Guro ng makabayang paninindigan

February 21, 2022

Tunay na Perlas ng Katatagan si Rita. Inspirasyon sa lahat ng nagmamahal sa bayan.

Si Rita ay nagmula sa pamilyang propesyonal. Ang ama niyang si Domingo Baua, tubong Cabagan, Isabela ay isang tapat na government employee sa Malacañang Supply Division mula sa termino ni dating pangulong Manuel Roxas hanggang kay dating pangulong Ferdinand Marcos.

Ang kanyang ina na si Rosita Calangan Taguinod, nagmula naman sa Cagayan at doon ay naging guro. Nang manirahan ang mag-asawa sa Tondo, Manila naging government employee ang ina sa Philippine Constabulary at maagang nagretiro upang makahanap ng ibang mapagkukunan ng dagdag na panustos sa buong pamilya.

Panahon ng giyera laban sa pananakop ng Hapon nang isilang noong Hulyo 15, 1942 si Rita, ang panganay sa limang magkakapatid.

Kwento ng kanyang kapatid na si Maria Lourdes, “pinalaki kami ng aming mga magulang na may malaking pagpapahalaga sa edukasyon.” Tinuruan rin silaa paano “maging independent at tandaang hindi lang sa pag-aasawa matatamo ang kaligayahan sa buhay”.

Kaya walang duda, nagsimula ang pagkamulat ni Rita sa sariling tahanan. Nasaksihan niya ang paghihirap ng kanilang magulang upang matupad ang pangarap na makatapos sila ng pag-aaral, habang pilit bumabangon mula sa matinding dagok ng giyera.

Tila nagpaparasyon ng peryodiko ang kanilang tatay para mahasa sila sa pagbabasa. Nangolekta rin ng libro ang magkakapatid, pero pinagbawalan sila sa Tagalog na babasahin. Kaya kapansin-pansin ang pagiging matatas sa Ingles ni Rita.

Noong ‘70s, nakapagturo sa St. Joseph’s College, St. Scholastica’s College at Pasig Catholic College si Rita – English at Literature na, sa sarili niyang paraan, sinigurado niyang may pagkiling sa pagiging makabayan. Nasaksihan kasi niya kung gaano kaalwan ang mga buhay ng kanyang mga estudyante, at para mamulat sila, nag-organisa siya ng mga exposure program.

Hindi kinalimutan ni Rita ang tungkulin sa pamilya. Kasabay ng pagtuturo ang pinansyal na suporta niya sa pagpapaaral sa mga kapatid. Lahat sila, nagtapos ng kolehiyo nang may pagpapahalaga sa edukasyon, at pati na rin sa bayan. Sa panahon ng batas militar ni dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos Sr., halos lahat silang magkakapatid ay sumabak sa aktibismo.

Nagpasya si ‘Tarits’ na iwan ang pagtuturo upang maglingkod sa hanay ng mga magsasaka bilang bahagi ng Federation of Free Farmers. Si Nora ay naging member ng Lakas Diwa, si Maria Lourdes ay kabilang sa National Union of Students in the Philippines at si Raul ay naging union lider ng Bank First National City Bank . Bagamat di nila alam kung saan napabilang si Jose, laking gulat nila nang siya pa ang nagbalita sa pamilya na pinatay si Ninoy Aquino.

Mahirap man pero kinailangang magpasya ni Rita na umalis na sa kanilang tirahan, matapos tumindi ang sitwasyong pulitikal laban sa mga aktibista at kritiko ng rehimeng Marcos.

Minsan nang nadetine si Rita sa airport dahil sa bitbit niyang libro. Para mapalaya siya, humingi ng tulong ang kanyang ina sa mga kaibigan para lapitan si Juan Ponce Enrile na taga-Cagayan rin.

Hindi natinag si Rita, kaya nong 1990s sumali siya sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Dito siya gumampan ng samu’t saring gawain mula sa pagiging mass leader, tagapangasiwa ng opisina at kausap ng iba pang sektoral na mga organisasyon. Pati sa gawaing internasyonal, naroon si Rita.

Masigasig ngunit kalmado, tahimik ngunit matalas, simple at organisado si Rita.

Ayon kay Dayling Java, kasama noon ni Rita sa Bayan, siya ang kasama at kaibigang mapagmalasakit, hindi lang sa gawaing pulitika kundi pati sa personal.

“Lagi niyang sinasabi sa akin na mahalaga ang bawat kasama, may katungkulan man sa organisasyon o isang community organizer,” sabi ni Java.

Maraming natutunan ang mga katrabaho ni Rita mula sa kanyang pagkilos: disiplina sa sarili; patuloy na pag-aaral, pagbabasa at pagsusuri; at pagiging matatag sa harap ng maraming pagsubok.

Sa edad na 79, walang duda na naiambag ni Tarits nang buo ang sariling lakas, ang talas ng isip, ang kababaan ng loob at dedikasyon upang pagsilbihan ang sambayanang Pilipino.

Maraming salamat at mapayapang paglalakbay Rita.

Iya Espiritu

Iya Espiritu

Si Iya ay isa sa mga haligi ng PinoyMedia Center, lalo na sa media engagement programme ng PMC.