Pag-ibig

Huwag magmura kung tila mahal magmahal. Pekeng pag-ibig lang ang tinatapatan ng presyo. Tunay na pag-ibig ang pagmamahal nang walang inaasahang kapalit.

Ano nga ba ang pag-ibig? Ayon sa “UP Diksiyonaryong Filipino” (Ikalawang Edisyon, 2010), may apat na kahulugan ito: “[1] matinding pakiramdam o damdaming nag-uugnay, tulad ng sa magulang, anak, o kaibigan; [2] malaking interes o ligaya sa isang bagay; [3] seksuwal na pagnanasa o damdamin, o ang kasiyahang dulot nito; [at 4] malasakit para sa kapakanan ng iba.” Malawak at malalim ang dahilan, hindi ba? May pag-ibig kahit walang asawa o jowa!

Pero dahil sa tinaguriang Araw ng mga Puso (Valentine’s Day) tuwing Peb. 14, naging limitado ang konsepto ng pag-ibig sa babae’t lalaki o parehong kasarian (sa kabila ng konserbatismong umiiral sa lipunan).

Pula ang itinakdang kulay sa araw na iyon. Bulaklak ang kadalasang ibinibigay sa babae bilang simbolo ng pagmamahal. Mainam ding may regalo—mas mahal, mas maganda.

Sa komersyalisadong konteksto, tumataas ang pagmamahalan depende sa kamahalan. Bukod sa argumentong may pag-ibig lang para sa may asawa o jowa, kailangang patunayan ang pagsinta sa pamamagitan ng paggastos.

Ang romantikong relasyon ay nagiging patriyarkal na transaksiyon. Para sa lalaking madalas na gumagastos, may inaasahang “kapalit” na ibibigay ang babae (o kapwa lalaki o anumang kasarian).

Kahit na sabihing may pinansyal na kakayahan ang sinumang umaasang magbibigay ng “kapalit,” nangingibabaw pa rin ang malanegosyong pananaw. Tila may tarheta ang bawat galaw, tila may kabayaran ang lahat ng saklaw.

Sa librong “The Art of Loving” ni Erich Fromm (1956), mainam na balikan ang argumentong ito: “Love is not primarily a relationship to a specific person; it is an attitude, an orientation of character which determines the relatedness of a person to the world as a whole, not toward one ‘object’ of love. If a person loves only one other person and is indifferent to the rest of his fellow men, his love is not love but a symbiotic attachment, or an enlarged egotism.”

Iba ang pagmamahal sa isang tao kumpara sa pagmamahal sa sangkatauhan. Iba ang pagiging alipin ng kamunduhan sa pagkilos para baguhin ang mundo.

Hindi dapat itali sa pagmamahalan lang ng dalawang indibidwal ang pag-ibig. Kailangang isaisip ang kapakanan ng iba pa. Personal na desisyon kung nais mag-isa. Politikal na desisyon kung nais makibaka.

At kung may dalawang indibidwal na nagdesisyong magkaroon ng relasyon, mas angkop ang salitang “kasama” kumpara sa “jowa.” Hindi ito dahil sa kolokyalismo ng huli kundi dahil sa malalim na kahulugan ng una.

Hindi lang simpleng “boyfriend-girlfriend-partner” ang dahilan ng pakikipagrelasyon. Labas ng komersyalisadong karakter ng pag-ibig, hindi lang sariling interes ang iniisip ng nagmamahalan. Magkasama ang dalawa para makiisa sa mas marami pa.

“Kumain ka na ba?” Kung ang sagot ay hindi, posibleng ang magiging komento ay “Tara, ililibre kita” o “Baka naman gusto mo akong ilibre?” Kahit na tila normal na ang ganitong usapan, mas mainam ang linyang “Tara na’t pagsaluhan ang baon natin.”

Hindi lang ito usapin ng pagtitipid kundi isyu ng malalim na pagsasamahan. Ang nagsimula sa sama-samang pagluto, posibleng umabot sa kolektibong pagkilos.

Sa panahong maraming naghihirap at pinahihirapan, may mga magkarelasyong ramdam ang lupit ng mga nasa kapangyarihan. Inaasahan silang tratuhin ang bawat isa bilang magkasama. Hindi lang ito dahil sa pagkakapantay-pantay ng babae, lalaki at iba pang kasarian kundi dahil sa parehong pinagdaraanan ng mga pinagkaitan sa lipunan.

Wala sa kanilang intensyong iangat ang sariling kalagayang pang-ekonomiko. Layunin nilang iangat ang sariling kamulatan, gayundin ng iba pa. May perspektiba silang gawing bahagi ang sarili’t relasyon sa ikabubuti ng kapwa.

Araw ng mga Puso na naman. Walang dahilan para magmukmok ang mga tinaguriang miyembro ng Samahang Malamig ang Valentine’s. Walang batayan ang mga nag-iisang magkulong na lang sa bahay dahil tila eksklusibo lang ang mga kalye, mall, parke, kainan at iba pang lugar na pampubliko sa mga nagliligawan, mag-asawa o magjowa (o kahit sa mga mulat na “magkasama”).

Tulad ng perspektiba ng mga magkasamang dalhin ang relasyon sa mas mataas na antas, ibang antas din ang pakikipagrelasyon ng isa sa mas malawak na mamamayan. Isa man o dalawa, mas mahalaga ang malasakit sa kapwa.

Hindi kailangang magmura dahil hindi naman mahal magmahal. Libre lang ang makibaka.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa risingsun.dannyarao.com.

Share This Post

Post Comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.