Suring Balita

Confidential fund ng DICT, labag sa COA guidelines


Batay sa Joint Circular Order No. 2015-01 na inilabas noong 2015, eksklusibong inilalaan ang confidential at intelligence funds para sa pagsasagawa ng surveillance.

Kabilang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa limang ahensiya na hindi nakatanggap ng confidential funds kasama ang Office of the Vice President, Department of Education, Department of Agriculture at Department of Foreign Affairs.

Humihingi ang P300 milyon na confidential fund ang DICT para sa National Firewall at pagsasanay ng mga cybersecurity expert. Bunsod ito ng mga cyberattack sa mga website ng iba’t ibang ahensiya tulad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ang data breach ‘di umano ng Philippine Statistics Authority.

Batay sa Joint Circular Order No. 2015-01 na inilabas noong 2015 ng Commission on Audit (COA), Department of Budget and Management, Department of the Interior and Local Government, Department of National Defense at Governance Commission for Government-Owned and Controlled Corporations, eksklusibong inilalaan ang confidential at intelligence funds para sa pagsasagawa ng surveillance.

Kabilang din dito ang pangangalap ng impormasyon na naglalayong pangalagaan ang ang kapayapaan at pambansang seguridad.

Saklaw sa pondo ang mga “surveillance activities in civilian government agencies” upang suportahan ang kanilang mandato at operasyon. Sakop naman ng intelligence funds ang “intelligence information gathering activities of uniformed and military personnel and intelligence practitioners.” Kabilang dito ang mga eksperto na itinalaga upang awtorisadong mangalap ng impormasyon para sa mga ahensya ng gobyerno.

Hindi rin maaaring gamitin ang naturang pondo sa pasweldo o pagbibigay ng allowance sa mga empleyado at opisyal, liban na lang kung pahihintulutan ng batas.

Nasa mandato ng DICT ang tiyakin ang cybersecurity ngunit hindi kinakailangan ang alokasyon ng confidential fund para sa ahensiya.

Sa isang panayam kay Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, sinabi niya na sang-ayon ang Small Committee on Budget Amendment na hindi bigyan ng confidential funds ang DICT.

“Kung ang dahilan lang naman ay para sa laban sa cybercriminals at pagsugpo sa cybercrime. Tingin natin kaya itong gawin na hindi confidential funds ang ginagamit ng DICT,” ani Manuel.

Dagdag din niya na maaaring mga “auditable items” ang hingin ng ahensiya upang masugpo ang cybercrime. Makakatulong din ang maigting na pakikipagtulungan ng DICT sa mga law enforcement agency.

Sa kasalukuyan, nananatiling may low budget utilization rate ang ahensiya. Wala pa sa kalahati ng pondo ang nagagamit nito. Nasa 25% o halos P3.5 bilyon mula sa P13.9 bilyon na pondo para sa 2023 pa lang ang nagagamit.

Nais umapela ni DICT Undersecretary Ivan John Uy para sa P300 milyon na confidential funds. Giit niya na dapat paigtingin ang cyberborder upang maiwasan ang mas malala na mga cyberattack.

Iginiit ni Manuel na sapat ang pondo ng DICT upang aksiyonan ang dati nang problema sa cybercrime.

“Kasi kapag ganoon ang reasoning, ibig sabihin ba n’ong mga nakaraang taon na walang confidential funds ang DICT, wala itong naging capacity na habulin ang mga cybercriminals dati? Tingin natin hindi naman,” paliwanagi ni Manuel.