Balik-Tanaw | Pagiging Alagad

https://musingsandwonderment.blog/2021/03/04/the-call-of-the-disciples-luke-51-11/

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Ni REV. MARY GRACE E. MASEGMAN
Iglesia Filipina Independiente

Ps 138:1-2, 2-3, 4-5, 7-8
Is 6:1-2a, 3-8
1 Cor 15:1-11
Lk 5:1-11
Lukas 5:1-11

Ang pagtawag sa Unang Apat na alagad ng Panginoon.

Ang ebanghelyo sa linggong ito ay patungkol sa pagtawag ni Jesus sa kanyang unang apat na alagad. Matatagpuan din ang salaysay na ito sa dalawang pang ebanghelyo, sa Mateo 4:18-22 at Marcos 1:16-20.

Sa tatlong nabanggit na ebanghelyo, ang salaysay ayon kay san Lucas ang may pinakamahaba. Masusing inilarawan ng may akda kung paano ang mga nasabing alagad ng Panginoon- Andres, Simon, Santiago at Juan ay walang pasubaling iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus. (v. 11). Ito ay matapos nilang masaksihan ang kadakilaan ni Jesus ng mapuno ng isda ang mga bangka na kanilang sinasakyan sa kabila na noong una ay wala silang mahuli ni isang isda. (v.5-7). Nang makita ito ni Simon Pedro ay buong kababaang loob siyang lumuhod at kinilala ang kanyang mga pagkakasala sa harapan ni Jesus. “Lumayo kayo sa akin, Panginoon, sapagkat akoý isang makasalanan” (v.8) Tinugon siya ng Panginoon ng ganito, “Huwag kang matakot, mula ngayon ay mga tao na sa halip na mga isda ang iyong huhulihin” ( “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao” – Mc. 1:17; “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao”- Mateo 4: 19).

Ang lahat ng tatlong salaysay ay nagwakas sa pagsunod ng apat na alagad kay Jesus, iniwan nila ang lahat- ang kanilang ama at ang kanilang bangka. Iniwan nila ang kanilang pamilya at ang kanilang kabuhayan at sumunod sa tawag ng paglilingkod.

Madaling maging Kristiyano, pero ang magpaka-kristiyano ay paano? Marami sa atin naging kristiyano lamang sa papel, pero hindi nakikita na isinasabuhay ang ating pagiging mga binyagan.

Ano ang mga bagay na kaya nating isakripisyo? Ano ang kaya nating ipagkaloob sa tawag ng tapat at wagas na paglilingkod sa Diyos?

Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi dapat natatali sa gawain sa loob lamang ng ating mga bahay dalanginan. Ang pagiging kristiyano ay hindi lamang dapat nakikita sa loob ng apat na sulok ng ating mga simbahan. Ang paglilingkod sa Diyos ay nasasalamin sa ating pakikipamuhay, pakikilahok at pagbibigay ng halaga sa buhay at dignidad ng ating kapwa. Sapagkat ang naglilingkod sa kanyang kapwa ay naglilingkod sa Diyos.

Sa panahon ngayon na tayo ay dumaranas ng ibat-ibang krisis, dagdag pa ang maingay na bangayan sa politika dahil sa nalalapit na eleksyon. Paano natin maipakikita ang pagiging mga lingkod ng Diyos?

Bilang mga binyagan at tagasunod ng ating Panginoong Hesukristo, tungkulin natin na ipahayag at bigyang buhay ang Mabuting Balita at itakwil ang anumang uri o porma ng kasamaan sa lipunan. Ang ating pananahimik ay pagsang-ayon sa mga taong gumagawa at lumalabag sa ating mga karapatan. Maipakita nawa natin sa gawa at hindi lamang sa salita ang ating pagliligkod ng tapat sa Diyos. ()

Share This Post