello, Love, Goodbye, 2019), kung saan-saan ang naging tagpuan ng mga pelikulang diaspora. Repleksiyon ito, marahil, ng mga OFW na nakakalat sa kung saan-saang bahagi ng mundo.

Kung kaya, hindi nakapagtataka na isang maliit na arkipelago malapit sa Arctic Circle na may mahigit 50,000 populasyon ang tagpuan ng ganitong pelikula. Sabi rito, humigit-kumulang 300 lang ang Pilipino sa Faroe Islands. Pero tulad ng inilatag sa unang bahagi ng pelikula, naging puntahan ito ng mga Pinay na gustong makaahon sa hirap at makapangasawa ng dayuhan. Marami sa kanila, tulad ni Mahjoy na nagpundar na ng bagong buhay sa dayuhang bayan. Klaro sa kanya na nangungulila si Mahjoy sa Pilipinas – lalo na sa panahon ng pandemya – pero Faroe ang nagbigay sa kanya ng bagong buhay; hindi na niya matatalikuran ito.

Kinatawan naman ng pagdating ni Nico sa kanyang buhay ang pagpapaalala kay Mahjoy sa mga iniwan niya sa Pilipinas – ang lolang nagpalaki sa kanya, ang paboritong ube halaya, ang parol sa Pasko, ang mga kantang Pamasko ni Jose Mari Chan kahit Setyembre pa lang. Siyempre, hindi rin naman mahirap mahulog kay Nico: magaang kausap, magaling makinig, galante. Mahusay itong kinatawan ni Contis – tamang timpla ng misteryo at landi sa kanyang pagganap bilang Nico. May karisma rin ni Santos, na tumpak bilang overachieving at overworked na Pinay sa dayuhang bayan.

.

* * *

Pinakahalatang kahinaan ng pelikula na madaling hulaan ang arko ng kuwento ng dalawa, na parang migranteng Pinoy na bersiyon ng The Bridges of Madison County (dir. Clint Eastwood, 1995).

Hindi mahirap mapansin ang ilang pagkakapareho: potograpong bisita sa Madison County ang karakter ni Eastwood, filmmaker na bisita ng Faroe naman si Nico. Parehong nakatagpo ng malungkot na housewife habang wala ang kanilang asawa (na parehong magsasaka sa dalawang pelikula).

Pero may malaking pagkakaiba ang housewife ng Madison County sa Faroe. Naiwan sa bahay ang karakter ni Meryl Streep, pero may maliit na negosyo at may trabaho naman si Mahjoy. May inabot nang pang-ekonomiyang tagumpay si Mahjoy (“mayaman” ang turing sa kanya ng ibang Pinay).

At nang papiliin siya ni Nico sa pagitan ng bagong pag-ibig at buhay sa Faroe, pinili niya ang huli. Mahal niya ang Pilipinas, mahal niya si Nico, pero hindi ito sapat. May mga responsabilidad siya, may naipundar na siyang buhay sa bagong bansa. Inalok sa kanya ni Nico ang buhay sa Pilipinas, ang pagbubuo ng “basketball team”, ang buhay ng asawa ng isang mamamahayag sa panahon ni Duterte, ng extrajudicial killings at ng palpak na tugon sa pandemya. Pero di niya kayang ipagpalit ang seguridad at kaseguruhan ng dayuhang bayan.

Hindi masisisi si Mahjoy. Ito rin naman kasi ang araw-araw na pinipili ng milyun-milyong migranteng Pinoy. Marami ang pinipiling manatili sa mga banyagang lupa dahil sa hirap ng buhay at kawalan ng oportunidad sa Pilipinas.

Pero nang mabalitaan ni Mahjoy ang trahedyang sinapit ni Nico sa Pilipinas (habang gumagawa raw ng dokumentaryo hinggil sa pamamaslang sa mga mamamahayag), di niya maiwasang mabalot ng kalungkutan. Ito ang trahedya ng kanyang desisyong mangibang bansa. Ito ang trahedya ng pagtutulak ng gobyerno sa mga migrante na magtrabaho sa ibayong dagat.

Mula sa malayo, matatanaw na lang nila ang lalong pagbalot ng karimlan sa iniibig nilang bayan. At wala silang magagawa kundi maluha.

Michelangelo Buenaobra

Michelangelo Buenaobra

Michelangelo Buenaobra ang sagisag-panulat ng isang manunulat-aktibista na nangongolekta ng pampulitikang mga pelikula, sa Pilipinas man o sa ibang bansa.