Kaninong Wika, Kaninong Kasaysayan

Kapirasong Kritika Kolum

Kaninong Wika, Kaninong Kasaysayan

August 13, 2022

Madalas na nababanggit ang kalayaang pang-akademiko kaakibat ng kalayaang mag-isip at magpahayag, na pawang mahalaga sa isang demokrasya. Ang lahat ng ito ay sinasagkaan ngayon sa bansa gamit ang red-tagging, panunupil, at mga batayang halaw sa diskursong “kontra-terorismo.”

Nasa headline ng Philippine Daily Inquirer, at sa gayo’y balitang-balita, ang pag-uutos ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), isang ahensya ng pamahalaan, na itigil ang paglalathala ng mahigit 17 libro.

Ang dahilan: “subersibo,” “nag-uudyok ng rebelyon,” at “anti-gobyerno” umano ang naturang mga libro. Sumisipi raw sila sa mga sulatin ng Communist Party of the Philippines at karugtong nitong New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines. Humahalaw rin daw sila sa mga ngayo’y inaakusahang mga Komunista na sina Bienvenido L. Lumbera at Alice G. Guillermo, na mga kilala at iginagalang na progresibong intelektwal. 

Nagmula ang akusasyon sa napakaingay at napakaraming pondo na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Aktibong-aktibo ito sa pangre-redtag o pag-akusa ng pagiging Komunista, habang nagtutulug-tulugan ang gobyernong pinaglilingkuran nito sa mga tampok na isyu ng mga mamamayan ngayon gaya ng nagtataasang presyo ng bilihin, bulok na transportasyon, kawalang-trabaho at iba pa.

Ilan sa mga awtor ng naturang mga libro na pinangalanan ng NTF-ELCAC sina Reuel Aguila, Dexter Cayanes, Malou Jacob, Don Pagusara at Rommel Rodriguez — pawang matagal nang mga manunulat na ang mga pangalan ay pamilyar kahit sa mga nagmamasid lang sa panitikan at larangan ng panulat sa bansa.

Marami nang departamento ng mga unibersidad, organisasyon at alyansa ng mga manunulat at akademiko, at indibidwal ang mariing kumondena sa hakbangin ng KWF, o ng umano’y marami sa mga komisyoner nito. Malinaw ang kanilang pahayag: pagsensura at panunupil ito, atake sa kalayaang akademiko at karapatang magpahayag.

Hindi ito ang una. Mahaba ang kasaysayan ng bansa sa mga atake sa naturang mga karapatan, at muling dumami sa ilalim ng rehimeng awtoritaryan ni Rodrigo Duterte. Tiyak na hindi rin ito ang huli. Sa pagkakaluklok sa puwesto ng anak ng diktador na si Ferdinand Marcos, at sa pagpapatuloy nito sa mga patakaran ni Duterte kasama na ang NTF-ELCAC, dadadalas pa ang naturang mga atake.

Mahalaga kung gayon na balik-aralan ang mga pinagmulan ng naturang mga karapatan at kalayaan — hindi lang para sa interes na malaman, o akademiko at intelektuwal, kundi para maunawaan din ang halaga at pagsisilbi nito sa buong lipunan, lalo na sa nakakaraming masang anakpawis at mamamayan.

Ang klasikong depinisyon ng kalayaang pang-akademiko, ayon sa historyador na si Joan W. Scott, ay “ang lisensiyang ibinibigay sa mga iskolar para magsulong ng mga saliksik at pagtuturo nang walang eksternal na pakikialam mula sa tulad ng mga pulitiko, pilantropo, at administrador.” Saklaw rin daw nito ang karapatan ng mga estudyante na mag-aral.

Ayon kay Scott, ang kalayaang pang-akademiko ay ibinibigay ng Estado, o iginigiit dito, para sa kapakanan ng mga mamamayan. Kailangan ang malaya, walang pakikialam at walang takot na paglikha ng kaalaman at karunungan para sumulong ang lipunan. Kung ang pananaw lang ng mga pulitiko at naghahari ang puwedeng umiral at lumaganap sa isang lipunan, walang pag-unlad na magaganap.

Kaya nga, “Para makamit ang naturang pag-unlad, kailangang tanggapin na ang mga akademiko ay hindi lang may karapatan, kundi may tungkulin pa nga, na kuwestiyunin ang namamayaning kaayusan o status quo — sa natural sciences man, agham panlipunan, o humanidades.” Kailangang may naiiba at sumasalungat sa namamayani, at walang pagsulong kung walang tunggalian.

Kung gusto nating magbago at umunlad ang bansa — na batbat ng mga suliranin mula matinding trapik at baha hanggang kawalang-trabaho at kawalang-lupa — kailangan natin ng mga bago, kakaiba at salungat-sa-naghaharing ideya, pananaw, damdamin at sensibilidad. Iyan ang posibleng hatid ng ating mga manunulat, akademiko at intelektuwal — kaya kailangan nila, at kailangan natin bilang bayan maging ng masang anakpawis, ng kalayaang pang-akademiko.

Dagdag pa ni Scott, may tungkulin tayo bilang lipunan o bayan na ipagtanggol ang sinumang nagpapahayag ng kanilang pananaw laban sa pambubusal ng makapangyarihan. Dahi hindi tayo makakapag-isip nang hindi sangkot ang kaisipan ng iba, ang pagsupil sa pag-iisip ng iba ay pagsupil din sa pag-iisip nating lahat [“What Kind of Freedom is Academic Freedom,” 2022].

Madalas na nababanggit ang kalayaang pang-akademiko kaakibat ng kalayaang mag-isip at magpahayag, na pawang mahalaga sa isang demokrasya. Ang lahat ng ito ay sinasagkaan ngayon sa bansa gamit ang red-tagging, panunupil, at mga batayang halaw sa diskursong “kontra-terorismo.”

Mahalaga ang pahayag ng Korte Suprema sa isang usapin kaugnay nito, na ipinaalala sa Twitter ng mamamahayag na si Lian Buan: pinoprotektahan ng batas ang karapatang magprotesta at magpahayag, kahit pa magdulot ng pagkadismaya at ligalig (unrest) o galit sa mga mamamayan. “Hindi labag sa batas ang pagbabanta (intimidate) sa gobyerno o pagdudulot ng ligalig sa mga mamamayan kung ang paraan… ay pagtatalumpati, diskurso o ‘mapagpahayag na gawi’.”

Dagdag pa nito, “Ang pundasyon ng demokrasya, batay sa disenyo nito, ay isang populasyon na pinapayagang impluwensiyahan o bantaan ang gobyerno nito sa pamamagitan ng mga salita, kahit iyung nagdudulot ng galit o lumilikha ng pagkadismaya.”

Mahusay ang pahayag na ito ng Korte Suprema laban sa mga gumagamit sa paglaban sa terorismo para supilin ang mga mamamayan at demokrasya. Pero mas tugma ito sa pagtingin sa mga mamamayan na nakapailalim sa gobyerno. Ang totoo, mas malawak at sa gayo’y mas radikal ang kahulugan ng demokrasya.

Sabi nga ng teoryistang pampulitikang si Wendy Brown, “Demos + krasya = paghahari ng mga mamamayan.” Naiiba ito sa “aristokrasya, oligarkiya, tiraniya,” at sa pagiging kolonya o inookupa ng dayuhang kapangyarihan. Aniya, “Nagdadala ang salita ng simple at purong pampulitikang pahayag na ang mga mamamayan ang naghahari sa kanilang sarili, na ang buo sa halip na isang bahagi o iba ang may hawak ng soberanyang pampulitika” [“‘We are all Democrats Now…’,” 2009].

Mahalagang kaugnay ng pagsensura ng KWF ang pahayag ni Ferdinand Marcos, Jr tungkol sa wikang panturo sa mga paaralan. Sa kanyang unang State of the Nation Address at unang mayor na pahayag ng mga patakaran at plano, itinulak niya ang pagiging wikang pangturo ng Ingles, hindi ng Filipino. Ito raw ang gusto ng “mga dayuhang employer” at “pandaigdigang pamilihan,” at ang mga Pilipino raw ay isang “English-speaking people.”

Sa ganyan at mga kaugnay na tindig, ipinapakita ni Marcos Jr ang pag-una sa interes ng malalaking dayuhang kapitalista sa loob at labas ng bansa: pag-akit sa dayuhang pamumuhunan para lumikha ng trabaho, Labor Export Policy, at iba pa. Ipinapakita niyang ipinagpapatuloy niya ang mga patakaran ng kanyang mga sinundan, maging ni Noynoy Aquino, mga patakarang neoliberal.

Sa ganyan at mga kaugnay na tindig, ipinapakita rin niya ang pagsantabi sa wikang Filipino na wika ng maraming mamamayan — at kuwestiyunin man ang pagiging malaganap sa Pilipinas ay mas posibleng maging wikang pambansa kumpara sa Ingles. Kung may uubrang maging wika ng talakayang panlipunan para ang mga mamamayan ang tunay na makapaghari sa bansa, o maging wika ng demokrasya sa bansa, iyan ay ang wikang Filipino, hindi Ingles. Ipinapakita ni Marcos Jr samakatwid na siya ay anti-demokrasya.

Taliwas sa sinasabing “authoritarian developmentalism” na malaganap sa Asya, lalong pinalinaw ng tindig sa wika ni Marcos Jr na ang kanyang rehimen ay awtoritaryanismong neoliberal, hindi maghihigpit para magdulot ng tunay na kaunlaran sa bansa — kundi manunupil para patuloy na makapaghari at paglingkurin ang mga Pilipino sa iilang mayaman at makapangyarihan, dayuhan at lokal.

Ang pagsupil sa mga manunulat, akademiko at intelektwal ay bahagi ng pagsupil sa malawak na mamamayan, sa mga lumalaban para sa dagdag-sahod, pagbasura sa kontraktuwalisasyon, disenteng trabaho, lupa para sa mga nagbubungkal, suportang agrikultural ng gobyerno, paninirahan, lupang katutubo, karapatan sa edukasyon at iba pa.

Sa mga isyung katulad ng pagsensura ng KWF, natural na ang mga apektado at maaantig ay mga nasa panggitnang uri ng lipunan, lalo na ang mga nasa social media. Hindi ibig sabihin ay dapat na itong maliitin kumpara sa mga isyu ng masang anakpawis. Mahalaga ito.

Maganda ang paalala ng pampulitikang siyentistang si Temario C. Rivera. Sa kasaysayan, aniya, “nagbigay ang mga paksyon ng panggitnang uri ng pamumuno para sa halos lahat ng proyektong pulitikal sa bansa,” sa pamamagitan ng iba’t ibang “pampulitikang wika at alyansa.” Ilan sa halimbawa ang “mga teknokrata ng diktadurang Marcos, kadre ng mga rebolusyunaryong partido, aktibistang nakabase sa simbahan, o mga militar na lider-kudeta.”

Pero hindi siya diyan nagtatapos. Aniya, “mahalaga ang mga nasa panggitnang uri hindi dahil sa kanilang bilang o pagkakatulad,” kundi sa kanilang mga kakayahan, na “pinapahalagahan kapwa ng mga elite at mga kilusang oposisyon ng mga nakakababang uri.”

Dagdag pa niya, “Sa organikong ugnay sa ibang uring panlipunan o kilusang pampulitika, ang mga panggitnang-uring kahusayan, kakayahan at hangarin ay maaaring magkaroon ng matagalang epekto sa Estado at lipunan” [“The Middle Class in Society and Politics,” 2018].

Mahalagang isyu para sa masa ang pagpapatigil ng KWF sa mga libro, at mga katulad na isyu. Nasa puwesto ang isang rehimeng pilit-binabaluktot ang kasaysayan, lalo na ang pakikibaka sa diktadurang Marcos at pag-aalsang People Power 1986 — kasaysayang nilikha ng masa. Ngayon naman, binubusalan din nito ang wika ng posibleng demokratikong talakayan sa bansa — ang wika ng masa.

Sa demokrasya, ang kapakanan ng mga mamamayan ang itinuturing na pinakamataas sa lahat. Sa paghaharing awtoritaryan, ang naghahari, wala nang kinikilala pang mas mataas sa kanya. Rehimeng Duterte at rehimeng Marcos: inuuna ang kagustuhang patuloy na makapaghari, mapaglingkuran ang mga dominanteng neokolonyal at makauring interes, at ngayon, ibangon ang dangal ng pamilya — nang sinusupil at sinasalaula ang kapakanan at tinig ng mga mamamayan.


13 Agosto 2022

Teo S. Marasigan

Teo S. Marasigan

Si Teo S. Marasigan ay isang kolumnista na tumatalakay sa progesibong pulitika at popular na kultura.