Pinagtubuang tubuhan: Industriya ng asukal sa Pilipinas

Pinagtubuang tubuhan: Industriya ng asukal sa Pilipinas

August 26, 2022

BAKIT tumaas sa P100 hanggang P120 ang kilo ng puting asukal sa palengke? Nang itakda ng gobyerno ang suggested retail price (SRP) ng asukal sa P50 kada kilo, nasa P25 lamang ito sa pandaigdigang pamilihan. Ngayon, gustong gawing P90 kada kilo ang bentahan. Ano ang dahilan?

Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tumatayong kalihim ng agrikultura. Siya rin ang pinuno ng Sugar Regulatory Administration (SRA). Nang maglabas ng kautusan ang SRA (Sugar Order No. 4) na mag-import ng 300,000 metrikong tonelada (MT) ng asukal para punan ang umano’y kakulangan ng suplay, tinanggihan ito ni Marcos. Hindi raw siya ang pumirma sa kautusan. Maging si Sen. Imee Marcos ay nagalit.

Nauna nang pinigilan ng dalawang korte sa Negros ang Sugar Order No. 3 na balak namang mag-import ng 200,000 tonelada noong Pebrero bago maupo si Marcos.  Umangal sa importasyon ang malalaking asyenderong planter dahil tatamaan ang kanilang negosyo.

Umaangal din sa importasyon ang Coca-Cola at Pepsi Cola na balak nang bumili ng lokal na asukal dahil sa itinaas na buwis sa sugar-sweetened beverage (SSB) sa ilalim ng TRAIN Law. Bubuwisan ng P10 kada litro ang gumagamit ng high fructose corn syrup (HFCS) samantalang ang gumagamit ng asukal ay P5 kada litro. Noong 2018, itinaas pa ito sa P12 para sa HFCS at P6 sa gumamit ng asukal. May 12% VAT din sa asukal.

Sa bawat 100 kilo ng nagagawang asukal sa bansa,65 kilo o kalakhan nito ay gamit ng industriya, 22 kilo sa mga panaderya at kainan, habang nasa 13 kilo lamang sa mga ordinaryong kabahayan. May 7 hanggang 8 kilo ang konsumo ng isang karaniwang pamilya sa isang taon (o P700-800 sa kasalukuyang presyo).

Presyo ng asukal sa Pilipinas kumpara sa pandaigdigang presyo at pag-export ng Thailand (2001-2019)
Price Data: USDA, World Bank

Kinontrol ni Marcos

Sa ilalim ng Martial Law, binuo ni Ferdinand Marcos Sr. ang Philippine Exchange Co. (Philex) noong 1974 para sa internasyunal na bentahan ng asukal. Binibili nito ang lokal na asukal sa halagang $19.75 kada picul (63.25 kilo ang isang picul) at ibinebenta sa US sa presyong $69.25 o mahigit tatlong ulit.

Nabulaga si Marcos nang biglang bumagsak ang presyo ng asukal sa pandaigdigang pamilihan. Nalugi ang Philex habang naka-imbak ang napakaraming asukal sa mga bodega.

Hinigpitan ni Marcos ang kontrol sa asukal. Sa Presidential Decree 1192 noong 1977, binigyan ang Philippine Sugar Commission (Philsucom) ng kapangyarihan bilang solong ahensya sa pagbili at pagbenta ng asukal. Kinontrol din nito ang mga kooperatiba na hawak ng mga asyendero. Naging libre sa buwis ang importasyon ng mga kagamitan ng Philsucom at may kapangyarihan na umutang na garantisado ng gobyerno ang bayad.

Itinayo rin ang National Sugar Trading Corporation (Nasutra) para sa lokal na kalakalan ng asukal.

Itinalaga ni Marcos ang kaibigan at kaklase na si Roberto Benedicto para mamuno sa Philsucom at Nasutra. Bumili ito ng asukal sa halagang $18.16 at ibinenta ng $63.70. Iniwasan nito ang buwis at tinakasan ang mga utang. Kumita ang Nasutra ng $700 milyon sa loob lamang ng tatlong taon.

Itinayo naman ang Busco Sugar Milling sa Bukidnon, pinakamalaking asukarera (18,000 tonelada kada araw). Napunta ang pagmamay-ari mula kay Manuel Nieto tungo kay Benedicto. Mula sa 1,908 ektarya (1976) sumakop ito sa 18,000 ektarya (1983). Nagpatayo rin ng mga kalsada at dam na pawang inutang.

Nag-expire ang quota ng US sa asukal noong 1974. Lumiit ang eksport ng bansa.  Ibinalik ito noong 1982 pero ibinatay na lamang sa bahagi ng export natin sa US mula 1971 hanggang 1981. Noong 1980s, bumagsak nang 40% ang binibili ng US na asukal mula Pilipinas. Pinaka apektado ang Negros na inabot ng matinding kagutuman.Noong 1985, nagprotesta ang mga manggagawang bukid sa Escalante, Negros Occidental sa ika-13 anibersaryo ng Martial Law. Pinaputukan ng mga pulis ang mga nagprotesta. Di-bababa sa 20 ang nasawi. Ginugunita ito bilang Escalante Massacre.

Mababang sahod, limpak-limpak na tubo

Sa taya ng National Economic Development Authority (NEDA) noong 2020, nasa P86 bilyon kada taon ang ambag ng mga tubuhan sa pambansang ekonomiya. Nag-eempleyo ito ng mahigit kalahating milyong manggagawa at manggagawang-bukid sa 410,000 ektaryang tubuhan. May 17 probinsya sa bansa ang nagtatanim ng tubo.

Mayroong 29 gilingan ng tubo at 14 repinarya ng asukal sa buong bansa. Victorias Milling sa Negros Occidental ang pinakamalaki. Samantala, may 8 asosasyon ang mga planter at miller.  Sila-sila ang nagtatakda ng presyo ng asukal kada linggo sa pamamagitan ng bidding. Sila rin ang nakapagtatakda ng mga patakaran sa pamamagitan ng mga puwesto sa gobyerno.

Sa bawat pisong sahod ng manggagawa sa tubuhan, nakakalikha ng P127 na malinis na kita ang mga planter at miller. Ang kabuuang ani sa 410,000 ektarya ay 46.6 milyong sako ng asukal at nagkakahalaga ng P151 bilyon. Kapag inawas ang gastos sa produksiyon na P60,000 kada ektarya, may malinis na P127 bilyon na kita.

Ayon sa National Federation of Sugar Workers (NFSW) nasa 335,000 ang manggagawa sa tubuhan sa Negros. Kumikita lamang sila ng P1,500 hanggang 2,000 kada buwan o P30 hanggang P67 kada araw. Mayroon ding tiempo muerto o patay na panahon mula Hunyo hanggang Setyembre na walang trabaho.

Ipinatupad ni Marcos ang Social Amelioration Program (SAP) sa sugar industry sa bisa ng Presidential Decree No. 621 noong 1974 at pinagtibay sa Republic Act No. 6982 noong 1991 (Sugar Amelioration Act) sa ilalim ni Aquino. Dinagdagan umano ang kita ng mga manggagawa sa tubuhan sa pamamagitan ng cash bonus at mga programang pangkabuhayan.

Kinokolekta ang P10/picul o katumbas na P7.90513 kada 50-kilong sako ng asukal. Ang 80% ay para sa cash bonus at 20% para sa programang sosyo-ekonomiko. Pinapangasiwaan ito ng DOLE sa pamamagitan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC). Ipinapatupad ito sa mekanismong tripartite sa pagitan ng gobyerno, planter/miller at manggagawa.

Ayon sa taunang ulat ng Commission on Audit na inilabas noong Mayo 2021, hindi matiyak ang P1.177 bilyong pera sa bangko mula sa regional offices ng BWSC-DOLE. May P63.46-milyong unliquidated balance, may P1.3-milyong fund transfer na walang ulat at P11-milyon na dormant accounts na 10 taon o mahigit. Hindi rin nasubaybayan ang cash bonus na P422.7-milyon mula 1991-2020. Kaduda-duda rin ang ilang tinukoy na benepisyaryo at paglipat ng P28-milyong pondo sa mga non-governmental organization (NGO) o civil society organization (CSO).

Larawan ni Nadja de Vera

Mga peste sa tubuhan

Sa ilalim ng Sugar Industry Development Act (SIDA) noong 2015, naglaan ng P2-bilyon taunang pondo para pataasin ang produktibidad, lalo na ng maliliit na tubuhan. Kabilang dito ang “block farming” na pagsasama-samahin ang maliliit na sakahan.  Sa aktuwal, naging sistemang aryenda ito na inuupahan lamang ng asyendero kahit ang lupang naipamahagi na sa magbubukid.

Naghahati ang nagpatanim at asukarera sa ani ng 70/30 o 60/40. Malalaking asyendero rin ang nagpatanim at may-ari ng asukarera. Hindi pag-aari ng maliit na magsasaka ang ani. Inuupuhan lamang ang kanilang paggawa.

Umaabot lang ng 61.45 MT ng tubo kada ektarya ang produksiyon ng asukal sa Pilipinas.  Sa Thailand, umaabot ito sa 72 MT kada ektarya. Ang nakukuhang asukal sa bawat tonelada ng tubo sa Pilipinas ay 1.85 na 50-kilong sako lamang (92.5 kilo) samantalang 2.2 na sako (110 kilo) naman sa Thailand.

Hindi usapin ng supply at demand ang problema sa asukal. Ayon mismo sa datos ng SRA sa katapusan ng Hulyo 2022, ang supply ng raw sugar ay 2,044,406 metrikong tonelada habang ang demand ay 1,883,693. May pisikal na stock pa na 146,394 metrikong tonelada. Sa refined sugar, may stock pa na 171,769 metrikong tonelada kahit nagkaroon na ng Bagyong Odette pero ngayo’y idinadahilan naman para sa importasyon.

Ang presyo para sa wholesale ay P3,250 kada 50-kilong bag ng raw at washed sugar at P4,400 naman sa refined sugar. Sa retail, papatak sa P69.50 ang raw at P89.50 sa refined o puting asukal. Tulak ng matinding ispekulasyon sa presyo ang P100-120 kada kilo ng asukal ngayon. Mula sa tubuhan patungong asukarera, at mula bodega hanggang sa palengke, nagpapatong ng papalaking presyo ang malalaking trader.

Sa kalakalan, ipinailalim ng SRA ang produktong asukal sa sistemang quedan (resibo sa bodega na ginagamit sa bentahan) na nagmamarka sa bodega ng “A” para pang-export sa US, “B” para sa lokal na pamilihan, “C” para sa reserba, at “D” para sa world export. Ang asukal na naka-imbak para sa A na karaniwang mas mura ay naipupuslit sa B na mas mataas ang presyo at, sa gayon, lumilikha pa ng patong na tubo para sa trader.

Kung tutuusin, hindi na dapat naglalaan ang SRA ng A na asukal dahil kinakapos na ang suplay sa B. Umaasa ang gobyerno sa US quota ng asukal para pagtubuan. Pangatlo ang Pilipinas sa pinagkukunan ng US kasunod ng Dominican Republic at Brazil.

Kamakailan, isinama sa programa sa asukal ang proyektong bioethanol (na pang-halo sa gasolina na E10 o 10% bioethanol blend), biomass (sa paglikha ng kuryente), at paglikha ng biodegradable plastic (asukal na ginagawang ethylene). Sa kabila ng mabuting hangarin para pangalagaan ang kalikasan, kapos pa rin ang mga ito at pinagkakakitaan lamang ng pribadong negosyo.

Kabilang sa mga sagka sa industriya ng asukal ang mismong monopolyo sa lupa ng iilan, hindi planadong ekonomya para sa mamamayan, pagkatali sa export at import, kakulangan ng suporta sa abono, irigasyon, makinarya at mismong ikabubuhay ng manggagawa at manggagawang-bukid sa sahod at seguridad sa trabaho.

Batayan din ito sa pag-ampat at pag-angkop sa pagbabago sa klima, bagyo, baha o ano pa mang kalamidad. Pero, sa ngayon, ang pinakamalaking peste sa tubuhan ay ang pagkalakal natin sa US, pagsasamantala ng planter at miller sa magbubukid, ispekulasyon ng mga trader, mga dinastiya sa mga asyenda at pulitika, at mismong paniniil ng gobyerno sa hinaing ng mamamayan.

*Datos mula sa: Sugar Regulatory Administration, NEDA, Bureau of Agricultural Statistics, US Department of Agriculture, Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC-DOLE), Commission on Audit, NFSW