Ruins of giant bust of Ferdinand Marcos, colored in gold

Salik ng kahirapan: Korupsiyon, kronyismo at neoliberalismo

September 30, 2022

Sapat bang isisi lang sa korupsiyon at kronyismo ng pamilya Marcos ang kahirapan ng sambayanang Pilipino?

Sanggang-dikit na sa dinastiyang Marcos ang korupsiyon at kronyismo. Kalakhang impresyon na ito ang puno’t dulo ng malubhang kahirapang dinaranas ng bansa hanggang kasalukuyan.

Sa tantiya ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), ahensyang nilikha para bawiin ang mga ninakaw na yaman ng mga Marcos sa taumbayan, nasa $5 bilyon hanggang $10 bilyon o katumbas ng kalahating trilyong piso ang kabuuang nakamkam ng pamilya habang sila’y nasa 20 taon nitong pananatili mula 1965 hanggang 1986. Ngunit nasa $6 bilyon pa ang hindi nababawi ng gobyerno ayon sa dating pinuno ng ahensyang si Juan Andres Bautista.

Ngayong isa na namang Marcos ang nakaupo, may pagbabadyang buwagin ang ahensya’t kalimutan na ang mga bilyon-bilyong ninakaw ng pamilya. Mariin itong kinondena ng grupong Campaign Against Return of Marcoses and Martial Law (Carmma) at anila’y marami pang maaaring madiskubre’t mabawi sa ninakaw ng pamilya Marcos. Mababalewala ang mga naunang hakbang kung tuluyan itong mabubuwag. Dagdag nila na mas kailangang paigtingin ang panawagan lalo’t ngayong Marcos muli ang nasa trono.

Kakabit ng korupsiyon ang pagbuo nito ng kroni na nakinabang ang mga negosyanteng kadikit ng pamilya Marcos sa pangangamkam nito sa mga pangunahing industriya sa bansa.

Ngunit sapat bang isisi lang sa korupsiyon at kronyismo ng pamilya Marcos ang kahirapan ng sambayanang Pilipino?

Ayon sa mga eksperto mula sa IBON Foundation, nararapat na itumbok ang sisi sa mga patakarang nilikha ng diktadurang Marcos at pinagpatuloy ng mga sumunod na lider, na nagpapahirap pa rin sa buhay ng mamamayan.

“Nakapagpalala [ng problema sa kahirapan] ang korupsiyon ni Marcos [Sr.] pero ang talagang nakapagpabagsak sa ekonomiya ay pagbukas [nito] sa dayuhang produkto — pinabagsak ang agrikultura at manufacturing natin,” sabi ni IBON Foundation executive director Sonny Africa.

“Nagresulta doon sa walang kapantay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, walang kapantay na kawalan ng trabaho, walang kapantay na paglobo ng bilang ng mahirap sa bansa,” dagdag niya.

Mayaman ang Pilipinas pero bakit hirap ang Pilipino?

Sambit mula pa lamang pagkabata na sagana ang Pilipinas sa mga likas na yaman dahil na rin sa lokasyon nitong pinalilibutan ng karagatan at matatabang kapatagan. Ngunit bakit tila kapos ito at mayroon pa ring Pilipinong naghihikahos?

Ayon sa IBON, ito’y dahil sa pagbibigay-laya sa mga dayuhan na kumuha ng mga hilaw na materyales ng bansa, samantalahin ang murang pasahod at ibagsak ang kanilang produkto para sa sariling kita. Pinasimulan ni Marcos Sr. ang ganitong iskema. Hinuhulma ang ekonomiya sa interes ng dayuhan o mas kilala sa konseptong neoliberalismo.

“Bakit ang mahal ng presyo ng bilihin ngayon? Kasi wala tayong sariling kakayahan para magprodyus ng pagkain para sa pangangailangan at ng lahat ng produkto na ginagamit natin sa araw-araw,” sabi ni Africa.

Sa industriya ng langis at enerhiya, lumikha si Marcos Sr. ng service contracts scheme na ayon sa IBON ay lumabag sa kinakailangang restriksiyon na nakasaad sa Konstitusyon. Halimbawa nito ang paghawak ng Royal Dutch Shell at Chevron sa mga reserbang langis mula sa Malampaya. Umabot sa 30 ang mga service contract iginawad sa mga dayuhan ayon sa kaniyang State of the Nation Address noong 1979.

Bukod sa pagbibigay-laya sa mga dayuhang kamkamin ang likas na yaman, pinasimulan din ni Marcos Sr. na gawing eksport ang lakas-paggawa ng mga Pilipino sa ibang bansa. Nanatili namang mababa ang sahod ng manggagawang Pilipino sa sarili nitong bayan sa loob ng mahabang panahong panunungkulan ng diktador.

Ayon sa Martial Law Museum, ang tunay na halaga ng arawang kinikita ng mga manggagawang pang-agrikultural base sa pagtaas ng mga presyo’t bilihin ay bumaba sa buong dalawang dekadang panunungkulan ni Marcos Sr. mula P42 noong 1962, tatlong taon bago ang kaniyang pagkapangulo patungong P30 nang siya’y mapatalsik noong 1986.

“Ayaw nila na tayo yung nagproprodyus ng sariling pagkain at produkto kasi mawawalan sila ng merkado at tubo,” ayon kay Africa.

Ano ang alternatibo?

Para sa grupo, nagpapatuloy lamang ang sistemang naninilbihan para sa interes ng dayuhan. 

Hindi pa huli ang lahat para itaguyod ang nagsasariling ekonomiya kahit isa na namang Marcos ang nasa trono. Ayon kay IBON Foundation research head Rosario Guzman, kinakailangang imobilisa ang magsasaka, mangingisda at iba pang manggagawa sa paghuhulma ng nagsasariling ekonomiya.

“It’s wrong that we don’t have the resources to industrialize. Meron tayong local resources and they’re readliy available and if ever na wala man tayo it’s because the public investment needed ay hindi binibigay ng government,” sabi niya.

Pagtutuunan daw ng pansin ang seguridad sa pagkain at ibibiigay ang mga lupain sa magsasaka, ayon kay Marcos sa kaniyang desisyon na pamunuan muna ang Kagawaran ng Agrikultura. Marami ang pwedeng pagkakitaan sa sektor ng agrikultura, ayon sa IBON, kaya hindi kapani-paniwala ang mga progresibong pahayag ng pangulo.

“Kung priority ‘yan, e ‘di gawin mo na yung totoong land reform, itigil mo ang importasyon, bigyan mo ng karampatang suporta ang mga magsasaka, bigyan mo ng tamang alokasyon ang agrikultura, bigyan ng irigasyon na libre,” ayon kay Guzman.

###

Eriell Estrada

Si Eriell ay intern mula sa Bulacan State University.