Pagmimina sa Sibuyan, pinigilan ng residente

February 17, 2023

Pansamantalang napigilan ng mamamayan ng Sibuyan Island ang konstruksyon ng causeway sa Sitio Bato sa bayan ng San Fernando, Romblon, matapos ang halos dalawang linggong tensiyon sa pagitan ng mga residente, pulisya at mga tauhan ng Altai Mining Philippines Corp. (APMC).

Pansamantalang napigilan ng mamamayan ng Sibuyan Island ang konstruksyon ng causeway sa Sitio Bato sa bayan ng San Fernando, Romblon, matapos ang halos dalawang linggong tensiyon sa pagitan ng mga residente, pulisya at mga tauhan ng Altai Mining Philippines Corp. (APMC).

Pebrero 3 nang magkaroon ng giriian sa pagitan ng mga nagbabarikada at mga pulis. Pinigilan ng mga residente ang mga trak ng APMC habang tinatangka naman ng mga pulis na buwagin ang barikada.

Kumalat ang video nito sa social media na napukaw sa mga netizen. Marami ang nadismaya sa pulisya na pumanig pa sa kumpanya ng mina sa halip na protektahan ang mamamayan. Malakas ang panawagan para itigil na ang pagmimina sa nasabing lugar.

Iligal diumano ang operasyon ng pagmimina dahil wala itong Environmental Compliance Certificate, Business Permit, Barangay Clearance at permiso mula sa Philippine Ports Authority.

Mariing tinututulan ito dahil sa idudulot nitong pinsala sa kalikasan, lalo na’t tinaguriang “Galapagos of Asia” ang isla ng Sibuyan dahil sa angking yaman ng biodiversity nito.

Naglabas ng joint order ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Mimaropa noong Pebrero 6 upang ipatigil ang operasyon ng APMC sa lugar.

Binawi rin ng APMC ang kasong sibil laban sa mga opisyal ng barangay at sangguniang bayan, environmental defender at tagasuporta ng barikada. 

Bagaman hindi pa lubusang natatapos ang laban, isa ito sa maituturing na tagumpay na binunga ng halos dalawang dekadang pakikibaka laban sa pagmimina.

Taong 2006, maingay na ang mga kampanya laban sa pagmimina sa Sibuyan. Nagkaroon ng mga piket laban sa Sibuyan Nickel Properties Development Corp. at ang pagpaslang kay Municipal Councilor Armin Marin na kilalang kritiko ng pagmimina.

May monumento ring itinayo para alalahanin ang pagkakaisa ng mga mamamayan laban sa pagmimina.

“Kung walang mariing pagtutol mula sa mga residente ng Sibuyan at mga tagapagtanggol ng kalikasan, marahil ay hindi man lang mag-aangat ng kahit isang daliri ang DENR sa mga nagaganap na paglabag ng APMC,” ani ni Jaybee Garganera ng Alyansa Tigil Mina.

Duda naman si Elizabeth Ibañez ng Sibuyanons Against Mining sa kautusan ng DENR.

“Para s’yang candy na pampatahan sa anak na nag-aalburoto. Ni hindi tignan nang malalim yung dahilan,” wika ni Ibañez.

Aniya, kung talagang seryoso ang DENR sa pangangalaga sa karapatan at kagalingan ng mga mamamayan ng Sibuyan, dapat bawiin nito ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) at mga permiso sa eksplorasyon ng APMC.

Patuloy na nagbabantay ang mga residente ng isla dahil naririyan pa rin ang mga banta at ang MPSA.

Sino ang nasa likod ng APMC?

Ibinunyag ng Alyansa Tigil Mina (ATM) na si “Plastic King” William Gatchalian diumano ang makapangyarihang personahe sa likod ng APMC.

Kilala ang mga Gatchalian sa larangan ng pulitika at negosyo. Si William Gatchalian ang ama nina Senator Sherwin Gatchalian, Social Welfare Secretary Rex Gatchalian at Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian.

Napagtahi ng ATM ang koneksyon nito sa APMC dahil ang anak nitong si Kenneth Gatchalian, tagapangulo ng kumpanyang pinanggalingan ng APMC, ang Wellex Mining Corporation. Direktang benipisyaryo rin siya ng Dynamo Atlantic Ltd. na bumili sa Sibuyan Nickel Properties Development Corp., isa sa mga partner ng APMC.

Nadiskubre rin na ang presidente ng APMC na si Hanniel Ngo ay dating mataas na opisyal ng Wellex Group. Matatandaang isa ang Wellex sa 23 kumpanya ng mina na pinasara noong 2017 sa panahon ni dating Environment Secretary Gina Lopez.

Sibuyan: Galapagos ng Asya

Bakit ba nanggigigil ang mga kumpanya ng mina sa Sibuyan?

Naging mining hotspot ang Sibuyan dahil sa mga mineral gaya ng nickel, cobalt iron at chromite. Ginagamit ito sa paggawa ng mga makina, sasakyan, appliances, electrical wires, battery at iba pa. Mahalaga ito sa industriyalisasyon, pero sa ibang bansa pa ito dinadala at hindi tayo ang nakikinabang.

Bukod sa mineral, napakayaman din ng Sibuyan sa flora at fauna. Ayon sa Foundation for the Philippine Environment, meron ditong mahigit 123 species ng puno, 33 dito ay endemic o matatagpuan lamang sa Pilipinas, at 10 dito ang napabilang na sa International Union for the Conservation of Nature (IUCN) Red List of Threatened Species.

Bukod sa mineral, napakayaman din ng Sibuyan sa flora at fauna. Ayon sa Foundation for the Philippine Environment, meron ditong mahigit 123 species ng puno, 33 dito ay endemic o matatagpuan lamang sa Pilipinas, at 10 dito ang napabilang na sa International Union for the Conservation of Nature (IUCN) Red List of Threatened Species.

Pinagpala rin ito ng mahigit 700 species ng halaman, 54 species ang endemic sa isla gaya ng Nepenthes sibuyanensis, isang species ng pitcher plant.

Tahanan ang isla sa may 83 endangered species ng hayop, 18 ay nasa listahan ng IUCN Red List. Kabilang sa mga critically endangered ay ang long-tailed macaque, gold-mantled flying fox at Visayan warty pig at Philippine tube-nosed fruit bat.

Nasa 130 species ng ibon ang nananahan dito kabilang na ang endemic sub-species na colasisi, Philippine pygmy woodpecker at orange-bellied flowerpecker. Hindi pa rin natatapos ang pagdiskubre ng mga mananaliksik sa mga bagong buhay-ilang.

Kabilang sa mga protected area nito ang Mt. Guiting-Guiting, ang lupaing ninuno ng mga Mangyan, ang mangrove swamp forest reserve at ilang bahagi ng karagatan ng Sibuyan.

Hindi matutumbasan ng kahit anong kita mula sa minahan ang mga likas-yamang ito.

Sa kalikasan nakasandig ang kabuhayan, kalusugan, kultura at kinabukasan ng mga residente ng Sibuyan kung kaya nangangahulugang pagwasak din sa buhay ng mamamayan ang pagwasak nito.

Ligal na instrumento ng pandarambong

Madalas na ginagamit ng malalaking minahan sa bansa ang Philippine Mining Act of 1995 upang makapasok at makapandambong sa lupain ng mga katutubo at magsasaka. Dahil dito, bumaha ng aplikasyon ng mga dayuhan at lokal na minahan sa mga critical bioversity area sa buong Pilipinas.

Dulot ng pihit sa pandaigdigang sistema ng kalakalan, itinulak ni dating Pangulong Fidel Ramos ang liberalisasyon sa ekonomiya, kabilang ang sektor ng pagmimina upang makahikayat ng dayuhan at lokal na mamumuhunan.

Naaprubahan ang MPSA ng APMC sa panunungkulan ni Gloria Macapagal-Arroyo noong 2009. Nagkaroon ito ng ekslusibong karapatan sa pagmimina sa mahigit 1,500 ektaryang lupain sa Sibuyan sa loob ng 25 taon. 

Noong 2011, pinahinto ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang operasyon ng APMC dahil sa pinsala nito sa mga ilog ng Sibuyan.

Ngunit taong 2022, inaprubahan naman ang ore export at transport permit nito. Pinahihintulutan nito ang pag-export ng 50,000 metric tons ng nickel sa Hong Kong.

Ito pa din ang giya ng ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa polisiya sa pagmimina.

Nitong Agosto 2022, naglabas ng pahayag si Finance Secretary Benjamin Diokno na kumikilala sa kontribusyon sa ekonomiya ng malalaking minahan. Habang nagkukwenta ng kikitain ay walang pagsasaa-alang-alang sa mga kinakailangang pagrerepaso o pagbabago ng batas sa pagmimina. 

Sa kabila ng pagtututol ng mga lokal na pamahalaan sa Sibuyan, tahasang nakakapagmina ang APMC dahil sa basbas ng batas na kumikiling sa mga higanteng minahan sa halip na pangangalaga sa yaman ng bansa para sa pakinabang ng mamamayan.

Avatar