Lider ng Pamalakaya, inaresto sa Cavite

June 29, 2022

Dinakip ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Imus si Susan Agner, lokal na lider ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), kasama ang tatlo pang residente ng Barangay Patungan sa Maragondon, Cavite.

Naganap ang pag-aresto isang araw matapos ang utos ni National Security Adviser General Hermogenes Esperon sa National Telecommunications Commission (NTC) na harangin ang akses sa website ng Pamalakaya at ng ilan pang progresibong organisasyon at midya.

Ayon sa Pamalakaya, nakatanggap sila ng ulat na “iligal na inaresto” si Agner noong Hunyo 23 sa kasong direct assault. Si Agner ay kilalang lider ng Save Patungan Now Movement na lumaban sa tangkang demolisyon sa Patungan nito lamang Enero.

“Ito ang resulta ng malisyosong paninira ni Esperon sa mga aktibista na nakabatay sa kasinungalingan at kontra-insurhensyang dogma; inilalagay nito sa panganib ang karapatan at kalayaan,” ani Ronnel Arambulo, tagapagsalita ng Pamalakaya.

Matagal nang lumalaban ang mga residente ng Patungan sa tangkang pagpapalayas. Ayon sa Pamalakaya, mula pa 2016 may pangamba ang mahigit 600 pamilyang mangingisda naa naninirahan at may kabuhayan dito na papalayasin sila sa lugar. Kasunod ito ng paglalabas ng Writ of Demolition ni Naic RTC Judge Lerio C. Castigador. Tangkang ibenta ng isang Maria-Teresa Virata Realty Corp. ang titulo sa Manila Southcoast Development Corp. (MSDC), pag-aari ng yumaong si Henry Sy.

“Walang iligal sa aktibong pagtatanggol sa kanilang komunidad at kabuhayan laban sa kumpanyang gumagamit ng karahasan para sa kanilang interes,” sabi ni Arambulo.