Wyeth at NTF-Elcac laban sa mga unyonista

October 29, 2021

Labag sa karapatang mag-organisa ng mga manggagawa ang sabwatan ng mga kompanya at ng NTF-Elcac laban sa mga unyon.

“May magandang offer daw sila. Pero sasabihin lang nila kung makapag-usap kami kasama ang  boss nila.”

 

Ito ang sinabi ng mga nagpakilalang tauhan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) kay Gabs de los Reyes, noo’y pangulo ng Wyeth Philippines Progressive Workers’ Union (WPPWU), nang dalawin nila ito sa kanyang bahay sa Laguna nitong Pebrero 2021.

Sa gitna ng pandemya at mahigpit na restriksyon sa galaw ng tao, mula pa 2020 ay nagawa ng ng NTF-Elcac na mag-ikot at pumunta sa bahay ng mga opisyal at kasapi ng WPPWU para takutin ang mga ito. Hinihikayat nila ang mga miyembro na makipagtulungan para ipadisaffiliate ang unyon sa Drug, Food and Allied Industries Unions (DFA), pederasyong kasapi ng pambansang sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU).

Kuwento ng iba pang hinaras ng NTF-Elcac, tinanong sila kung anu-ano ang mga gawain ng unyon, saan napupunta ang union dues, at sinabihang tumiwalag na sa KMU dahil “front organization” umano ito ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army.

Ayon kay De los Reyes, lumikha ang naturang mga panghaharas ng pag-aalinlangan sa mga lider at kasapi ng unyon. Nasa kalagitnaan pa naman sila ng pakikipaglaban para sa kaligtasan at seguridad sa trabaho ng mga manggagawa sa panahon ng pandemya. Papalapit na rin ang lokal na eleksyon ng unyon at naghahanda para sa susunod na Collective Bargaining Agreement.

“Nag-alala kami lalo na ang aking pamilya. Siyempre dahil na rin sa nangyayari ngayon. May mga hinuhuling lider manggagawa, meron pang pinapatay. Personally, nagpasya akong lumikas sa aming bahay at tumira sa aking biyenan,” sabi niya.

Banta ng NTF-Elcac sa isa pang lider ng unyon na hinaras din, kung hindi makikipagtulungan ang mga opisyal ng WPPWU ay maaring mauulit ang “bloody Sunday” kung saan pinagpapatay sa hiwa-hiwalay na operasyong pulis ang 9 na lider manggagawa sa Timog Katagalugan.

Napilitan si De los Reyes na mag-resign sa pamunuan ng unyon dahil sa aniya’y “matinding pressure” at dahil hinding-hindi siya papayag sa gusto ng NTF-Elcac na ipatiwalag ang WPPWU sa DFA-KMU.

“DFA KMU ang umalalay at nagpapalakas samin sa panahon ng mga laban. Wala akong matandaang ginawa ng Feds na hindi ayon sa aming interes,” giit niya.

Ang WPPWU ang isa sa mga lokal na unyon na nanguna sa pagtatatag ng DFA-KMU noong 1987. Ani De los Reyes, malaki ang magiging epekto ng disaffiliation sa gawain at tamang pagpapatakbo ng unyon.

“Sa kalagayang nakapaloob kami sa istruktura ng dambuhalang Nestle, higit na nararapat na malapad din ang inaabot ng aming lakas. Hindi sapat na malakas lang sa loob ng Unyon. Mahalaga din na malakas ang ugnayan sa iba pang mga unyon at manggagawa. Napakalaki ng maitutulong ng DFA-KMU sa gawaing ito,” paliwanag niya.

Nagawa ng NTF-Elcac na pilitin ang mga unyonista ng Wyeth na maghain sa Department of Labor and Employment (DOLE) ng petisyon para sa pagtiwalag sa DFA-KMU kahit may mga kulang pang requirements.

 

Marami pang iba

Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), marami pang ibang unyon ang nag-ulat sa kanila ng mga parehong paglabag sa karapatan.

“Bago pa man ang pandemya, bago pa man mabuo ang NTF-Elcac ay marami nang mga kaso ng pananakot, panghihimasok, harassment at forced disaffiliation sa ibang mga unyon sa bansa,” ani Kamille Deligente, Deputy Director ng CTUHR.

Kabilang sa mga naitala nilang kaso ang pareho ring naranasan ng mga unyonista ng mga kompanyang Musahamat, Hinatuan Mining at Filipinas Palm Plantation sa Mindanao noong 2018, kasagsagan ng batas militar doon.

“Nitong nagdaang taon, marami sa mga unyon na nakaraanas ng mga iba’t ibang porma ng atake ay nasa Southern Tagalog, partikular sa Laguna. Liban sa mga unyon sa Wyeth at Nexperia, nariyan rin ang Optodev, FTech, Aichi Forge Corporation, Daewa, Gardenia at Coca-Cola,” ani Deligente.

Sa labas naman ng Southern Tagalog, matindi rin aniya ang ginawang harassment at panghihimasok ng mga elemento ng pulis at militar sa mga unyon ng Supreme Steel Corporation sa Bulacan at Alcophil Metals sa Valenzuela.

Nag-ulat din ang Adnama Mining Resources Inc. sa Surigao del Norte ng pagbababahay-bahay at sapilitang pagpapa-disaffiliate sa kanilang unyon.

Ayon sa CTUHR, matindi ang dinaranas na mga atake ng mga manggagawa at unyonista sa ilalim ng administrasyong Duterte.

“Labag sa mismong 1987 Constitution at Labor Code ang mga ginagawa ng NTF-Elcac laban sa mga unyon. Nilalabag din nito ang Universal Declaration of Human Rights (UDHR) na kumikilala sa freedom of association. Ganoon din ang ILO Convention 87 at 98 kung saan nakapirma ang Pilipinas,” sabi ni Deligente.

 

Tanggalan

Kasunod ng matinding harassment sa mga lider at kasapi ng WPPWU, tinanggal sa trabaho ang mahigit 21 kasapi ng unyon nitong Oktubre na.

Inimbitahan ng management ng Wyeth ang mga manggagawa sa warehouse division nito para umano sa isang “team building”. Pero pagdating sa naturang aktibidad, hinainan sila ng redundancy notice na nagbabawal sa mga manggagawa na pumasok sa trabaho mula Oktubre 1. Nakasaad din dito na tuluyan na silang matatanggal sa Oktubre 21.

“Dahil nasa loob ng isang collective bargaining agreement ang unyon at ang management ng Wyeth, hindi maaaring magkaroon ng tanggalan hangga’t hindi nahaharap sa negosasyon,” sabi ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU.

Ikinagulat din ng mga manggagawa na naganap ang tanggalan sa kabila ng kakatapos lang na dayalogo sa pagitan ng pamunuan ng Wyeth at ng WPPU, sa pangunguna ng DOLE at ni Kabataan Partylist Representative Sarah Elago.

Para kay de los Reyes, may papel ang pamunuan ng Nestle-Wyeth sa panghaharas sa mga unyonista at may kaugnayan ito sa naganap na tanggalan.

“Sinabi din kasi ng taga NTF-Elcac na kinakausap din nila ang management. Sa tingin ko ay merong naging papel ang Nestle sa atakeng ito. Parang hinintay kasi ng management ang disaffiliation bago umatake ng tanggalan” aniya.

Ayon sa KMU, mula nang makuha ng Nestle ang Wyeth Phils. noong 2013, tumindi na ang mga pakanang union busting laban sa WPPWU. Kilala ang Nestle sa buong mundo bilang kompanyang malupit sa pagdurog sa mga unyon.

Sa Pilipinas, itinuturo ang Nestle bilang salarin sa pagpatay kay Diosdado “Ka Fort” Fortuna, pangulo ng Union of Filipro Employees (UFE-DFA-KMU), na nanguna sa tatlong taong welga ng mga manggagawa sa pabrika ng Nestle Philippines sa Cabuyao, Laguna noong 2005.

File Photo. Neil Ambion.


Tuloy ang laban

Kahit nag-resign sa pamunuan ng unyon, pumapasok pa rin sa trabaho si De los Reyes. Hindi siya kasama sa mga natanggal pero nagbawas din ng tao sa departamento niya sa Wyeth at nailipat siya sa ibang trabaho.

Unti-unti, nakakabalik na rin ang ugnayan niya sa mga kasama sa unyon.

“Sa tulong ng aking mga kasama, sa kanilang pagsisikap na abutin ako, magshare ng kanilang mga payo, suggestions at iba pa, unti-unti namang nakakabalik na. Pero di maalis lalo sa pamilya ko ang mangamba o mag-alala. Ibayong pag-iingat na lang palagi,” aniya.

Ang CTUHR naman, patuloy din sa pagkampanya para sa karapatan ng mga manggagawa ng Wyeth at iba pang nabiktima ng NTF-Elcac.

“Sa pamamagitan ng Labor Rights Defenders Network, kung saan isa kami sa mga convenors, ay nagrekwes kami ng mga dayalogo sa Labor Committee ng Senate at Congress. Hanggang ngayon ay hinihintay pa namin ang kanilang pagtugon. Natuloy naman ang dayalogo sa DOLE kung saan pormal na naipaabot ang mga kasong nabanggit,” sabi ni Deligente.

Sa pagpapatuloy ng kanilang laban, nanawagan naman si De los Reyes sa mga kapwa niya manggagawa na ipagpatuloy ang “pagmamahal at pagdakila sa ating Unyon” dahil ito aniya ay katumbas ng “pag-asa at ginhawa para sa ating sarili, pamilya at kapwa manggagawa.”

Neil Ambion

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.