Bongbong Marcos with cracks like broken glass over his face

Unang 100 araw ni Marcos Jr: Lumabas na ang katotohanan

October 16, 2022

Nabigo ang administrasyong Marcos Jr. na gumawa ng anumang mahalagang hakbang sa panahong ito. Kinumpirma lang nito na hindi nito kayang tanawin ang anumang tunay at malalimang pagbabago. Malabo nang makapagtakda ito ng bagong direksiyon sa natitirang panahon ng anim-na-taong termino nito. Para mangyari ito, kailangang magmula ang pagbabago sa mga mamamayang may pinakamalaking interes na mapabagsak ang mapanupil na kalagayan ngayon.

Lumalabas din ang totoo. Taliwas sa Imeldific na kasabihan na “ang mahalaga ay ang inaakala; hindi ang katotohanan” (“perception is real, truth is not”), nakikita na ang katotohanan sa unang 100 araw ng bagong administrasyon. Sa kabila ito ng walang tigil na pagsisikap nitong baguhin ang inaakala ng mga mamamayan.

Maraming beses nang ipinakete sa publiko si Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng kanyang mga propagandista, alyado at alalay. Ang sabi nila, nakuha raw niya ang magandang mga kalidad ng kanyang ama, at ibabalik niya ang “golden years” ng bansa. Kahit pa alyado ng mga Duterte, ibabalik daw niya ang paggalang at dignidad na nawala sa ilalim ng nauna sa kanya. Kahit kontrobersiyal siya, nagbuo raw siya ng gobyernong kinabibilangan ng “pinakamahusay at pinakamatalino” na mula sa magkabilang panig ng pulitika.

Sa kanyang unang talumpati, pumostura mismo si Marcos Jr. na radikal na tagareporma at nangako ng “komprehensibong plano para sa ekonomiya na para sa lahat”.

Pero may hangganan ang mga pakulo sa press releases, mga paskil sa social media, at mga pahayag. Katulad ng palpak na inareglong paglabas niya sa publiko tuwing kailangang mabilis na tumugon sa mga biglaang tanong, di maganda tingnan ang unang 100 araw niya kung kikilatisin.

Sinimulan ni Marcos Jr. ang ika-101 araw niya nang nalantad siya: walang muwang sa malalim na mga problemang pang-ekonomiya at walang bagong iniaalok sa mga mamamayan.

Gumaganang gobyerno?

Madaling matastas ang mumurahing tela. Kitang kita ang kakulangan ng kanyang administrasyon sa pagkakaroon lang ng officer-in-charge sa mahalagang mga departamento ng kalusugan at pambansang depensa. Kita rin ito sa mabilisang pagkawala ng executive secretary, press secretary at hepe ng Commission on Audit. Kahit iyung pagiging kalihim ni Marcos Jr. sa agrikultura ay dapat pansamantala lang.

Pero mas nakakapag-alala ang madaliang tinipon at todong pinapurihang economic team. Madaling maunawaan kung bakit walang alam ang Presidente sa mga seryosong problema sa ekonomiya ng ordinaryong Pilipino. Noon pa mang diktadurang Marcos, di-kilala ang pamilya niya sa pagiging sensitibo sa paghihirap ng mga Pilipino.

Pero kung walang muwang ang Presidente kahit sa totoong kalagayan ng ekonomiya ayon sa estadistika, bunga na ito ng ignoransiya ng kanyang mga tagapayo sa ekonomiya. Sa kabila ng mga papuri sa kanilang kakayahan, taliwas sa mabuting pangangasiwa ang paggigiit nilang maganda raw ang takbo ng ekonomiya at nakakabangon na ito.

Ipinapakita nito kung bakit hindi nagawang tumahak ng administrasyon sa bagong landas para maisaayos ang ekonomiya o maibsan ang paghihirap ng milyun-milyong Pilipino.

Sa harap ng malalim at lumalalim na mga krisis sa ekonomiya, pinamahalagang tanda ng gumaganang gobyerno, ayon mismo sa Presidente, ay ang pagkakaroon ng “komprehensibong plano para baguhin ang ekonomiya para sa lahat”. Sobra-sobra ang 100 araw para maipaliwanag sana ang bagong mga inisyatibang ito.

Pero wala tayong makitang ganito. Ang naririnig lang natin sa kanyang economic team ay iyung mga pahayag na paulit-ulit nang sinasabi ng bawat administrasyon nitong huling 50 taon. Sinasabi nila ito ano man ang tunay na lagay ng ekonomiya: kailangang mag-akit ng dayuhang mamumuhunan, ipagdiwang ang pangungutang sa dayuhan, paunlarin ang imprastruktura at padaliin ang pagnenenegosyo para lumaki ang kita ng mga korporasyon.

Pero napakalala na at kakaiba ang mga kalagayan ngayon. Malinaw na bahagi na ng problema ang mismong paggigiit na tama ang dating mga gawi sa ekonomiya. 

Business as usual?

Totoo ang mga problema sa ekonomiya, at hindi ang inaakala ng iba hinggil sa administrasyon. Hindi rin ang pandemya ang pangunahing problema.

Bumabagal na ang paglago ng ekonomiya bago pa dumating ang pandemya – mula sa 7.1 porsiyentong paglago ng gross domestic product (GDP) noong 2016, bumaba ito sa 6.9 porsiyento (2017), 6.3 porsiyento (2018), at 6.1 porsiyento (2019). Ibinunga rin ng di-napag-isipang mga lockdown noong 2020 ang pinakamalupit na pagbagsak ng ekonomiya sa kasaysayan ng bansa at ng buong Asya (kabilang ito sa 30 pinakamalala sa mundo). Madalas na isinisisi ito sa pandemya pero iyung mga lockdown talaga ang maysala. Katunayan, di-hamak na mas mabuti ang lagay ng ibang bansa kahit pa tinamaan din ng pandemya.

Mapanlinlang ang sinasabing mabilis na paglago raw ng ekonomiya noong 2021 mula sa bagsak na lagay nito. Halos nalustay rin ang paglagong ito bago naluklok ang bagong administrasyong Marcos Jr. Lalong babagal pa ang paglago ng ekonomiya ngayong taon hanggang sa susunod na taon. Pinalalala pa ito ng pagbilis ng implasyon o pagtaas-presyo ng mga bilihin, sunud-sunod na krisis sa ibang bansa at paparating na global recession o pagbagal ng paglago ng pandaigdigang ekonomiya.

Pero di pa rin nakikita sa bumabagal na pag-unlad at kahit estadistika hinggil sa lakas-paggawa kung gaano kaseryoso ang kalagayan ng mga mamamayan. Itinatago ng bahagyang pagbalik ng mga trabaho ang lumalalang kawalan ng trabaho. Kung ikukumpara lang ang empleyo noong Enero 2020 bago ang sobrang-lupit na mga lockdown sa 2022, mukhang tumaas ang bilang ng trabaho mula 5.3 milyon tungong 47.9 milyon. Pero lumobo rin ang kawalan-ng-empleyo sa 2.7 milyon (5.3 porsiyento) sa panahong ito, ayon sa pinakahuling ulat sa lakas-paggawa noong Agosto 2022.

Itinatago ng opisyal na mga ulat hinggil sa empleyo ang kawalan-ng-empleyo at kakulangan ng mga trabaho. Tumaas ang ulat ng kawalan-ng-empleyo nang mahigit 7 milyon (14.7 porsiyento). Pero ipinapakita lang nito ang isang bahagi ng problema.

Lumalabas na pag-empleyo-sa-sarili (self-employment) o impormal na trabaho lang na maituturing ang pito (7) sa bawat 10 (70 porsiyento) ng naiuulat na 5.3 milyong dagdag na trabaho. Kasama pa sa datos sa “family employment,” ang di-bayad na trabaho-sa-pamilya, na 4.4 milyon. Doble pa ito sa 2.1 milyong di-bayad na family employment noong Abril 2020 sa kasagsagan ng mga lockdown.

Batay sa mga oras na tinrabaho, karamihan sa karagdagang trabaho ay part-time lang (aabot ng 15.9 milyon). Kung kikilatisin ang datos sa lakas-paggawa, makikitang di nakakabangon ang ekonomiya, kundi nagsisikap lang ang mga pamilyang Pilipino na makaagapay sa buhay sa anumang paraang kaya. Kahit ang pagtaas ng “labor force participation rate” (o antas ng paglahok ng lakas-paggawa) na 66.1 porsiyento noong Agosto 2022 mula sa 61.7 porsiyento noong Enero 2020 ay hindi patunay na gumaganda ang merkado ng lakas-paggawa. Malamang na patumay ito na nagiging mas desperado ang mga pamilyang Pilipino na maiangat ang kanilang mga kita.

Pero hindi sila nagtatagumpay. Naiulat na mismo ng gobyerno na dumadami ng “self-reported poverty” o mga taong itinuturing na mahirap sila. Kahit pa pagbatayan ang napakababang opisyal na “poverty threshold” (o hangganan ng kahirapan) na P79 kada tao sa isang araw sa buong bansa, lumalabas pa ring dumami ang mahihirap na pamilyang Pilipino nang 3.5 milyon (13.2 porsiyento ng mga pamilya) at mahihirap na Pilipino nang 20 milyon (18.1 porsiyento ng populasyon).

Kamakailan, sa kabila ng pagbukas muli ng ekonomiya, iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na dumami ang mga kabahayan (household) na walang ipon (savings). Tatlo sa bawat apat (72.5 porsiyento) na ng mga household ang naghihirap nitong ikatlong kuwarto ng 2022. Sa tantiya ng Ibon Foundation, apat na milyon lang ito bago ang mga lockdown. Pero ngayon tinatayang 19.4 milyon na ang mahihirap at bulnerableng pamilya na walang ipon, nabubuhay na isang-kahig-isang-tuka, at nangangailangan ng agarang ayuda. 

Sila ang mga Pilipino na pinakamalupit na tinamaan ng bumibilis na implasyon dahil wala silang magagamit na ipon para makaagapay sa mga pangangailangan. Kasintaas ng 6.9 porsiyentong implasyon ang implasyon noong Setyembre/Oktubre 2018. Ito rin ang pinakamataas sa loob ng 14 taon (mula 7.2 porsiyento noong 2009).

Walang magagawa?

Ang punto lang – naghihirap ang malaking kalakhan ng mga Pilipino. Pero mukhang hindi sila nakikita ng elitistang Pangulo at mga tagapangasiwa ng ekonomiya na patuloy na nagpapatupad ng mga neoliberal na dogma sa ekonomiya.

Malinaw na kailangan ngayon ng ekstraordinaryong mga polisya na tutugon sa pagsahol ng ekonomiya – tulad ng malalang pagbagsak ng ambag ng agrikultura sa GDP na pinakamababa sa huling 70 taon. Kailangan din ng ekstraordinaryong pagtugon sa mga banta sa kabuhayan at kagalingan ng milyun-milyong Pilipino.

Business-as-usual pa rin ang administrasyong ito, kahit pa paimbabaw na kinikilala ang ilang problema sa ekonomiya. Madalas na idinadahilan nito para sa kawalang aksiyon ang kakulangan daw sa mga rekurso. Para bigyan-katwiran ito, palaging buladas nito ang “fiscal consolidation” at “fiscal sustainability” (o pagtitipid ng pera) na para bang ito lang ang kaya nitong gawin. Nahuhumaling ang administrasyon sa “credit ratings” at “creditworthiness” (o kakayahan ng gobyerno na magbayad-utang).

Ito ang dahilan kung bakit “austerity budget” (o badyet sa pagtitipid) ang panukalang 2023 badyet na hindi nga makatutugon sa implasyon ngayong 2022 na baka umabot pa ng higit 5.4 porsiyento. Tumaas lang ang panukalang badyet nang 4.9 porsiyento kumpara sa nakaraang taon. Kung aalisin ang bayad sa mga utang, 3.9 porsiyento lang ang itinaas ng paggastos sa mga serbisyong panlipunan, pang-ekonomiya at pampubliko. Binawasan pa ang mga badyet sa ayuda, pampublikong mga ospital, edukasyong pangkolehiyo at suporta sa micro-, small and medium enterprises (o maliliit na negosyo). Samantala, malaki ang itinaas sa badyet sa imprastruktura, gayundin ang badyet ng opisina ng Presidente at Bise-Presidente (kasama pa ang confidential at intelligence funds nito), sa militar at bayad-utang.

Kung makatwiran lang ang mga patakaran para sa kaunlaran, mas nakatuon sana ito sa kagyat na kalagayan ng mga Pilipino at pangmatagalang pag-unlad kaysa sa pandandaliang “fiscal indicators”. Mali ang pag-iisip na ito ng administrasyon at nakakapigil sa pagtahak sa mga kinkailangang matapang at di-pangkaraniwang mga inisyatiba. 

Dagdag-pabigat sa ekonomiya ang pagbagsak ng kita ng mga pamilya (household incomes). Kailangan ng aktibo at kontra-agos na patakaran sa pananalapi (fiscal policy). Sa bahagi ng mga mamamayan, nangangahulugan ito ng makabuluhang ayuda, pagpapaunlad ng nutrisyon, programa sa kalusugan at edukasyon, at kahit dagdag-pensiyon para sa mga nakatatanda. May karapatan ang bawat Pilipino sa proteksiyong panlipunan.

Kailangan din ng aksyon at suporta sa mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyo. Dapat palawakin ang pampublikong programa sa trabaho para magbigay ng serbisyong panlipunan at pang-ekonomiya. Kasabay ng lahat ng ito ang pagbago sa istruktura ng ekonomiya – ang isang malakas na baseng agrikultural at pambansang industriyalisasyon.

Ang mga aksyong ito, kailangan ng daan-daang bilyong piso sa unang taon pa lang. Dapat maging malikhain sa pinansiya at salapi para malabanan ang pagbagsak ng ekonomiya at matransporma ito. Kahit sa limitadong paraan, maaaring patuloy na bumili ang BSP ng treasury bonds (sa esensiya, pagpapautang sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbili ng “bonds”) mula sa pambansang gobyerno o kahit mula sa pribadong sektor. Sa salitang lansangan, ang ibig sabihin lang nito’y “mag-imprenta ng mas maraming pera”.

Pero progresibong sistema ng pagbubuwis pa rin ang pinakamaaasahan at sustenableng mapagkukunan ng pondo ng gobyerno. Matagal nang kailangang magkaroon ng “buwis sa yaman” lalo na ng mga bilyonaryo. Kailangan din ng mga reporma sa pagpataw ng mas mataas na buwis sa mayayamang pamilya at malalaking korporasyon. Sa pagpapatupad ng tunay na “komprehensibong plano para sa lahat”, mabilis na lalago ang ekonomiya at lalaki ang kita ng gobyerno.

Di pa huli ang lahat?

Mahalaga ang unang 100 araw. Panahon ito ng pagbabago mula isang administrasyon tungo sa kasunod. Pagkakataon itong makita ang patutunguhan ng bagong administrasyon sa susunod na anim na taon. Sa konteksto ng malalang mga problema ng bayan, masasabing pinakamahalaga ang unang 100 araw para lumayo sa gawi ng nakaraan — hindi lang ng nakaraang administrasyon kundi mula kahirapan, kawalan-ng-pagkakapantay-pantay, at kawalan-ng-kaunlaran.

Nabigo ang administrasyong Marcos Jr. na gumawa ng anumang mahalagang hakbang sa panahong ito. Kinumpirma lang nito na hindi nito kayang tanawin ang anumang tunay at malalimang pagbabago. Malabo nang makapagtakda ito ng bagong direksiyon sa natitirang panahon ng anim-na-taong termino nito. Para mangyari ito, kailangang magmula ang pagbabago sa mga mamamayang may pinakamalaking interes na mapabagsak ang mapanupil na kalagayan ngayon.

Avatar

Sonny Africa

Sonny Africa is a progressive economist and executive director of Ibon Foundation, Inc.