Hustisya, imbestigasyon sa pamamaslang – SOS Network
February 25, 2022
Masaker, hindi engkuwentro ang naganap sa Davao de Oro. Muli, biktima ang mga nagsisilbi sa komunidad.
Nanawagan ng hustisya ang Save our Schools Network (SOS Network) Cebu para sa pagpatay sa limang katao sa Davao de Oro kahapon, Pebrero 24. Kasama sa biktima ng pamamaslang sina Chad Booc at Gelejurain Ngujo II, parehong volunteer teacher sa mga paaralan ng Lumad.
“Ang binansagang ‘engkuwentro’ ng [Armed Forces of the Philippines], sa totoo, ay masaker ng mga sibilyan doon. Para bigyang-katwiran ang pamamaslang, binabaluktot ng armed forces ang katotohanan para bumagay sa naratibo nila, tulad ng dati na nilang gawi,” sabi ng SOS Network Cebu sa isang pahayag.
Naunang nabalita ang pamamaslang sa lima dahil sa anunsyo ng AFP 10th Infantry Division kaninang tanghali. Dito, tinawag nilang mga rebelde ang lima at ginamit pang lunsaran ang pamamaslang para sa panibagong red-tagging at pandadawit sa mga paaralan para sa Lumad. Kapareho ito ng tono ni Pangulong Duterte noon pang 2017, nang sabihin niya sa kanyang State of the Nation Address na bobombahin ang mga paaralang Lumad, kahit pa may certification noon ang paaralan tulad ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development, Inc.
Ayon sa Communist Party of the Philippines Information Bureau, walang naganap na engkuwentro sa New Bataan, Davao de Oro noong Pebrero 24 at pawang kasinungalingan ang pahayag ng AFP.
Si Booc at Ngujo, parehong nagtapos ng kolehiyo, ay volunteer teacher sa mga paaralang Lumad. Naging higit na malaking hamon ito para sa kanilang mga guro (at lalo sa mga mag-aaral) nang ipag-utos ng Department of Education ang pagpapasara ng 55 paaralan para sa mga Lumad noong 2019. Mula pa 2016, higit sa 170 paaralan para sa Lumad na ang ipinasara o napilitang magsara dahil sa karahasan sa kanilang mga komunidad. Ayon pa nga sa SOS Network nitong nakaraang taon, hindi na tumuloy sa pag-aaral ang ilang kabataan.
Sa kabila nito, sinikap ng Save our Schools Network, kung saan pareho naglingkod si Booc at Ngujo, na magabayan sa pag-aaral ang mga kabataan na kasama sa ‘Bakwit School’ sa Unibersidad ng Pilipinas. Ipinagdiwang nila ang kanilang moving up ceremony Hulyo ng nakaraang taon.