
Takot sa libro, takot sa kamulatan
November 14, 2021
Bahagi ng gera kontra-insurhensiya ang pagtanggal ng mga librong subersibo, ayon sa gobyerno. Para naman sa mga makabayang guro, panunupil ito sa kalayaang pang-akademiko.
Mayo 10, 1933, noong naghahari-harian si Adolf Hitler sa Alemanya, naganap ang isang makasaysayang ‘Book Burning’. Sinunog nila ang mga librong naglalaman ng paglaban sa diskriminasyon sa mga Hudyo at mga librong tumutuligsa sa tiraniya. Kasabay nitong pagpurga ng kaalaman ang militaristang pamumuno.
Makalipas ang 88 taon, dito sa Pilipinas, sa ilalim ng administrasyong Duterte ipinapanumbalik itong galawang Hitler laban sa mga libro. Ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), isang huwad na institusyong nanunupil sa mga aktibista at progresibong grupo, ay sapilitan at sistematikong tinatanggal ang mga librong may kinalaman sa rebolusyong Pilipino at demanda tungo pangmatagalang kapayaan sa bansa.
May mga ulat nitong Setyembre tungkol sa “boluntaryong pagtatanggal” ng mga aklat mula sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), isang koalisyon na nangunguna at nagsusulong sa usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at mga armadong nakikibaka para sa pagbabago.
Ang pagtatanggal ng mga librong ito ay pinangunahan ng Kalinga State University (KSU), sumunod naman ang Isabela State University (ISU) at Aklan State University (ASU).
Ang Commission on Higher Education (CHED) ng Cordillera Administrative Region, sinabihan na ang mga pampubliko at pampribadong unibersidad na tanggalin ang mga librong tingin nila ay subersibo. Ayon sa kanilang regional memorandum, bahagi ito ng pagsuporta sa Executive Order No. 70 na siyang lumikha sa NTF-Elcac.
Kabilang sa mga librong inaalis sa mga silid-aklatan ay mga akda ni propesor Jose Maria Sison, tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Militar sa aklatan
Ayon kay Ramon Guillermo, guro at dating Faculty Regent mula sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, “walang karapatan ang ibang mga ahensyang pang-gobyerno, lalo na ang mga militar at kapulisan, na magtakda sa mga unibersidad at kolehiyo, pampubliko man o pribado, kung ano ang mga aklat na maaaring lamanin ng kanilang mga aklatan.”
Sinabi niya na ang pagtukoy at pagpili ng mga aklat na ilalagay o hindi ilalagay sa mga aklatan ng mga pamantasan ay isang eksklusibong akademikong usapin na nasa kamay lang ng mga guro, mananaliksik, at mag-aaral. Ito rin umano ay bahagi ng tinatawag na kalayaang pang-akademiko.
Sa kanyang paliwanag, hindi umano magiging posible ang mahusay na pananaliksik para sa mga mag-aaral at guro kung hindi rin mahusay ang kanilang aklatan.
Ayon naman kay Michael Pante, guro ng kasaysayan mula sa Ateneo De Manila University, hindi ito ang unang pagtatanggal ng mga libro sa kasaysayan ng ating bansa. Aniya, ito ay naganap rin sa panahong merong awtokratikong pamahalaan, gaya ng panahong kolonyal at ng diktadurang Marcos.
Sa panahon ng kolonyalismo, ipinagbawal ang mga akda ni Dr. Jose Rizal.
‘Pag-agaw sa malayang pagkatuto’
“Kung buhay si Rizal ngayon, malamang madidismaya siya na nauulit ang abuso ng mga prayle ngunit ngayon sa kamay naman ng kapwa Pilipino, isa ring tirano, si Duterte,” sabi ni Kabataan Partylist National President Raoul Manuel.
Dagdag niya, “Kung nais ng NTF-Elcac na iligtas ang kabataan, hindi namin problema ang mga subersibong libro kundi ang kawalan ng libro. Dapat ipatigil na ng CHED at Department of Education ang book purging at ibwelo ang pagsulong ng ligtas na balik-eskwela. Handa na ang estudyante, guro at magulang, pondo na lang ang kulang. Ilipat na ang 30 bilyong pondo ng NTF-Elcac na masasayang lang sa pamumulis ng libro at redtagging papunta sa unti-unti at ligtas na pagbubukas ng mga kampus!”
Ayon naman kay LJ Rebadolla, estudyante ng Community Development, dapat magkaisa ang mga kabataan na “pigilan at labanan ang patuloy na pag-agaw ng estado sa pagtamasa ng karapatan sa edukasyon at kalayaang matututo.”
Sa isang panayam, sinabi niya na ang naging hakbang na ito ay pag-apak sa mga demokratiko at kontitusyunal na karapatan ng mga kapwa niya estudyante, at higit sa lahat ang pagpigil ng paghubog ng kanilang kritikal na pagsususuri.
Dagdag niya, “Ito ay nagpapatunay na hindi prayoridad ng administrasyong Duterte ang pag-unlad ng kaalaman ng mga estudyante bagkus mas pipiliin nilang gawing bansot ang nakukuha naming kaalaman para mapanatili ang kanilang kapangyarihan.”