Editoryal

Pakikiisa sa biktima rin ng bala at oportunista

February 22, 2022

Lubos na suporta ang kailangan ngayon ng mga mamamayan ng Myanmar, silang mga tunay na nagbibitbit ng interes ng bayan nila

Kailangan ng suporta ng mga karaniwang mamamayan ng Myanmar na nasa ilalim ng isang marahas na military junta at binabakuran pa ng Tsina at Russia.

Ayon sa ulat ng Assistance Association for Political Prisoners may 1,499 na ang biktima ng pamamaslang ngayong higit isang taon na ang rehimen ng militar doon. Sa datos ng Alternative ASEAN Network on Burma, umaabot ang bilang ng patay sa higit dalawang libo, at kasama sa mga ito ang ilang kabataan. Libo-libo na rin ang kinulong alang-alang sa pananatili ng kapangyarihan ng junta.

Nagdeklara rin ng state of emergency ang militar na gobyerno ng Myanmar, para pigilan umano ang mga nangsasabotahe sa bansa. Kasama dito ang pagkakaroon ng mga blockade o pagkontrol sa labas-pasok ng mga tao, mga kagamitan, at pati pagkain.

Ngayon, higit tatlong milyong mamamayan – manggagawa, magsasaka, estudyante, pambansang minorya – ang nangangailangan ng mapagkukunan ng pagkain at ligtas na tirahan, malayo sa mga airstrike at karahasan ng militar.

Sabay sa pagkundena sa military junta, lubos rin ang pagtuligsa ng International League of Peoples’ Struggle sa pinapakitang suporta ng Tsina at Russia sa pamunuang militar ng Myanmar. Itong dalawang bansa ang nangunguna sa pagsuplay ng armas sa bansa. Hanggang ngayon, hindi maawat kahit ng United Nations Security Council na nananawagan ng embargo sa pagpasok ng kagamitang panggiyera sa Myanmar.

Sa iba’t ibang sulok ng mundo, dapat lang itulak ang pagpalayas sa mga oportunistang ito na nag-uudyok ng giyera at karahasan, para sa anumang baluktot na interes.

Ang pinapamudmod na armas ng makakapangyarihang bansa tulad ng Russia, Tsina, at pati US, para kaibiganin ang naghaharing diktadurya sa iba’t ibang bansa, para makaposisyon sa planong pang-ekonomiya ng mga marahas na rehimen, para kumita mula sa giyera – lahat ng ito ay walang ambag sa tunay na laban para sa demokrasya at kapayapaan.

Kilalang kilala natin sa Pilipinas ang eksenang ito, ang nakakasulasok na tanawin ng dayuhang gobyerno na maingay na sumisigaw ng demokrasya, habang nag-aambag ng pondo sa giyerang nagpapahirap sa mga sibilyan dito.

At hindi rin kaiba dito, binubuhay ng nagkakaisang mga progresibo sa Myanmar ang natitirang pag-asa sa kalayaan. Habang nananawagan ng tulong mula sa mga organisasyong pangkarapatang pantao, tuloy ang laban nila sa parlyamentaryo, sa mga protesta sa lansangan, at pati armadong pakikibaka.

Lubos na suporta ang kailangan ngayon ng mga mamamayan ng Myanmar, silang mga tunay na nagbibitbit ng interes ng bayan nila. Sa iba’t ibang panig ng mundo, tuloy ang paggiit ng mga komunidad sa karapatang makapagpasya at mamuhay nang may dangal. Lagi nating susuportahan ang ganitong mga laban.

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.