Isang hapon noong 2009

November 5, 2021

Balik-tanaw sa isang panayam kay Ka Oris, sa isang gubat sa Surigao del Sur.

Hapon isang araw ng taong 2009, sa isang gubat malapit lang sa kalsada sa Surigao del Sur, nakausap ko si Oris. Medyo malabo na ang mga detalye sa isip ko. Ang naaalala ko lang, ang mapula’t maputik na daan, ang tsinelas kong nilalamon ng putik bawat hakbang. Buti na lang, di kalayuan ang nilakad namin. Sa isang kubo, naaalala ko ang ngiti ng isang magsasakang may-ari nito, binati kami sa wikang Bisaya. Pinaghintay kami sa kanyang bahay. Sa tabi nito, naglalaro ng saranggola ang kanyang mga anak. Di nagtagal dumating ang ilang armado. Hanggang tainga rin ang ngiti nila, nakipagkamay na parang kaibigang matagal nang di nakita.

“Saglit na lang, parating na siya,” sabi ng isa.

Wala pang isang oras, mula sa makapal na damuhan sa likod ng bahay, lumabas si Oris. Asul na pekeng Nike t-shirt ang suot. Naka-baseball cap. Mainit ding nakipagkamay, na parang matagal na niya kaming kilala. “Nababasa ko kayo,” naalala kong sabi niya. Siyempre, napanood at narinig na namin siya, pero ngayon lang naanyayahang makausap. Maya-maya, nagpalit si Oris ng sumbrero, iyung opisyal na sumbrerong na may tala sa gitna. May kasamahang lumapit. May inabot sa kanyang sako, laman ang dalawang galon ng Selecta Ice Cream. “May nagbigay na kaibigan.” Malayo ang pinanggalingan kaya natunaw na ito. Inabot niya sa mga kasamahan ang isang galon. Inalok kami sa isa pang galon. Okey lang po. Kumuha ng baso ang iba, at binuhos dito ang tunaw na ice cream. Ang tira, ininom na lang ni Oris mula sa galon. Natuluan pa ang balbas niya.

Samantala, si Jola, kasamahan kong videographer, camera lang ang dala. Tinawag ni Oris ang isang kasamahan, kung puwedeng magsibak ng kahoy para gawing DIY na tripod. Naalala ko iyung pelikulang “The Rustling of Leaves”. Naging video crew din nun ang mga gerilya para sa filmmaker na si Nettie Wild ng Canada, taong 1987 pa yata. Isa si Oris sa mga dinokumento ni Wild matapos ang pag-aalsa sa EDSA.

Si Ka Oris, sa pelikulang “The Rustling of Leaves: Inside the Philippine Revolution”. Screenshot c/o Priscilla Pamintuan

“Bata pa kayo noon,” tanda kong sabi sa kanya. Naalala pa nga raw ni Oris iyun. Kung papanoorin ang dokumentaryo, parang buhok at balbas lang ang nagbago kay Oris. Parehong pumuti.

Seryosong kuwentuhan na. Kinuwento niya ang mga paglabag sa karapatang pantao sa Surigao del Sur, na siyang dahilan, sabi niya, ng mga paglikas ng mga Manobo mula sa mga bahay nila para magbakwit sa Tandag. Nagkomentaryo rin siya, sa pagkakatanda ko, tungkol sa all-out war ni Gloria Macapagal-Arroyo laban sa kanilang mga rebelde. May mga iba pa siyang kinuwento na di ko na matandaan.

Matalas at matalino si Oris magsalita at sumagot ng mga tanong. Sa simpleng salita lang lagi ang mga paliwanag. Mahinahon – at mahina – ang kanyang boses. Pansin ko ito sa iba pang mga katulad niya. Sa maikling panahong nakapanayam sila, lahat mahina ang boses, na para bang binabagayan nila ang katahimikan ng gubat. Sa harap ng apoy, nakasukbit o nasa tabi ang mga baril, hindi na nila kailangang lakasan ang boses para ipaliwanag ang mga prinsipyo ng rebolusyon. Ang mismong presensiya nila, ang pagpapakita sa akin ng kanilang pag-iral, ay isa nang malakas at nakabibinging paghayag. Di na kailangang pagdiinan pa. Sa kabila ng lahat ng banta, sa kabila ng mga oplan at task force at kampanyang militar ng kanilang mga kaaway, nananatili sila. Sabi nila, lumalakas pa nga.

Nagpalitrato kami sa kanya. Nakipagkamay, at nagpaalam na sila. Sa susunod na pagkikita raw. At sa isang saglit, muling nilamon na ng damuhan sina Oris, kinupkop na ng gubat habang papadilim na ang paligid. Pagbalik namin sa kubo, nagpalitrato si Jola kasama ang mga anak ng magsasaka. Ipapakita raw niya sa mga anak niya. Ganito ang mga bata sa kanayunan. Mahirap sila, pero masaya at mapagkaibigan. Hindi sila natakot sa mga armado, marahil dahil alam nilang di naman sila sasaktan ng mga ito.  Minsan, tumtulong pa nga ito sa sakahan, kasama nila.

Kahapon, ibinalita ng militar ang pagpatay daw kay Oris at ilang kasamahan niya. Medyo malabo pa ang mga detalye. Pero ang sabi ng militar, sa pamamagitan ng airstrike daw. Ang pahayag ng isang yunit ng mga rebelde, tinambangan ang di-armadong si Oris at kanyang medik sa isang kalsada sa  Impasug-ong, Bukidnon. Tiyak, muling babansagan ang mga nasawi bilang mga terorista, at ihihirang ng militar ang pagbagsak ng rebolusyon.

Bumalik ang alaala ko sa magsasaka at mga anak niya. May katulad ba niyang nadamay sa pagbomba, kung totoo ngang nagbomba? Kung may natutunan tayo sa pag-aalsang ito, ito’y hindi kay Oris o kaninumang lider natatapos ang kanilang paglaban. Naisip ko rin iyung mga anak ng magsasaka. Iyung mga paslit noon na nagsasaranggola sa kabundukan ng Surigao del Sur, tiyak malalaki na. Pero ang lugar nila, hindi pa rin nagbabago. Nababalot pa rin sa sigalot, sa pang-aapi at sa pangangamkam.

KR Guda

 

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is former editor-in-chief of Pinoy Weekly and a board member of PinoyMedia Center, Inc.