Alaala ng isang kaibigan, ka-tandem, lider-maralita
May 22, 2023
Marahil gasgas na sa marami ang kuwento ng maralitang lungsod. Iyong naghangad ng mas maayos na buhay sa siyudad, pero mabibigo at lalong malalagay lamang sa peligro. Sa isang banda, ganito rin ang buhay ni Carlito “Karletz” Badion. Ang malaking kaibahan, naging pambansang lider maralita si Karletz bilang secretary general ng Kadamay at kasamahan ko nang maraming taon. Ginugunita natin ang kanyang buhay. Tatlong taon na mula nung pinaslang siya ng militar noong Mayo 26, 2020 sa edad na 52.
Marahil gasgas na sa marami ang kuwento ng maralitang lungsod. Iyong naghangad ng mas maayos na buhay sa siyudad, pero mabibigo at lalong malalagay lamang sa peligro.
Sa isang banda, ganito rin ang buhay ni Carlito “Karletz” Badion. Ang malaking kaibahan, naging pambansang lider maralita si Karletz bilang secretary general ng Kadamay at kasamahan ko nang maraming taon. Ginugunita natin ang kanyang buhay. Tatlong taon na mula nung pinaslang siya ng militar noong Mayo 26, 2020 sa edad na 52.
Tubong Leyte, lumuwas sa Maynila upang magtrabaho si Karletz sa pag-aakalang aasenso siya. Edad 22 lang siya noon. Sari-sari at panandaliang trabaho ang kanyang pinasukan. Sa isang garment factory sa Pasay City siya tumagal bilang taga-tabas ng damit. Kontraktuwal siya hanggang sa nagsara ang pagawaan at nawalan siya ng hanapbuhay.
Diyan sa isang komunidad sa tapat ng SSS siya dati nakatira kasama ang kanyang misis. Tulad ng maraming maralitang Pilipino, na-demolish ang kanilang tinutuluyan at na-relocate sila sa Payatas na talahiban pa noon. Bandang Lupang Pangako, Payatas B sila nakapuwesto. Nag-work-from-home naman siya bilang mananahi ng leather ng iba’t ibang gloves ng manggagawa. Mano-mano ang paggawa at batay sa bilang ng nagawa ang kita.
Sa Payatas din siya unang napasapi sa lokal na samahan ng mga manggagawa.
Sa taong 2000 noong magkaroon ng trahedya sa Payatas. Gumuho ang bundok ng basura at nalibing nang buhay ang mahigit 700 na tao. Nawasak ang tahanan ni Karletz. Binawian ng buhay ang mga kasamahan niya.
Sa panahong ito nagkakilala kami ni Karletz sa Kasiglahan Village sa Rodriguez, RIzal kung saan na-relocate ang mga biktima ng trahedya. Naging miyembro na rin siya ng Kadamay.
Ang kanyang galit at poot, ginamit niya para manawagan ng hustisya para sa mga taga-Payatas. ‘Di nagtagal, naging lider na rin siya ng Kadamay sa Rodriguez. At noong 2008, naging bahagi na rin siya ng pambansang opisina ng Kadamay.
Noong simula, babad si Karletz sa paggawa ng mga streamer. Mahusay siyang mag-lettering. Tagahatid din siya ng mga kasama sa rally bilang drayber ng grupo.
Taong 2012 naman at pareho kaming nahalal na lider ng Kadamay, ako bilang tagapangulo at siya naman ang secretary general. Tandem kami sa gawain, ako masasabi sigurong mas kalmado, siya naman punong puno ng sigasig. Minsan nga lang, mainitin ang ulo lalo kapag umaatake ang kanyang high blood.
Pero mas madalas naman ang palitan ng nakakatawang mga kuwento kasama si Karletz. May pilay siya sa paa buhat ng sakit na polio noong bata siya.
Biro ni Karletz bago magsimula ng talakayan sa mga komunidad, “Oo, alam kong may problema ako sa height. Magkaiba iyong sukat sa kaliwa at kanan.”
Gayunpaman, si Karletz ang madalas na unang rumeresponde sa komunidad tuwing may demolisyon o usapin sa mga pabahay ng gobyerno. Madalas mong makikita sa unahan ng hanay para humarap sa mga pulis na gustong humarang sa aming martsa.
Palaaral din si Karletz sa mga laban, mula sa pagtatanggol sa karapatan sa paninirahan, pagsusulong ng kapakanan ng mahihirap at pagbatikos sa mga pasistang patakaran. Kabisado niya ang mga polisiya.
Noong 2014 naman, inulat ni Karletz ang madalas na pagkausap sa kanya ng isang nagpakilalang ahente ng militar. Maraming alok sa kanya, magandang trabaho, gamit pang-eskwela para sa kanyang anak, regular na groceries para sa buong pamilya. Ang kapalit, sabihin lang ni Karletz lahat ng detalye tungkol sa buhay ng mga iba pang lider ng Kadamay at dalhin sila sa kapahamakan.
Nagtuloy-tuloy ito habang sinasalag ng Kadamay ang iba’t ibang atake. Kailanman hindi pumatol si Karletz sa alok nila. Hanggang sa inabutan na ng lockdown si Karletz sa kanyang probinsya. Noong Mayo 28, 2020, natagpuan ang bangkay ni Karletz sa may tabi ng sapa, nakabaon nang mababaw, dalawang araw matapos siyang paslangin.
Para sa kilusang maralita, malaking kawalan si Karletz. Matapang na lider, nangunguna sa laban, kabilang ang Occupy Bulacan noong 2017. Pero dapat magpursigi at huwag makalimot. Hindi man marinig ni Karletz ang ating pagpupugay, mas mahalagang marinig ng kapwa ang pupugay natin sa kanya pagkat tayo naman ang magpapatuloy sa laban.