Natatanging Progresibo ng 2022

January 1, 2023

Ang 2022, parang pelikulang action-packed, hitik sa drama at mayroon ding comedy. Gaya sa pelikula, kung may mga kontra-bida mayroon ding mga tampok na natatanging bumida. Narito ang mga kinilalang Natatanging Progresibo ng 2022!

2009 | 2010 | 2011 | 2012 | 2013 | 2014 | 2015 | 2016 | 2017 | 2018 | 2019 | 2020 | 2021

Maligalig ang taong 2022. Parang pelikulang action-packed, hitik sa drama at mayroon ding comedy. Samu’t sari ang mga isyu at pangyayaring hinarap ng mga pinoy. Pero walang puknat man ang mga pagsubok at pakikibaka, ipinamalas naman ng sambayanan ang tuluy-tuloy ding pagkakaisa at paglaban.

Kinatangian ang nakalipas na taon ng pakikibaka laban sa rehimeng Duterte, sa panunumbalik ng mga Marcos, sa mga atake sa karapatang pantao, at sa papatinding kahirapan at kagutuman. Tumampok din ang pagdadamayan at pagkakaisa ng mga Pinoy sa mga dumaang kalamidad. Nagbigay-pugay at pinarangalan naman ang mga pumanaw na katangi-tanging Pilipino na nag-alay ng buhay para sa bayan.

Sa unang hati ng taon, eleksiyon! Malakas na inirehistro ng mga pinoy ang kagustuhang wakasan ang pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang pagtutol sa panunumbalik ng pamilya Marcos sa kapangyarihan.

Ang ikalawang hati ng 2022, paglaban sa bagong rehimeng Marcos. Tampok ang pakikibaka para itaas ang sahod ngayong nasa “golden age” ang presyo ng bilihin. Tuluy-tuloy din ang paglaban sa tumitinding panunupil at paglabag sa karapatang pantao, sa korupsiyon at pandarambong, at sa laganap na disimpormasyon at pambabaluktot ng kasaysayan.

Pero ‘di tulad ng “Ang Probinsyano” ni Coco Martin na nagtapos na nitong 2022, magpapatuloy ang pagkakaisa at pakikibaka ng mga Pinoy para sa tunay na pagbabago, demokrasya at kalayaan. Maaaring ituring ang mga kaganapan sa nakalipas na taon bilang paghahanda sa mas masiglang kilusan ng mamamayan ngayong 2023. Ngayong taon, abangan ang susunod na kabanata.

Siyempre, gaya sa pelikula, kung may mga kontra-bidang Marcos at Duterte, mayroon ding mga tampok na natatanging bumida sa  pagsusulong ng kilusang masa sa nakalipas na taon. Narito ang mga kinilalang Natatanging Progresibo ng 2022!

Natatanging Progresibong Pagkilos

Leni-Kiko Miting de Avance sa Makati. Pinakamalaking pagtitipon ng mga tagasuporta ng tamabalang Leni-Kiko na dinaluhan ng mahigit 1 milyong katao. Nagsilibi din itong daluyan para ihayag ng mamamayan ang disgusto sa nagdaang rehimeng Duterte at sa paglaban sa panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan.

Espesyal na Pagkilala: Bonifacio Day 2022, protestang nagpatampok ng panawagang itaas ang sahod at ibaba ang presyo. Pinangunahan ng nagkakaisang hanay ng mga manggagawa at naging isa sa pinakamalaking protesta ngayong taon.

Mga Nominado: Labor Day 2022; [email protected]; World Teachers’ Day; SONA 2022

Natatanging Progresibong Organisasyong Masa

National Union of Journalists of the Philippines (NUJP). Tampok sa pangunguna sa paglaban sa mga atake sa malayang pamamahayag, kagalingan ng mga alagad ng midya at disimpormasyon. Pinayungan ng NUJP ang mga kampanya at pakikibaka laban sa paggamit sa batas para supilin at busalan ang mga mamahayag. Nanindigan sa katotohanan sa gitna ng laganap na red-tagging, disimpormasyon at pambabaluktot sa kasaysayan.

Mga Nominado: Kilusang Mayo Uno (KMU); Alliance of Concerned Teachers (ACT); Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage); National Union of People’s Lawyers (NUPL); Concerned Artists of the Philippines (CAP); Karapatan; Anakbayan; Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)

Natatanging Progresibong Lider-Masa

Prop. Jose Maria Sison (In memoriam). Yumaong founding chairperson ng Communist Party of the Philippines at chief political consultant ng National Democratic Front of the Philippines, na naging instrumental ang gawain at mga akda sa pagpunla, paglago at pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan mula noong rehimeng Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyan. Naging gabay din ang kanyang mga sulatin sa pagsulong ng pakikibaka ng mga mamamayan sa buong daigdig.

Espesyal na Pagkilala: Elmer “Ka Bong” Labog bilang isang nangungunang boses ng manggagawang Pilipino sa iba’t ibang isyu at laban. Maksaysayan din ang kanyang pagtakbo sa pagkasenador sa eleksiyon ngayong 2022.

Mga Nominado: Atty. Neri Colmenares; Rep. Raoul Manuel; Lisa Ito; Clarice Palce; Reyna Valmores

Natatanging Progresibong Alyansa o Koalisyon

United Labor. Pinakamalapad na pagkakaisa ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang unyon, pederasyon at sentrong paggawa. Nagsulong ng adyenda ng mga manggagawa sa eleksiyon at sa laban para sa dagdag sahod at mababang presyo.

Espesyal na Pagkilala: 1Sambayan para sa pagbuo ng pinakamalawak na koalisyon ng oposisyon at mga demokratikong pwersa para sa halalan ng 2022.

Mga Nominado: Movement Against Disinformation (MAD); Akademya at Bayan Kontra Diskriminasyon at Dayaan (ABKD)

Natatanging Progresibong Desisyon o Panukala

Pagbasura ng Manila RTC sa terrorist proscription vs CPP-NPA na isang makasaysayang desisyon na naglinaw ng pagkakaiba ng terorismo sa rebelyon. Kinontra rin nito ang red-tagging ng estado sa mga kilalang kritiko at personalidad ng oposisyon.

Mga Nominado: Hatol sa website blocking ng Bulatlat; mga hatol na nagpalaya sa mga detenidong politikal

Natatanging Progresibong Opisyal ng Gobyerno

Atty. Leni Robredo. Pangunahing kinatawan ng oposisyon laban sa rehimeng Duterte at lumaban sa panunumblaik ng mga Marcos. Matapos ang halalan at pagbaba sa pagkapangalawang pangulo, nagpapatuloy siya sa pagtulong sa mga mahihirap at nangangailangang mga komunidad at sektor sa pamamagitan ng Angat Buhay.

Mga nominado: Judge Marlo Magdoza-Malagar; Sen. Risa Hontiveros; UP Diliman Chancellor Fidel Nemenzo

Natatanging Progresibong Mambabatas

Sen. Kiko Pangilinan. Para sa kanyang pagtulong na pagkaisahin ang mga pwersa ng oposisyon laban sa pagpapanumbalik ng mga Marcos. Sumentro din ang kanyang plataporma sa pagpapalakas ng agrikultura at food security na matagal ng panawagan ng maraming sektor lalo na ng mga magsasaka at konsyumer.

Mga Nominado: Sen. Leila de Lima; Rep. Edcel Lagman; Sen. Loren Legarda

Natatanging Progresibong Pandaigdigang Pagkilos

Protesta ng mga kabataang Pilipino-Amerikano na sumalubong sa pagdalaw ni Bongbong Marcos sa Estados Unidos noong Setyembre. Nagsagawa ng isang sit-in protest ang mga kabataang Pinoy sa gusali kung saan nakatakdang magsasalita si Marcos sa harap ng Asia Society sa New York City. Hinarass at pilit na pinalabas ng mga security ng gusali ang mga kabataan.

Mga Nominado: Mga Pinoy na sumama sa mga pagkilos sa COP27 sa Egypt; lightning rally ng mga Pinoy laban kay Bongbong Marcos sa Europe

Natatanging Progresibong Midya o Mamamahayag

Ronalyn Olea, editor-in-chief ng Bulatlat. Para sa pangunguna sa paglaban sa red-tagging at iba pang mga atake sa media at malayang pamamahayag. Ngayong taon, ginawaran din siya ng CMFR Award of Distinction.

Espesyal na Pagkilala: Percy Lapid (In memoriam). Isang matapang na komentaristang mariin ang pagkundena sa mga katiwalian sa pamahalaan, kilala si Lapid sa kanyang programang “Lapid Fire” sa DWBL 1242 AM na ngayo’y ipinagpapatuloy ng kapatid na si Roy Mabasa.

Mga Nominado: Christian Esguerra; Frank Cimatu; Karmina Constantino; Lian Buan; Jes Aznar

Natatanging Progresibong Kanta o Album

Dekada ’70 ni Zild Benitez na patok na awiting ambag ng batang musikero na si Zild Benitez, miyembro ng bandang IV of Spades, sa paggunita sa ika-50 taon ng Martial Law. Tampok ang pagtatanghal ng awitin sa protesta noong Setyembre 21.

Mga nominado: The General Strike Self-Titled Album; Rosas (Nica del Rosario); Walang Panginoon ang Lupa Album (ARPAK)

Natatanging Progresibong Pagtatanghal o Pagtitipong Pangkultura

Mga pagtatanghal sa SingKwenta: Mga Kanta at Kwento Tungkol sa Martial Law noong Setyembre 21 sa UP Diliman. Tampok sa mga nagtanghal sina Juana Change, Willie Nepomuceno, Bonifacio Ilagan, The Jerks, Plagpul, Zild Benitez, Oryang at iba pa.

Mga Nominado: Indi na Maliwat: Ala-ala ng Escalante (Sinagbayan); Limang Dekada ng Buhay at Kamatayan: Mula, Tungo, at Para sa Masa (UP Repertory Company)

Natatanging Progresibong Pelikula o Bidyo

Bayi: Stories of Women Human Rights Defenders ni Chantal Eco ng Altermidya. Dokumentaryo hinggil sa kuwento nila Zara Alvarez, Anna Mariz Evangelista, and Elisa Badayos, ilan lang sa higit 62 human rights defenders na pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte. Kinilala ngayong taon bilang finalist ng Gawad Alternatibo ng Cultural Center of the Philippines.

Espesyal na Pagkilala: On the Job: The Missing 8, para sa mahusay at makabuluhang serye na kamangha-manghang pagkakahalintulad ng istorya sa mga kasalukuyang nangyayari sa bansa.

Mga Nominado: See Us Come Together; Delikado; Katips; Nocebo; 11,103; Agno: Memories of a Forgotten River

Natatanging Progresibong Sining-Biswal

Kalahating Siglo ng Daluyong ng BAYAN. Gawa ng mga beterano at bagong mural artist at sa pakikipagtulungan ng BAYAN, tampok ang mural sa pagkilos sa paggunita sa ika-50 taon ng deklarasyon ng Batas Militar noong Setyembre 21 sa UP Diliman.

Mga Nominado: Anti-Marcos fashion nina Marina Summers, Eve Le Queen at Viñas DeLuxe sa “The UnkabogaBALL 2022”; Mad in Malacañang SONA 2022 Effigy; Weaving Women’s Words on Wounds of War (A Martial Law exhibit); Sulong Likha (Luigi Almuena murals); Sining Amihan exhibit; mga editorial cartoon ng Pitik-Bulag

Natatanging Progresibong Libro o E-Book

Dear Meg: Advice on life, love, and the struggle ni Meg Yarcia. Isang koleksiyon ng mga essay na tugon sa mga katanungan hinggil sa buhay, relasyon, mental health at pakikibaka. Nailathala din sa kanyang kolum sa Pinoy Weekly ang ilang nilalaman ng libro.

Mga nominado: Sa Aking Henerasyon (Kerima Lorena Tariman); Waylaid Peace Volume 2 Kodao Peace Talks Reports 2017-2018 (Raymund B. Villanueva); Martial [email protected]: Ala-ala at Pagbalikwas (Tanggol Kasaysayan); IT is Out There (Mong Palatino); Luisita: Koleksyon ng mga Tula (Kerima Lorena Tariman); Sa Aking Pagkadistiyero/In My Exile (Joi Barrios); Necessary Contexts (Rosario Garcellano); How to Stand Up to a Dictator (Maria Ressa)

Natatanging Progresibong Artista

Ricky Lee. Sa kanyang ambag sa mga sining ng pelikula at telebisyon, ginawaran si Lee ng parangal bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Sining Pambrodkast. Tinitingala at kilala si Lee sa pagiging mahusay manunulat at kuwentista at may matibay na paninindigan sa progresibong politika at karapatang pantao.

Espesyal na Pagkilala: Tarantadong Kalbo at Ericson Acosta (In memoriam)

Mga Nominado: Bibeth Orteza; Karl Castro; Dolly de Leon; Chai Fonacier; Cherry Pie Picache; Kakie Pangilinan

Natatanging Progresibong Agaw-Eksena

Atty. Luke Espiritu. Para sa militante at patok na pakikipagdebate kina Harry Roque at Larry Gadon sa SMNI Senatorial Debate. Nagviral si Espiritu matapos sabihan na “Huwag kang bastos!” si Gadon dahil sa pagsabat sa kanyang anti-Marcos na pahayag. Pinagsabihan din niya s Roque na dati aniyang anti-Marcos pero para sa puwesto sa senado ay pinupuri na ito. 

Nominado: Mga lightning rally sa Iloilo at Negros kontra kay Bongbong Marcos noong eleksiyon

Natatanging Progresibong Kampanya o Personalidad sa Social Media

#ByeShopee. Isang ispontanyo at organikong panawagang boycott sa online shopping platform na Shopee matapos nitong i-launch ang pinakabagong endorser na si Toni Gonzaga na tagasuporta ni Bongbong Marcos. Agad ding tinanggal ng Shopee ang mga larawan ni Gonzaga sa application, website at social media nito matapos makatanggap ng negatibong tugon mula sa mga netizen at publiko.

Mga Nominado: Teddy Talks (Teddy Casino vlog); Commuters of Metro Manila (Facebook Page)

In Memoriam

Avatar

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.