Talasalitaan 0808 | State of the Nation Address o (SONA) Talumpati sa Kalagayan ng Bansa

August 13, 2022

State of the Nation Address o (SONA) Talumpati sa Kalagayan ng Bansa –obligasyon at tradisyon ng isang pangulo ng bansa na magsagawa ng SONA kung saan inuulat nito ang kalagayan ng bansa, dahil ito ay nakasaad sa ating konstitusyon. Ang SONA ay nagpapakita ng estado ng bansa sa kasalukuyan, mga nagdaang problema at paano ito haharapin ng bagong halal na pangulo.

Nagsisilbi rin itong paraan upang ipagbigay-alam sa bansa ang kasalukuyang kalagayan sa ekonomiya, pulitika, at lipunan. Kaparaanan din ito para sa pangulo na ibuod ang mga plano ng kanyang pamahalaan para sa isang partikular na taon at hanggang sa huli ng kanyang panunungkulan. 

Sa SONA ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nilinaw lang niya ang mga economic target subalit malabnaw naman ang plano kung saan kukunin ang pera. Wala rin sa ulat ang korupsiyon, dahil ba sila ay may kaso ng pandarambong at hindi nagbayad ng buwis? 

Kung susuriin, walang mga detalye ang pinangangaladakan ni Marcos. Walang ulat,  

tulad ng akses sa mga pampublikong impormasyon. Hindi rin detalyado ang problema 

ng pagtaas ng presyo at kawalang trabaho. Kahit sa usapin ng pagmimina, walang detalye. Hindi rin inulat ang peace processes. Wala ring nabanggit sa electoral reform. Ano ba poposisyon ang pamahalaan tungkol sa West Philippine Sea? 

Binanggit rin sa SONA na ang Pilipinas daw ay “friends to all and enemies to none”, ibig sabihin kung ang isyu na ay teritoryo, paano naman ang mga isyu ng mga anyong tubig sa Pilipinas. Hindi malinaw kung ano ang tinutukoy ni Marcos Jr. 

Ayon naman kay Ariel Casilao, dating mambabatas ng Anakpawis Partylist, “Seryoso naming tinatanong, ngayong mag-iisang buwan na ang rehimeng Marcos Jr., naasan na ang P20 kada kilong bigas na pangako niya sa mahihirap? Ang mga bulalas niya noong SONA ay walang iba kundi pautangin ang mga magsasaka na baon na nga sa utang dahil sa pagkalugi dulot ng Rice Liberalization Law.”

Dagdag pa niya, “Kaya, karugtong ng pangakong P20 kada kilong bigas, ay ang programang magwawaldas sa kabang bayan, magbabaon sa mga magsasaka sa utang, at magbibigay na naman ng higanteng tubo sa mga dayuhang monopolyong agro-korporasyon. Manang mana si Marcos Jr. sa kanyang ama bilang peste sa mga magsasaka, bukod pa sa na ang ina niyang si Imelda ang nagpakana ng golden kuhol sa mga bukid.”

Madalas din nating marinig sa SONA ng mga nagdaang pangulo ang pawang tagumpay o accomplishment na may pagyayabang. Subalit walang umaamin sa kapalpakan, bigo ang mga pangakong ibinibida sa SONA dahil hanggang ngayon hikahos pa rin ang maraming mga Pilipino.

Dapat alam ng pangulo kung ano ang tunay na kahulugan ng State of the Nation Address hindi pambobola sa mga mamamayan.