Panayam

Tandaan, ngayong halalan

March 14, 2022

Apat na puntong dapat tandaan, mula sa panayam kay Kontra Daya convenor Danilo Arao.

Napakarami nang napag-usapan tungkol sa halalan at baka nalilito na tayo dapat at hindi dapat. Ang Kontra Daya, may mahalagang mga paalala:

1. Karapatan ng lahat na makapagpahayag ng saloobin ukol sa eleksiyon.

Arao: Kasi ang nangyayari ngayon, parang binubusalan, lalo na yung kaguruan, hinggil sa kanilang sentimyento sa darating na halalan. Ang paglalahad ng opinyon hinggil sa nangyayari sa bayan, karapatan yan ng kahit sinuman at walang batas na puwedeng pumigil doon sa ating kalayaan sa pagpapahayag ng ating saloobin.

Ang paggamit ng rekurso ng gobyerno, halimbawa, yung official vehicle ng mga barangay, kung ginagamit sa pagsasabit ng tarpaulin, bawal po iyon.

2. May proseso ang pagbaklas ng campaign posters sa private property.

Arao: Dapat ginagalang ang pribadong pagmamay-ari ng isang indibidwal, ng isang korporasyon, o ng isang grupo. Dapat may pahintulot, at dapat may proseso ‘yan, hindi yung basta-basta na lang. 

Yung pagbabaklas ng mga illegally posted na campaign posters and materials, it can apply, sa tinatawag nating public places. Halimbawa, sa mga parke, sa mga iba pang pampublikong lugar.

Isang puna ng Kontra Daya, kung ang Comelec ay nagnanais talaga na tanggalin ang illegally posted campaign material, hindi na nila kailangan tumingin pa nang pagkalayo-layo. Bisitahin nila yung mga city hall sa iba’t ibang bahagi ng bansa. May anecdotal evidence na nagpapakita na ginagamit yung lugar, at yung rekurso ng gobyerno, sa lokal na antas, para ipromote yung mga kandidato.

3. Walang lugar ang red-tagging sa pangangampanya.

Arao: Bahagi ng negative campaigning yung red-tagging sa mangilan-ngilang kandidato tsaka mga partylist group. Dapat imonitor din ito ng Comelec lalo na kung [ang gumagawa nito] ay pulis at mga ahensya ng gobyerno. Dapat minomonitor ito nang mabuti. Hindi naman censorship yung sasabihin mo na tigilan nila ito.

Kasi alam naman natin na may pattern, pag ikaw ay nagrered-tag, puwede ka maaresto, puwede ka madetain, puwede ka pa nga matortyur, at sa extreme cases, puwede ka pa nga mapatay. 

4. May kapangyarihan ang mga karaniwang mamamayan.

Arao: Dalawa yung pangunahing tungkulin ng mga botante. Una sa lahat, pillin nang mabuti yung kandidato. ‘Wag sana ibenta ang kanilang boto. Yung tamang pagpili ng kandidato, batay sa mga plataporma, hindi sa mga gimmick o simpleng retorika o simpleng pangako lang.

Pangalawa, sa pangkalahatan, kailangan talaga ng paghahanda, pagbabantay at pagkilos. Hindi sapat yung boboto sa halalan. Dapat obserbahan ang nangyayari sa paligid at ipagbigay-alam sa mga election watchdog tulad ng Kontra Daya, at sa Comelec na rin, kung may nakikitang iregularidad.

Para siguraduhin natin na ang mata ng sambayanan, nandoon sa gustong gumawa ng katiwalian. 


Featured image: Kontra Daya, November 2021

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.