Collage of a satellite rendering of a storm over the Philippine map and flooding

Hagupit ni Karding sa Agrikultura

October 13, 2022

Umabot sa tatlong bilyong piso ang pinsala ng bagyong Karding sa agrikultura. Sapat na kayang tulong sa mga magsasaka ang libreng binhi at pautang ng gobyerno?

Umani ng simpatya mula sa mga netizen ang 59 taong gulang na magsasakang si Tatay Felix Pangibitan. Kumalat kasi sa social media ang kanyang mga video sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Karding noong Setyembre 25.

Sa unang video, na ipinost ni Tatay Felix noong bisperas ng pagtama ni Karding, ipinakita niya ang malulusog at nagtataasang mga tanim na palay. Ramdam ng mga nakapanood ang pangamba at panghihinayang niya sa tiyak na pagkasalanta ng mahigit apat na ektarya niyang palayan sa Nueva Ecija.

Pagdaan ng bagyo, nagpost ulit si Tatay Felix ng video. Nakita naman dito ang mga nabuwal at dumapa na niyang pananim.

“Bawat  bagyong dumating masakit, pero ang mas masakit ngayon, kasi inagahan namin ang pagtatanim dahil madalas ang bagyo rito ay October. Napaaga naman bigla, hindi na namin maintindihan kung kailan kami magtatanim,” sabi niya sa isang panayam.

Kung hindi nasalanta ng bagyo, aabot sa 400 kaban ng bigas ang dapat aanihin niya ngayong Oktubre. Ito pa naman sana ang unang ani niya ngayong taon.

Mahigit 30 taon nang nagtatrabaho sa bukid si Tatay Felix. Dalawang beses lamang sila sa isang taon umaani dahil apat na buwan ang pagtatanim at pagpupunla. Ang palay niyang nasira ni Karding, itinanim noong Hunyo. Ngayong Disyembre hanggang Abril ng susunod na taon naman dapat ang second cropping. 

Sa datos ng Department of Agriculture (DA), umabot na sa P3.12 bilyon ang kabuuang bilang ng pinsala ng bagyong Karding sa agrikultura. Mahigit 108,594 na magsasaka at mangingisda, at 170,762 ektarya ng sakahan ang naapektuhan.

Nagkakahalaga ang pinsala ni Karding ng P20.02 bilyon sa palay, P65.4 milyon sa mais, P24.8 milyon sa irigasyon at taniman, at P12.2 milyon sa mga makina at gamit sa pagsasaka, ayon sa DA.

Napinsala din ni Karding ang iba’t ibang tanim ng mga magsasaka ng Hacienda Tinang sa Tarlac. Sa mga larawan mula sa Malayang Kilusang Samahan ng Magsasaka ng Tinang (MAKISAMA-Tinang), nakitang tinangay din ng malakas na hangin ang bubong ng kanilang mga tirahan at nasira rin ang kubol sa sakahan.

“Mas maaga sana silang nakaani kung mas maaga silang nakatanim,” ani John Milton ‘Ka Butch’ Lozande, tagapagsalita ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA)

Paliwanag niya, nahinto kasi ang pagtatanim ng mga magsasaka ng Hacienda Tinang dahil sa panggigipit ng kapulisan ng Tarlac, at hindi pag-aksyon ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa usapin ng pagkabinbin ng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.

Hiling naman ni Tatay Felix, agarang tulong na pangmatagalan, hindi awa. Dapat din aniyang tingnan ng gobyerno ang tunay na problema at kailangan ng magsasaka.

Farmer Felix Pangibitan in a farm damaged by flood

Tunay na tulong

Naglabas ng tulong ang gobyerno para sa mga magsasakang nasalanta kabilang ang pagpapamigay ng mga binhi na katumbas ng P185.69 milyon sa palay, P23.16 milyon sa mais, at P13.55 milyon sa mga gulay. 

Ngunit, para kay Tatay Felix, hindi ito ang agarang tulong na nakikita niyang kailangan nilang mga ordinaryong magsasaka.

“Ang huli naming natanggap 20 kilo kada ektarya na binhi, kakasya po ba iyon? Ang talagang tulong na kinakailangan namin e, kung paano tataas ang presyo ng palay namin, hindi kataasan sapat lang,” aniya.

Mula aniya nang umupo si dating pangulong Rodrigo Duterte, naghirap na ang kagaya niyang magsasaka. Mula sa P17-P21 kada kilo ng palay, bumaba ito sa tatlong piso.  

“Si Duterte ang nag lubog sa amin. Ang presyo ng bigas hindi bumababa, pero nagawa nila pababain ang presyo ng palay,” sabi ni Tatay Felilx. 

May programa rin ang Agricultural Credit Policy Council (ACPC) na Survival and Recovery (SURE) Loan Program, kung saan puwedeng umutang ang mga magsasaka at mangingisda ng P25,000 na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon na walang interes. 

Pero para kay Tatay Felix, ito man ay makakatulong sa susunod nilang pagtatanim, utang pa rin ito na maaaring magbaon sa kanila. 

Dapat aniyang unahin ang pagpapabuti ng presyo ng palay. Ito ang tingin niyang maitutulong ng gobyerno lalo na sa mga magsasakang mayroon pang puwedeng anihin at ibenta mula sa mga nasalantang pananim.

“Nagmamapa kayo agad ng tulong sa farmers para sa susunod na pagsasaka. Pero ngayon po, tamang presyuhan ang kailangan namin. Huwag muna po tayo sa susunod kasi darating din naman tayo roon,” ani Tatay Felix.

Mungkahi naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), dapat tumalima ang gobyerno sa Magna Carta of Small Farmers Act. Sa batas na ito, inuutusan ang DA na magbuo ng sistema sa pagsuporta sa presyuhan at magtakda ng framgate na presyo ng palay at mais. Inuutusan din ng naturang batas ang National Food Authority (NFA) na bilihin ang palay ng mga maliliit na magsasaka.

“Kahit may rice tariffication law, hindi pinagbabawalan ang NFA na bumili ng bumili ng palay mula sa mga magsasaka,” pahayag ng KMP.

Ayon din sa KMP, maaring ilaan ng gobyerno ang P8.9 bilyong sobra sa nakolektang taripa sa bigas para pondohan ang emergency production subsidy para sa mga magsasakang nasalanta. 

“Kung gagamitin ang rice tariff surplus para magbigay ng ?15,000 production subsidy, makakabenepisyo ang 593,000 magsasaka ng palay,” ani Rafael Mariano, lider ng KMP at dating kalihim ng DAR.