Sitwasyon sa Hacienda Luisita

December 9, 2021

Kamusta na ang mga magsasaka at manggagawang bukid ng Hacienda Luisita?

Hindi naman natigil ang plantasyon ng tubo, kahit napamahagi na ang ilan sa mga lupa, napanatili pa rin ang kontrol ng mga plantador sa tubo,” sabi ni Robert Dela Cruz, 53 taong gulang, manggagawang bukid sa Hacienda Luisita.
Sa buhay nilang mga manggagawang bukid sa hacienda, ito ang sigurado. Pero ang kabuhayan nila, nasa alanganin.

Magluluto kung may iluluto, kakain kung may kakainin, saka pupuntahan ang kanilang taniman.

Walang pinag-iba nitong pandemya. “Hindi kami nakatanggap ng sapat na ayuda sa gobyerno,” sabi niya.

May iilan raw na non-governmental na organisasyon ang tumulong sa kanila  pero malinaw na hindi talaga sapat ang kanilang kinikita sa tubuhan para sa kanilang pamilya sa gitna ng pandemya.

Natapos na ang Enhanced Community Quarantine sa bansa, nananatili pa ring salat ang ayuda mula sa gobyerno para sa mga magsasaka at manggagawang bukid. Ang panawagang P10,000 ayuda para sa lahat ay hindi pa binalikan ng administrasyon.

Matagal na ring hindi natutugunan ng mga nagdaang administrasyon ang panawagan nilang mga manggagawang bukid sa hacienda. Dagdag pa dito ang pandadahas tulad ng naganap na pagpatay sa 14 na magsasaka  sa dapat lang ay mapayapang welga at piket sa hacienda.

Petisyon ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Hacienda Luisita. Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura

Sa kabila ng tagumpay mula sa desisyon ng Korte Suprema noong 2012 na nagsasabing dapat na ipamahagi ang hacienda sa mga magsasaka, hindi pa rin ito naibibigay ng gobyerno. Sa katunayan, kinondena rin ng Alyansa ng Manggagawang bukid sa Hacienda Luisita ang diumano’y mala-tambiolo o raffle na paraan ng pagpapamahagi ng Department of Agrarian Reform sa mga lupa roon.

Sa ngayon, sa ilalim ng Agrikulto Inc. ay nabibigyan ng sweldong nasa P200 hanggang P250 ang mga trabahador.

Mensahe niya sa mga kumakandidato sa darating na Halalan 2022, mainam na pag-usapan ang kalagayan ng mga magsasaka, at sana’y paunlarin ang agrikultura sa buong bansa.

“Dahil walang pagpapahalaga sa aming mga magsasaka kaya kitang kita ‘yung sobrang kahirapan sa ating lipunan,” dagdag niya.

Jan Terence

Jan Terence

Jan Terence is the youngest writer for Pinoy Weekly. He earned his degree in Linguistics and Literature at Mindanao State University.