Pagsirit ng presyo, di naman mataas - BBM

Suring Balita

Pagbaba ng tantos ng implasyon, pansamantala lang–Ibon

June 17, 2023

Bumaba sa 6.6% noong Abril at 6.1% noong Mayo ang inflation rate kumpara noong Marso na 7.6%. Maaga pa para ipagmalaki ito ng administrasyong Marcos Jr. dahil nanatiling pinakamataas sa buong Timog Silangang Asya ang implasyong nararanasan ng bansa.

Bagaman may pagbaba sa tantos ng implasyon sa bansa, nanatili pa rin itong pansamantala. Hindi rin ito nangangahulugan na bababa ang presyo ng mga bilihin kundi lumiit lamang ang pagtaas.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority, bumaba sa 6.6% noong Abril at 6.1% noong Mayo ang inflation rate kumpara noong Marso na 7.6%. Maaga pa para ipagmalaki ito ng administrasyong Marcos Jr. dahil nanatiling pinakamataas sa buong Timog Silangang Asya ang implasyong nararanasan ng bansa.

Sa taya ng independent think tank na Ibon Foundation, nananatiling isa sa may pinakamataas na inflation rate ang bansa kumpara sa Singapore (5.5%), Indonesia (4.3%), Malaysia (3.4%), Vietnam (2.8%) at Brunei Darussalam (1.2%). 

“Habang mataas ang buwis na binabayaran sa langis ay tumataas din ang presyo nito na nakaaapekto sa presyo ng iba pang mga produkto,” ayon sa Ibon.

Hindi rin nakikinig ang administrasyon sa panawagan ng iba’t ibang sektor na tanggalin ang 12% value added tax sa mga pangunahing bilihin at serbisyo at excise tax sa mga produktong petrolyo na magbibigay ng kagyat na ginhawa sa mamamayan.

Agrikulturang kulang sa suporta

Dahil nananatiling mababa ang badyet ng sektor ng agrikultura, nasa 4% lamang ng kabuuang pambansang badyet, nagiging limitado ang tulong na naibibigay ng gobyerno sa mga nagtatanim at lumilikha ng pagkain na nakaaapekto sa kanilang produktibidad at pababain ang presyo ng pagkain.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), nagtapyas ngayong taon ang Department of Agriculture (DA) sa badyet para sa sektor ng agrikultura. Nagkakahalaga ng P211 milyon ang pondong laan para sa Irrigation Network Service (INS), P700 milyon para sa Provision of Agricultural Equipment and Facilities (PAEF) sa National Rice Program at P82 milyon sa Extension Support, Education and Training Services ng National Livestock Program. 

“Ito ay mahahalagang mga programa, proyekto at aktibidad upang makabawi ang lugmok na sektor ng bigas at paghahayupan. Kaya bakit n’yo [DA] ipinataw ang tapyas sa badyet?” pahayag ni KMP chairperson emeritus Rafael Mariano noong Setyembre 5, 2022 bago ang magsara ang pagdinig sa pambansang badyet para sa 2023.

Nakikita din ng KMP na kahina-hinala ang panukalang badyet ng DA dahil may pagkiling ang ilang proyekto, kagaya ng konstruksiyon, pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga farm-to-market road sa mga rehiyong ng Ilocos at Eastern Visayas na kilalang balwarte ng mga Marcos at Romualdez.

Walang pangmatagalang solusyon

Samantala, band-aid solution lamang ang programang cash aid at food stamp ng pamahalaan upang ibsan ang paghihirap ng mamamayan.

Kinilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang nagdaang cash aid na ipinatutupad ng gobyerno ay lumikha ng kultura ng pagiging palaasa o “culture of dependency” sa maraming mamamayan. Kung kaya nais nilang ipakete ang diumano’y bagong programa na food stamp bilang “multi-purpose” at “developmental.”

Magkakaroon ang food stamp program ng limang pilot site na magtatagal ng anim na buwan. Nagkakahalaga ang proyekto ng $3 milyon mula sa Asian Development Bank.

Sa panayam sa radyo noong Hunyo 4 kay DSWD Undersecretary Eduardo Punay, sinabi niya na idinisenyo nila ang bagong programang food stamp dahil nais nilang wakasan ang “culture of dependency” na nililikha ng financial assistance program ng gobyerno.

Dahil nasa pilot testing pa ito, tina-target na 1 milyong pinaka mahihirap na pamilya pa lamang ang makatatanggap ng food stamp. Sa proyektong ito dapat ang benepisyaryo ay naghahanap ng trabaho habang tumatanggap ng food stamp.

Subalit iyon nga ang problema, kakaunti ang trabaho sa bansa at kung mayroon man, kakarampot at hindi sapat ang suweldo. Dagdag pa ang kontraktuwal na kalagayan sa paggawa.

Kaya kung sa pangmatagalan, paglikha ng trabaho ang dapat na pinagtutuunan ng pansin at pagpapabuti sa kalagayan sa paggawa na may nakabubuhuhay na suweldo.

Limos na ayuda

Habang wala pa ang food stamp, kagaya ng dati, plano muling maglabas ng pondo para sa ayuda o cash aid sa panahon ng matinding krisis at kahirapan. Inihahanda ang P26.6 bilyon para sa 9.3 milyong mahihirap na kabahayan sa buong bansa.

Sa kuwenta ng Ibon, nakakahalaga lamang ng P500 bawat buwan kada kabahayan ang matatanggap ng mga mahihirap na Pilipino. Habang ang panawagan ng mga magbubukid ay P15,000 para sa subsidiya para sa produksiyon. 

“Sa kagyat ay pahupain ang bigat sa buwis sa konsumong pagkain at palakasin ang kakayahang bumili sa pamamagitan ng umento sa sahod. Agresibong suportahan ang lokal na produksiyon ng mga micro at small enterprises [sic] para mapapababa ang presyon ng bilihin. Dapat planuhin ng gobyerno ang pangmatagalang estratehiya para sa nagsasariling ekonomiya,” ani ng Ibon.

Avatar

Deo Montesclaros

Si Deo Montesclaros ay manunulat at tanggol-kalikasan mula sa Cagayan Valley region.