Editoryal

Naging datos na lang

October 8, 2021

“Tila naging datos na lamang ang mga nawalan ng trabaho at kabuhayan. Natukoy nga ang estadistika, wala namang makabuluhan at sustenableng tulong o ayuda para sa mga naapektuhan.”

Tumaas na naman muli ang unemployment rate sa bansa. Mula 6.9 porsiyento noong Hulyo ng kasalukuyang taon, umabot ito sa 8.1 porsiyento nitong nakaraang Agosto na katumbas ang 3.88 milyong Pilipino na walang trabaho. 

Malaking salik sa paglaki ng bilang ng walang trabaho ang pagpapatupad sa ikatlong pagkakataon ng enhanced community quarantine (ECQ) noong Agosto bunsod ng papapalaking bilang ng kaso ng Covid-19 at ang banta ng Delta variant nito. 

Bago pa man ang mas mahigpit na lockdown noong Agosto, alam na ng economic managers ng administrasyon na lalaki ang bilang ng mawawalan ng trabaho. Nauna nang nabanggit ni National Economic Development Authority secretary Karl Chua na 444,000 trabaho ang mawawala kasama ang may ng P105 bilyon pagkalugi sa ekonomiya. 

Kung tutuusin, matagal nang malala ang kawalan ng trabaho sa bansa. Mula pa ng administrasyong Marcos, nang ipatupad ang patakarang neoliberal globalization, hindi na bumaba sa milyon ang bilang ng walang trabaho. Ilang palit na rin ng administrasyon ngunit hindi ito naampat at lumala pa nga. Higit pang lumubo ang bilang nito nang sumailalim ang mundo sa pandemyang Covid-19. 

Subalit isang taon bago sumapit ang pandemya nitong 2020, sa panunungkulan ni Pangulong Duterte, naging historic high na ang tantos ng unemployment sa bansa — 4.7 milyon ang walang trabaho at kabuhayan. Higit pa, 0.2 porsiyento lang ang nalikhang trabaho (pinakamababa sa loob ng anim na dekada) at dalawang beses pa lang nagtaas ng sahod (pinakamababa sa loob ng 35 taon) sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. 

Tila naging datos na lamang ang mga nawalan ng trabaho at kabuhayan. Natukoy nga ang estadistika, wala namang makabuluhan at sustenableng tulong o ayuda para sa mga naapektuhan. 

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), may Covid-19 Adjustment Measures Program (CAMP) para sa 2020 at 520,000 namang OFW sa ilalim ng programang Abot Kamay ang Pagtulong sa OFWs (AKAP). Liban pa ito sa anilay nakinabang na mga informal sector workers sa pamamagitan ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (Tupad). 

Ngunit ano pa man na datos na iharap ng administrasyon, hindi nito maikakalilang kulang na kulang at at ‘di sustenable ang ayudang P5,000 na minsanan o ang P7,500 para sa dalawang linggong trabaho sa Tupad na hindi kalakhan ang nakakatamasa. Hindi rin nito maitatago ang kapalpakan sa tugon nito sa pandemya lalo na sa mass testing at contact tracing at ang mabilis na pagbabakuna. 

Huwag nang pag-usapan pa kung ano ang naging rekord ng administrastyon sa pagsugpo sa kontraktuwalisasyon, pagpapatupad ng dagdag-sahod at pagkilala sa mga batayang karapatan ng mga manggagawa. 

Umiiral man o hindi ang pandemya, lagpas-lagpasan ang kapabayaan ng administrasyong Duterte sa mga manggagawa at sa mga mamamayan