Patong-patong na mga pader ng bilangguan, noon at ngayon

Patong-patong na mga pader ng bilangguan, noon at ngayon

September 21, 2022

Reaksiyon sa mga dokumentaryong “Arrogance of Power” at “Beyond the Walls of Prison” ng AsiaVisons Collection na nasa pangangalaga ng Ibon Foundation at isina-digital sa tulong ng Community Archiving Workshop.

(Reaksiyon sa mga dokumentaryong “Arrogance of Power” at “Beyond the Walls of Prison” ng AsiaVisons Collection na nasa pangangalaga ng Ibon Foundation at isina-digital sa tulong ng Community Archiving Workshop.)

Nasa elementarya ako noong dekada ‘80 sa ilalim ng diktadurang Marcos nang maitatag ang Kapisanan Para sa Pagpapalaya at Amnestiya ng mga Detenido sa Pilipinas (Kapatid). Noong panahong iyon, mayroong mahigit 900 na detenidong politikal sa Bicutan, Kampo Crame, at iba pang bilangguan sa Luzon, Visayas at Mindanao, ayon sa pelikulang “Arrogance of Power.” Sila’y mga magsasaka, kababaihan, manggagawa, kabataan na humihiyaw laban sa kagutuman at pagtaas ng presyo at para sa mas mataas na sahod at maayos na kalagayan sa trabaho—o sa madaling sabi at ayon na rin sa pelikula, para sa “mga maliliit na mamamayan ng ating lipunan na nakikibaka para sa mas magandang buhay.”

Maraming taon ang nakalipas at muling naitatag ang isang parehong grupong kinilala bilang KAPATID-Families and Friends of Political Detainees noong 2019. Lumipas man ang mga dekada matapos ang Batas Militar, lumobo ang bilang ng mga detenidong politikal sa humigit-kumulang 400 sa simula ng administrasyong Duterte hanggang 700 sa pagtatapos nito—lahat ay pawang nakapiit pa rin sa ilalim ng ikalawang administrasyong Marcos. Ibayo ring tumaas ang mga arbitraryo at maramihang pag-aresto ng mga nagnanais ng pagbabago.

Tunay nga na pagpapatuloy at sintomas ng panlipunan at pang-ekonomiyang deteryorasyon na pinabilis pa ng mga elitistang neoliberal na patakaran ni Marcos noong deka ‘70 at ‘80 ang politikal na detensyon sa kasalukuyan. Nagpapatuloy ang pakikibaka ng iba’t ibang organisasyon at tagapagtaguyod laban sa kawalang-trabaho, kahirapan, ‘di pagkakapantay-pantay at kakulangan sa serbisyong pampubliko at panlipunan sa mga lansangan at bulwagan ng lehislatura at sa mga lungsod at sa kanayunan.

Ipiniit ang mga magsasakang naggigiit ng lupang sakahan—sinampahan ng pamahalaan ng mga kaso at ipinakulong ang mga magsasaka at manggagawang bukid ng Hacienda Tinang at Negros na nagbubungkal ng kapirasong lupain. Mga manggagawang nagwelga at marahas na dinesperse noon ay mga Bob Rosales, Maoj Maga at Oliver Rosales ngayon na sinampahan ng mga gawa-gawang kaso, o kung hindi man ay tahasang pinaslang katulad ng mga Dandy Miguel at Manny Asuncion. Nanatili sa papel ang mga tagumpay ng mga unyon sa mga collective bargaining agreement ngayon dahil hindi nagpapatalo ang mga management.

Ang mga kababaihang nagbabahagi ng mga kuwento ng trauma, paghihirap at karahasan at pag-oorganisa sa kanilang hanay at iba pang sektor noon ay mga Amanda Echanis, Weng Rosales at Gean Perez ngayon na ikinukulong sa mga mala-kahong selda na may presyo ang kahit katiting na ginhawa tulad ng kapirasong espasyong tulugan o kaunting biskwit.

Tortyur at bartolina pa rin ang kuwento sa mga selda noon at ngayon, ngunit ngayon may iba pang kakaibang dagdag-pahirap na para bang hindi pa sapat ang kahayupan noon. Mayroong pagkamatay ng sanggol ng isang detenido tulad ng kaso nina Reina Nacino at Baby River. Mayroon mga may sakit at nakatatandang detenido tulad nina Ka Joseph Canlas na namatay habang nakapiit. Isinusulong ng KAPATID at iba pang grupo ang Writ of Kalayaan para sa mga bulnerableng detenido, kasama ang mga inang nagpapasuso at buntis, upang hindi mahawa ng Covid-19. Ngunit tinanggihan ng gobyerno na isama sila sa listahan ng libo-libong pinalaya.

Binibigyang boses ng mga pelikulang “Arrogance of Power” at “Beyond the Walls of Prison” ang may 90,000 na iligal na inaresto noong Martial Law. Lumubha ang mga pag-aresto ngayon sa daang libo na bumibiktima ng mga aktibista at hindi aktibista, inaresto nang walang due process o dahil sa mistaken identity, sinampahan ng mga pekeng kaso para sa interes ng mga kapit-tukong nasa kapangyarihan.

Ipinambabala ang gawang Amerikano na Anti-Terror Act laban sa mga kritiko ng sistema na nagnanais ng pagbabago. Dumarami ang mga sibilyang binabansagang terorista. Kahit ang mga health worker, doktor at guro sa malalayong baryo, mga relihiyoso, abogado, artista, at mga tagapagtaguyod ng kaulanran, kalikasan at kapayapaan, ay tinatatakan ng pula at ikinukulong. Humahaba ang listahan ng kanilang mga kasong gawa-gawa at hindi maaaring magpiyansa. Kagaya noon, nasa likod ang Estados Unidos sa pagsasanay ng militar, burukrasya, sistemang ligal at maging mga sibilyan sa Pilipinas upang palakasin ang pagpapatupad ng mga hakbang laban sa terorismo, ayon na rin sa ulat ng Amerika. Isinasagawa ito gamit ang mas sopistikadong teknolohiya at digital na armas.

Lalong bumabangis ang sistema, at lalong nagagamit ang mga pasilidad ng gobyerno at midya upang itago ang kanilang kahayupan.

Lumulubha ang politikal na detensyon kasabay ng mga extrajudicial killing ng mga magsasaka, katutubo, manggagawa at iba pang mamamayang nakikiisa sa paggigiit sa kanilang kabuhayan, katarungan at karapatan; pangha-harass; sapilitang pagkawala; pambobomba; paggamit sa mga pampublikong lugar upang gawing barracks; at marami pang iba. Napakahaba ng listahan at ang tinutugis ay libo-libong mga inosenteng karamiha’y mula sa mahihirap na pamilyang iginagapang ang pangkain ng mga anak upang manatiling buhay.

Inilarawan ng mga dokumentaryo kung paanong “nagsisilbi ang karahasan ng estado sa multinasyonal na interes tuwing nababahala sa masigasig na pakikibaka ng mamamayan para sa kanilang pangekonomiya, panlipunan at pangkulturang mga karapatan.” Kasama na rin ang mga oligarko at burukratang kapitalistang pinagsisilbihan ng pinalayaw na militar sa mga nanginginig tuwing humihiyaw ang masa.

Namamalas natin ngayon kung paanong muling iligal na inaaresto at ikinukulong ang mga dating detenido noong Batas Militar tulad ng mga manggagawang pangkapayapaan na sina Adel Silva, ang aking amang si Rey Casambre, Vicente Ladlad at ang matagal ng aktibistang si Adora Faye De Vera. Kasama sila sa mga ibinilanggo dahil sa mga kriminal na kasong kakaiba, sala-salabat, gawa-gawa at walang piyansa. Matatanda, mahihina at sakitin na nga, pero tila takot na takot ang estado na makalaya sila.

Bakit natatakot ang estadong may makapangyarihan at makabagong armas pangmilitar sa mga katulad nila?

Marahil dahil sila’y may kaugnayan sa di-mapigilang kilusan ng mamamayan laban sa malaon nang malubhang krisis na estado rin ang may gawa.

Nakakalungot ngunit nakapagpatibay ng loob ang patuloy na paglaki ng pamilya ng KAPATID, mga kaibigan at pamilya ng mga detenidong politikal. Sa kabila ng takot at minsa’y galit at pagkasiphayo, pinili naming maging bahagi ng isang kilusan kahit pursigido ang sistemang durigin ito. Dahil unti-unti, sa maliliit na ambag na natatanggap namin para sa aming mga kaanak upang umalwan nang kaunti ang kalunos-lunos na kalagayan sa kulungan, sa bawat kasong naibabasura na ipinaglalaban ng aming mga matatalino, masisipag at maka-mamamayang abogado, sa lumalaking pagkakaisa ng aming kapwa Pilipino at sa ibayong dagat, pipiliin naming tularan ang tapang, determinasyon at walang hanggang pag-asa ng mga nauna sa amin.

Lahat tayo’y nabibilanggo—bilanggo ng patong-patong na mga pader at selda ng isang ‘di makatarungang lipunan. Kumukuha kami ng inspirasyon mula sa kanila na nakapiit ang pisikal na katawan ngunit ang isip at diwa ay malayang nagpapatuloy sa paglilingkod sa sambayanan.

Sa huli, nais naming ibahagi sa aming mga anak ang ganitong pag-asa, gaya ng pagpupunyagi ng henerasyong aming sinundan. Sapagkat sa katotohanan ay marahas ding ipinipiit ang aming mga anak upang kalimutan ang kanilang katauhan. At ito ang aming hamon na tulungan silang maunawaan kung bakit bahagi ng aming buhay ang pagpiglas at paglaya.