Kabuluhan sa Kontradiksyon

July 20, 2023

Panayam ni Teo S. Marasigan kay Epifanio San Juan Jr., makata, kritiko, teoristang pangkultura, propesor, at awtor. Pagtanaw sa kanyang buhay, panulat at pakikisangkot. Marxista at masugid na tagamasid at kaisa ng makabayang kilusan sa bansa, nakabase sa US pero laging nasa puso ang Pilipinas, mainam siyang simula ng bagong seksyon na “Panay Panayam.”

Mahalaga, sa tingin ko, ang ilabas at ipreserba ang napakayamang mga kuwento, pananaw at aral ng mga aktibista at iba pang progresibo at makabayan — lalo na ng mga naunang henerasyon. Mahalaga, hindi lamang para sa hinaharap — isang pantasyang tumatahi sa mga palaisip na sina Pilosopo Tasyo at Theodor Adorno — kundi para sa kasalukuyan. Sa harap ng kaliwa’t kanang krisis sa lipunan at panunupil sa Estado, ng nagbabago’t tumitinding porma ng mga ito, at tuluy-tuloy na pagsisikap magpalakas ng kilusan ng mga mamamayan, mahalaga ang tinig ng mga personalidad na bahagi ng, at nag-aambag sa, kilusan ito.

Itong bagong seksyong “Panay Panayam” ay isang munting ambag. May mga naunang ideya gaya ng podcast at Youtube videos, pero dahil sa salimuot ng mga ito, minabuti munang magsimula sa pamamagitan ng e-mail. Sa paglaon, puwede namang paunlarin.

Para simulan ang seryeng ito, narito ang panayam kay Epifanio San Juan Jr., mas pamilyar sa mata ng marami bilang awtor na si E. San Juan, Jr. Makata, kritiko, teoristang pangkultura, propesor, awtor ng napakaraming libro — sa totoo lang ay naisulat na niya ang marami niyang kuwento, pananaw at aral. Sa panayam na ito, gayunman, sinikap ang isang mapagbuod na pagtanaw sa kanyang buhay, panulat at pakikisangkot — na puwede ring panimula-pakilala sa kanya para sa maraming mas nakakabata. Marxista at masugid na tagamasid at kaisa ng makabayang kilusan sa bansa, nakabase sa US pero laging nasa puso ang Pilipinas, mainam siyang simula ng “Panay Panayam.”

Salamat kay Sarawat D. Pak para sa mga imahe!

Tulad po ng marami sa henerasyon ninyo, nagkamalay kayo sa kasagsagan ng Cold War at kampanyang anti-Komunista sa Pilipinas. Sa kabilang banda, may malakas na mga pagkilos na makabayan at progresibo gaya ng kampanya nina Claro M. Recto at Lorenzo Tanada. Paano po ninyo ihahanay ang mga pangyayaring ito?  

Bunga ng kontradiksiyon ang lahat ng pangyayari sa kasaysayan. Sa balik-tanaw, masisipi ang ilang hibla ng pagkamulat ko sa kasagsagan ng Cold War.

Nasa hayskul ako noong panahon ng giyera sa Korea at paghupa ng rebelyong Huk noong 1950, produkto ng sitwasyon ng gitnang saray. Unang pumukaw sa akin ang debate tungkol sa Rizal Bill ni Senador Recto. Nakadalo ako sa makasaysayang lektura niya tungkol kina Rizal at Bonifacio sa D&E Restaurant noong circa 1954-55. Sa pakikihalubilo ko sa mga progresibong elemento sa UP, nakilahok ako sa kampanya nina Recto-Tanada noong 1957 sa hikayat ni Atty. Mario Alcantara. 
Noong 1954-58, masigla ang anti-sektaryang kilusan sa UP at pagtatanggol sa “academic freedom” ng grupo nina Dr. Ricardo Pascual, Prop. Leopoldo Yabes, Elmer Ordonez, Agustin Rodolfo, at iba pa na tinarget ng “red-tagging” ng CAFA (Committee on Anti-Filipino Activities, batay sa modelo ng US), ng Kongreso. Bagamat mala-anarkista ang mga kontemporaryo ko, taglay nila ang temperamentong mausisa, mapanuri, kaya nanaig ang liberalismong turo ng Kaliwanagan (Enlightenment). Sa tagisan ng konserbatibo’t reaksiyonaryong puwersa ng Simbahan at makabayang pananaw, kusang nakipanig ako sa hanay ng mga progresibong aktibista sa paligid ng Philippine Collegian at UP Department of Philosophy. Laging may negasyon ang status quo sanhi sa kalikasan ng anumang nagaganap sa bawat yugto ng kasaysayan.

Kung tama po ang alala ko, sa US kayo talaga naradikalisa bilang Marxista, kaugnay ng civil rights movement at gera sa Vietnam. Sa ilang sulatin, nababanggit ninyo ito sa pangkalahatan. May pagkakataon po bang mas naging personal ang pagkasangkot ninyo sa mga isyung ito? 

Sa alaala ko—laging pumapalya ang memorya ng sinumang nilalang—naging bahagi kami ng unang sirkulo ng mga national democrats sa US noong 1968-72 sa tulong ng mga beteranong miyembro ng KM (Kabataang Makabayan) at SDK (Samahang Demokratiko ng Kabataan). Kasapi kami sa Ugnayan na nagtayo ng Anti-Martial Law Coalition. Nakilahok din sa gilid ng “party-building” dito noong dekada 1970. Naging kontribyutor ako sa Guardian, maka-kaliwang peryodiko, sa bansag na “Felix Razon,” pangalan ng isang karakter sa akda ni Carlos Bulosan na America is in the Heart

Sa panahong iyon, nakilala namin si Daniel Boone Schirmer, beterano ng CPUSA (Communist Party of the USA), sa opisina ng Monthly Review Press (MRP) nina Paul Sweezy at Harry Magdoff sa New York City. Si Boone ang naging pasimuno sa Friends of the Filipino People, lobbying group laban sa diktadurang Marcos. Doon sa okasyong iyon tinanggihan ng MRP ang pag-reprint ng Philippine Society and Revolution (PSR) ni Amado Guerrero; malakas pa ang impluwensiya ng mga Trotskyite. Subalit inilathala nila ang katha ni Alejandro Lichauco hinggil sa nasalantang ekonomiya ng Pilipinas. 

Di naglaon, naging kontribyutor ako sa Ang Katipunan, organo ng KDP (Katipunan ng mga Demokratikong Filipino). Umayaw kami sa balighong patakaran ng KDP na ipailalim ang pagsuporta sa anti-imperyalistang pakikibaka natin sa usaping hidwaang ideolohikal ng Unyong Sobyet at Tsina. Tuloy nawasak ang KDP sa sektarya’t dogmatikong paggigiit ng dikta ng ilang personahe—isang leksiyong hindi pa maiging nasusuri’t nalalagom hanggang ngayon.

Kung maglilista po kayo ng mga babasahin na naging pinakamahalaga sa pagiging Marxista ninyo, anu-ano po ang mga ito? 

Pansamantalang ulat ito. Bago ako nagtapos sa UP, gunita ko na laging dala ko ang librong What is Literature? ni Jean-Paul Sartre bukod sa mga nobela nina Hemingway, Malraux, Joseph Conrad. Talagang wala akong alam sa purong Marxistang kaisipan. Dahil sa larangang humanidades ang disiplina ko, unang nasalat ko ang halaga ng History and Class Consciousness ni Georg Lukacs. Pinamatnugutan ko ang pinakaunang antolohiya ng mga akda niya sa saling Ingles, ang Marxism and Human Liberation (1972), na tinatangkilik pa rin ng ilang matandang aktibista rito. 

Mapapansin na ang unang libro ko, Carlos Bulosan and the Imagination of the Class Struggle (1972), ay pormalistang lapit, hindi pa gamay ang historiko-materyalistikong analisis. Sumunod na ang pagsubaybay sa mga klasikong akda nina Marx, Engels, Lenin, Gramsci, Althusser, Raymond Williams, Terry Eagleton, Fredric Jameson, atbp. Lahat ito’y nakipaggitgitan sa kaisipang Mao Tse Tung, sa pakiwari ko, via PSR.
Marami akong natutuhan sa panulat nina Teodoro Agoncillo, Renato Constantino, Cesar Majul, Jose Lansang, Hernando Abaya, atbp. Mungkahi ko sa mga estudyante: masinop na pag-aralan ang akda ni Apolinario Mabini, Ang Rebolusyong Filipino/The Philippine Revolution. Magandang introduksiyon ito sa pagsasanay sa materyalistikong pagsipat bukod sa mga akda ng mga makabayang historyador.

Ang panulat po ninyo, sumasaklaw ng mahigit walong dekada. Saang mga larangan ng kaalaman po tingin ninyo pinakamalakas ang inyong ambag? 

Sa imbestigasyon – mga haypotesis na laging may pagkukulang o kamalian – sa mga panitik nina Bulosan, Amado Hernandez, Nick Joaquin, Jose Rizal, Alejandro Abadilla, at iba pang awtor na pinasadahan sa mga aklat kong Lupang Hinirang Lupang Tinubuan, at Kontra-Modernidad. Nakatuon sa nobelang katutubo ang pinakahuling libro ko, kapuwa limbag ng UST (University of Santo Tomas) Publishing House: Faustino Aguilar: Kapangyarihan, Kamalayan, Kasaysayan at Lualhati Bautista, Nobelista. May tangkang kumpletuhin ang libro ko tungkol kay Ka Amado na suplemento sa saliksik nina Rose Torres-Yu at Jun Cruz Reyes.

Meron din akong interbensiyon sa larangan ng postcolonial discourse, ethnic and racial studies, at cultural theory. At kamakailan, tungkol sa synergesis ng pragmatisismo ni Charles Sanders Peirce at diskursong Marxista, sangguniin ang libro kong Peirce’s Pragmaticism: A Radical Perspective (2022).

May mga paborito po ba kayong libro ninyo? Alin po ito at bakit? 

Bukod sa Sisa’s Vengeance, mas sapul sa kasalukuyang kuru-kuro ko ang Maelstrom over the Killing Fields: Interventions into the Project of National-Democratic Liberation (2021). Usaping panlasa ito, kaya tentatibo’t probisyonal.

Bakit pinili ito? Masalimuot at mapanghamon ang diskursong Rizal, taglay ang maselang implikasyon lalo na kung iisipin na bukod kay Glenn May at Reynaldo Ileto, marami ang “debunker” ng nasyonalismo’t radikal na tradisyon natin. Sa Maelstrom, pinagbuklod ko ang iba’t ibang daloy ng mga paksang nabungkal, nasaluysoy, nalinang kaakibat ng debate hinggil sa pulitikang kultura mula dekada 1960-70 hanggang sa bagong milenyo. May pag-uulit, may pagkakaiba rin.
Mababanggit din ang Filipina Insurgency (1999), hinggil sa pagsubok buksan ang larang na ito pagsunod sa halimbawa ni Delia Aguilar sa Toward a Nationalist Feminism. Kakatwang diskarte, “rare book/collectible” na itong Filipina Insurgency; nahiram iyong kopya ko, hindi na naibalik—isang parabula ng sirkulasyon ng kulturang kapital.

Kung tama po ang alala ko, ang mga tula ninyo ay nasangkot sa hindi bababa sa dalawang kontrobersya. Isa iyung may kinalaman si Franz Arcellana noong dekada 50 at isa iyung may kinalaman si Alfred Yuson noong bungad ng 2000s. Sa pagbabalik-tanaw po ninyo, ano ang tingin ninyo sa mga kontrobersyang ito? 

Nakatutuwa itong dalawang engkuwentrong napasukan ng larong makulit. Alanganin akong bigyan pa ng espasyo/panahon ang bagay na ito, palawigin ang dakdakan na walang kahihinatnan.

Kung meron mang nakatatanda pa ng alingasngas na iyon, pangkaraniwan na lamang ngayon ang paggamit ng “f**ck/taboo na four-letter word—pelikula, rap, Slam—nag-uumapaw sa mura. At balewala iyon kumpara sa di mapigilang pagmumura sa nobela/pelikula at social media ngayon. Huwag nang banggitin ang singaw-imburnal sa bunganga ng dating presidente.  

Sa balik-husga, maraming mahalagang isyung nakasabit sa dalawang okasyong natukoy mo, pero ikaw lamang ang interesado sa ngayon.

Naihapag ko na ang repaso ko sa “Revisiting Diliman Souvenirs” (Philippine Humanities Review, 2018) at Kabanata X sa Balikbayang Sinta (2008). Utang ko kay Franz bilang guro ang unang pagsubok kong sumulat. Nang magkita kami muli noong dekada 1987-88, naipagtapat niya na naging “fall guy” siya noon ng administrasyong Virata-Sinco. Naging sentro ng kontrobersiya ang “Man is a Political Animal” (Collegian 1957) dahil ginawang pretext na pakubling tuligsain si Franz bilang scapegoat ng mga puritaniko’t reaksiyonaryong bloke sa pamantasan. Kahinahon at kalambing ng taong iyon!

Ang tuligsang pampersonal ni Yuson naman ay pagkapikon sa pabirong kritisismo ko sa pagbuhos ng panahon at enerhiya sa pagmantine sa wikang Ingles. Bakit nagumon pa rin tayo sa pagbibidang mas mahusay tayo sa Ingles kaysa sa mga Australyano, Canadiano, Pakistani, Indian, na bahagi ng “postcolonial” Commonwealth ng UK?

Dagdag pa: Walang muwang sa uyam o tuya ng satire genre. Sa anu’t anuman, dapat isakonteksto iyon sa hidwaan ng mga barkadang maka-Ingles at maka-Filipino, balitaktakan na nagpababoy rin sa paghirang sa National Artist for Literature. Palaging nagdadabog ang taong iyon, kaya huwag na tayong mag-aksaya ng salita tungkol sa egotismong bulagsak, salaula’t lapastangan.

Noong ikalawang hati po ng dekada 80, naging kampeon kayo ng paglalapat ng mga kaisipan ng Italyanong Marxistang si Antonio Gramsci sa Pilipinas. Paano po ninyo ito ipinaliwanag noon? At tingin po ba ninyo ay makabuluhan pa rin hanggang ngayon si Gramsci sa Pilipinas? 

Una muna, hindi ako kampeon ni Gramsci, isang tentatibong panukala lamang ang naiukol ko sa kanyang kaisipan. Lubhang kumplikado ang buhay at mga nagawa niya, kaya isang asumpsiyon ang etiketang naipaskil mo.

Tulad ng ibang usapin, dapat isakonteksto rin ito. Maigting ang debate tungkol kay Althusser laban sa maka-Hegeliang Marxista noong dekada 1980-90 dito. Lumago ang impluwensiya nina Nietzsche at Heidegger sa mga kritikong Kanluranin: Deleuze, Derrida, Foucault, atbp. Sa isang dako, abala ako sa pagsaliksik sa isyu ng rasismo at etnikong subordinasyon, na hinarap ni Stuart Hall at mga kapanalig. Si Hall ang nagpokus ng atensiyon sa kontribusyon ni Gramsci sa araling kultural. Naging maapoy ang usapin tungkol sa “hegemony,” “war of position versus war of maneuver,” nang malusaw ang Soviet Union at sosyalistang kalakaran sa Europa, at humupa ang gerilyang pakikihamok sa Asya (liban sa atin), Latino-Amerika at Aprika. 

Sa kasalukuyang conjuncture, pakiwari ko, ang armadong pakikibaka ay hindi dapat gawing primaryang tungkulin hiwalay sa totalidad ng rebolusyonaryong proyekto. Depende ito sa bawat rehiyon o pook na kailangan ang “armed self-defense,” tulad sa Negros. Gayumpaman, hindi dapat gawing dogmatikong scripture ang mga kaisipan ni Mao, o sino pa mang karismatikong rebelde kung nais nating magbanyuhay, kung nais nating gumalugad at subukan ang mas mabisang paraan sa patnubay ng metodo ng historiko-materyalistikong diyalektika. Tiyak na tutol dito ang maraming sanay na sa nakaugalian.

Ungkatin natin muli ang prinsipyo ng transpormasyong radikal. Sa lahat ng diskurso nina Marx, Lenin, Ho Chi Minh, Mao, atbp., ang rebolusyon ay pulitikong pagsisikap na baguhin ang lumang orden (pyudal, burgis), sampu ng ugnayang pampulitika-panlipunan at produktibong puwersang kalakip nito. Magtatagumpay ito sa pagkakamit ng “hegemonya” o “intellectual and moral leadership” ng organisasyon ng masa; ibig sabihin, napalitan na ang paghahari ng mga paniniwala ng nagsasamantala. 

Magkaagapay na pagbabago sa loob at labas ang kailangan, mungkahi ni Mabini. Tesis din ito ni Marx sa puna niya kay Feuerbach. Sa unang pagsipat, edukasyong pampulitika at conscientization (bansag ni Paulo Freire) ang laging primarya. Ang sandatahang lakas ay ginagabayan at inaangkop sa pagsulong ng kolektibong plano. Sa pagsugpo sa kontra-rebolusyon, walang pasubali, kailangan ang armadong puwersang inuugitan ng pamumunong intelektuwal-moral. Kung hindi, anong halaga ng pagbabago kung ibubunsod lamang nito ang pangkalahatang digmaan ng mga lobo/hayop, na ipinahiwatig nina Hobbes, Malthus, Schmitt, atbp.?

Sa palagay ko, marami tayong matututunan sa karanasang pinaglimi ni Gramsci sa kanyang Prison Notebooks. Iyon ay sumasalamin sa pakikipagsapalaran ng kilusang progresibo sa Italya laban sa pasismo. Ang isyu ng “Southern Question” ay maihahalintulad sa pagsisiyasat ni Mao hinggil sa papel na gagampanan ng pesante. Ang kuwestiyon ng pesante/magbubukid—ang agrikultura, na sintomas ng dibisyon ng trabahong manwal at intelektuwal—ay sentral na problemang dapat lutasin upang sumulong at umunlad ang mga kolonisadong bansa (pinag-isipan ito nina Amilcar Cabral, Che Guevarra, Ho Chi Minh, Kim Il Sung, atbp.) 

Kung tutuusin, hindi lang mala-pyudal ang lagay ng lipunan kundi tahasang pyudal ang praktika ng kabuhayan sa iba’t ibang nibel: kasapakatan ng mga oligarkiya at alipores, gayundin ang relasyon ng puno ng burukrasya at mga kawani, titser at estudyante sa eskuwelahan. Patron-kliyente ang nakasanayang pakikitungo, na nagpasingaw sa pagmamalabis ng populistang demagogue. Paulit-ulit na penomena ito—isipin si Ramon Magsaysay, o si Quezon sa mahabang panahon ng kolonyalismong US. Nakasandig ito sa maraming kadahilanan, isa na ang awtoryanistikong patriyarkang pamilya, sa maskulinistang pamamahala ng pater-de-familia at surrogate nito. 

Sa madaling salita, nasa bungad pa lang tayo ng rebolusyong burgis na inumpisahan nina Rizal, Bonifacio at mga Propagandista—lamang, sa yugto ng imperyalismong global, ito’y pamumunuan ng proletaryadong liderato na maglulusaw sa pribadong pag-aari ng kapital. Kaya pambansang demokrasya ang mithi, taglay ang oryentasyong sosyalista.

Di na dapat itagubilin na hindi lahat ng mga ideyang natukoy ay angkop sa ating partikular na yugto ng kasaysayan. Bawat yugto sa pagsulong ng isang lahi ay singular at natatangi, pero lahat ay binubuo ng mga kontradiksiyong may analohiya o pagkakahambing. Proseso ng pag-iisip ang pagbuo ng konsepto, mga nagbubuklod na kategorya. Ang konsepto ng tunggalian ng mga uri ay isang unibersal na sukatan na paradigma ng paghahambing. Maisusog dito: kung angkop ang mga proposisyon o panukala nina Clausewitz o Sun Tzu, bakit hindi iangkop at kasangkapanin bilang pantulong na kasangkapan? Maimungkahing subukin ang pagtuklas ng partikular sa unibersal, ang diyalektikang laro ng itinakda (“necessity”) at ang maaari (“posibilidad”) sa totalidad ng kasaysayan (suhestiyon ni Lukacs sa Lenin, 1970).

Paumanhin sa pag-ulit ng naturol na. Sa bawat pagsubok sa anumang haypotesis ng pagbabago, sinumang kasangkot ay dapat maingat sa pag-uugnay ng reglang pangkalahatan sa kongkretong sitwasyon. Patuloy intindihin at timbangin ang haypotesis/layon sa bisa sa espesipikong proyekto. Anumang mapupulot sa diskurso ni Gramsci o ibang pantas sa pagbabago, dapat kilatisin muna at suriin kung maaaring ilapat iyon sa kongkretong sitwasyon sa atin. Kung hindi, oportunismong kaliwa at kanan ang labas, o masahol pa.

Mababanggit ang halimbawa ng mga rebelyong nagdaan. Noong rebelyong Huk (nailahad na ito sa mga diskurso nina Constantino, Francisco Nemenzo, Jr., Jose Maria Sison, atbp.), nakuro ng maraming komentarista na walang sapat na edukasyon ang karamihan ng mga kasapi sa Partido Komunista ng Pilipinas. Gayundin ang namumunong pangkat. Sa hangad matamo ang kagyat na tagumpay, nagpaubaya ang kilusan sa determinasyon ng suwerte o kostumbre. Naipayo rin ng ilan na dahil sa lakas ng global depression o recession noon, tiyak na manghihina o babagsak ang poder sa Malacanang. Pambihirang hinuha. Nasaan ang lideratong magpapalaya sa masang lubog sa ideolohiya at ugaling mapang-alipin?

Naging kontrobersyal din po ang kritisismo ninyo noong dulo ng dekada 80 at bungad ng dekada 90, mas sa hanay ng mga progresibong intelektuwal. Sa pagbabalik-tanaw po, ano ang tingin ninyo sa mga debateng ito? 

Panahon iyon ng pagdebate sa dokumentong “Rectification” at away ng mga Rejectionists at Reaffirmationists. Tama ba ang karatulang iyon? Sa aking opinyon, OK ang rektipikasyon sa bawat yugto ng kilusan. Palatandaan ito na bawat antas ng pakikibaka, magkahalo ang pagsulong at pag-atras dahil sa laging nagbabago ang sitwasyon, ang balanse ng mga puwersang nagtatagisan. Ulirang halimbawa nito ang paglunsad ng Specific Characteristics of People’s War ni Amado Guerrero noong panahon ng batas militar. 

Sa tingin ko, lalong kailangan ngayon ang pagtatasa ng kilusan dahil sa pagbabalik ng dinastiyang Marcos, kasapakat nina Duterte, Arroyo, atbp, at lalo na sa pagbabalik ng base militar ng US na dinagdagan pa ng pitong baseng magagamit ng imperyalismong US sa umiinit na komprontasyon sa Tsina.

Nakahihinayang nga’t nahati ang progresibong lakas, subalit hindi maiiwasan. Naitala ko ang ilang puna ko sa “Foreword” sa Reflections ni Joma at sa librong U.S. Imperialism and Revolution in the Philippines (2008)—ang husga sa rehimeng Arroyo ng People’s Tribunal, kasama ang interbyu ko kay Luis Jalandoni noong ika-15 Pebrero 2007. Dahil nga sa gulong panloob sa kilusan, nakabawi ang reaksiyonaryong puwersang nakapaloob sa pangkat nina Cory Aquino at Fidel Ramos. Sumunod ang rebisyonismo sa tulong ng social media at kapabayaan sa larangan ng edukasyong pampulitika sanhi marahil sa pagpokus sa armadong aspekto ng pagbabalikwas. Sa tingin ko, kailangang paigtingin ang pakikibakang ideolohikal at mobilisasyon sa “war of position” upang makamit ang “hegemonya” ng progresibong alyansa.

Usisain natin kung bakit nanalo si Duterte, ang pagtigil sa peace talks, paglala ng EJKs (extra-judicial killings), at mabangis na pag-usig sa demokratikong karapatan sa pamamagitan ng NTF-Elcac (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict), “red tagging,” at terorismo ng pasistang Estado. Pagmuniin natin kung bakit at paano nakabalik ang dinastiyang Marcos? Hindi ba ito asignatura sa pagwawasto ng pampulitikang estratehiya at taktika? Hindi ba ito suliraning pang-ideolohiya, at imperatibong pagsisiyasat kung paano mabuting maiuugnay ang teorya at praktika sa pagsulong ng rebolusyon?

Sa amin pong mga mambabasa ninyo mula dekada 90, tinitingnan po namin kayo na pangunahing tagapagdala ng Teorya, lalo na ng maka-Kaliwa rito, sa Pilipinas. Ano po ang tingin ninyo sa ganitong pag-unawa sa inyong naging papel na ito sa larangang intelektuwal, pampanitikan, pansining at pangkultura sa bansa? 

Sa pag-unawa ko, hindi maihihiwalay ang teorya sa praktika. Walang purong teorya, wala ring purong praktika. Laging magkalangkap ito. Ang teorya ng rebolusyong Pranses ay nahugot sa aktibidad ng mga Jacobin Clubs at diskusyon ng mga intelektuwal hinggil sa problemang kinakaharap ng mayorya (Rousseau, Diderot, Voltaire, St. Just, Marquis de Sade). Gayundin ang teorya nina Marx-Engels na hango sa praktika ng mga unyon, si Lenin sa maraming kilusan laban sa tsaristang awtokrasya sa gitna ng Unang Giyerang Pandaigdig (1914-1918).

Ang posisyon ng intelektuwal sa atin ay kaawa-awa, halos saling pusa. Sa petiburgesyang saray nakaluklok ang intelihensiyang nahahati sa akademiko, peryodista o artista sa midya, burukrata, propesyonal na organisasyon, maliit na mamumuhunang kasapi sa mga asosasyong pang-negosyo, atbp. Bilang akademiko, maliit na pulutong lamang ang awdiyens sa Ingles, mas malawak sa Filipino, sadyang limitado ang impluwensiya. Liban na lamang kung nakapuwesto sa pamunuan ng institusyong may makinarya sa implementasyon.

O kaya’y kasangkot ka sa pribilehiyadong grupo, tulad ni Leon Ma. Guerrero, “ghost-writer” ka ng mga politiko. Sina Blas Ople, O.D. Corpuz at ilang kadre sa UP na nakasangkapan ng diktadura. Sa panig ng progresibong akademikong bihasa sa Ingles, lalong makitid ang maaaring tablan. Ang papel ko’y nasa tagiliran o laylayan, puwedeng magbudbod ng ilang binhi sa mga estudyante o kapwa manunulat na kasapi sa mga organisasyong may impluwensiya sa iba’t ibang sektor—isang maliit na turnilyo sa makinaryang kontra-gahum. Baka pantasya lamang ang haypotesis na ito?

Kung tama po ang basa ko, may lumalakas pong tunguhing anti-Teorya ngayon sa panitikan, sining at kritisismo sa akademya sa US. Ano po ang tingin ninyo rito? 

Depende sa depinisyon ng “teorya.” Sa loob ng bituka ng imperyo, ang namamayaning pilosopiya ay utilitaryanismong hinahaluan ng iba’t ibang agos/gawi: anarkismo, klasikong liberalismo ng mga Ivy League, Protestanteng puritaniko, at ang kasalukyang rasistang tendensiya ng sektang Evangelical na alagad nina Trump at “white supremacy.” Nakaangklang lahat sa iba’t ibang teorya o paniniwala ng iba’t ibang sektor taglay ang sariling kronika ng pakikipagsapalaran ng grupong manatili sa lipunan. 

Ang pilistinong trend na diumano’y anti-teorya ay gumana simulang maitayo ang Estadong burgis noong edad ng transisyon mula agrikultura patungong industriya kung saan ang halaga ay nasusukat sa salapi. Napalitan ang aristokratikong estilo batay sa honor o dangal. Instrumentalismong bulgar ang anti-intelektuwalistang asta na laging nakasilid sa burgesyang pangitain. Di naglaon, ginawang sistematiko ang isang salik niyon sa espontanyong bersiyon ng pragmatismo—hindi ito ang pragmaticism ni Peirce. Sa tipong ito, ang anumang ideya ay may pansariling “cash value.” 

Kumalat at naging respetable ito sa reaksiyon nina Richard Rorty, Stanley Fish, Judith Butler, atbp., suportado ng dekonstruktibong kulto nina Derrida, De Man, atbp. Lumilitaw na ang anti-teoryang inilalako ay nakasangkalan sa nakatagong “Teorya”—walang iba kundi nihilistang haka-haka nina Foucault, Deleuze, Lyotard mula sa kulto nina Nietzsche, Gobineau, atbp. Naisiwalat na ito sa maraming diskursong nag-ulat ng koneksiyon nina Heidegger at De Man sa pasistang rehimeng Nazi/Hitler.

Samakatuwid, merong teorya rin ang tinaguriang anti-teorya, na salungat sa anumang sosyalistang prinsipyo. Tawagin natin itong teorya ng neoliberalismong kapital kung saan ang merkado/palengke ang institusyong dominante, at rituwal ng komoditi-petisismo ang ipinapataw sa lahat. Kunsabagay, halos lahat ng eskuwelahang “woke” dito ay kumikiling pa rin sa doktrinang “free marketplace of ideas,” ang klimang nananaig. Kabaligtaran ang totoo.

Kakatwa nga na ginamit ito ng neokonserbatibong pangkat upang kontrahin ang progresibong kilusan ng kababaihan, LBTQ, mamamayang may kulay (Latino, Aprikano-Amerikano, taga-Asya, Katutubong Amerikano, atbp.), at ipataw ang censorship sa publikong aklatan at kurikulum sa publikong eskuwelahan. Ito ang mapanlasong anti-teoryang gamit ang instrumento ng Estado upang sugpuin ang demokratiko’t pantaong karapatan ng lahat. Pumasok na tayo sa Edad ng Bagong Pasismo.

Ano po ang obserbasyon ninyo sa larangan ng panitikan, sining, kultura at gawaing intelektuwal sa Pilipinas ngayon? 

Nakalulungkot ang sitwasyon, subalit may banaag ng pag-asa at pangarap. Nakubakob ang mayorya ng kulturang Kanluranin: sa social media, megamall, sinema, TV, radyo, sports, industriyang pang-aliw o entertainment, produkto ng mga higanteng korporasyon na suportado ng nation-state: US, NATO, Hapon, Korea. Sinong nagsabing napawi na ang “nation-state”?

Pati si Whang-Ud, ang tatoo-master sa Kalinga, ay ginawang komoditing ipinagbibili sa Internet. Kung sa bagay, regalo ito ng globalisasyon, pinapatnubayan ng ideolohiya ng neoliberalismo, garantisado ng kodigo ng “free market” (“rule of law”) ng armadong US at NATO.

Sa akademya, maraming bumubuntot lang sa modus operandi ng piniling guru sa Norte Amerika o Europa. Napansin ko na popular na si Deleuze sa ilang sulok ng akademya sa atin. Bakit? Naglaho na ang positibismo nina Russell at siyentipikong empirisismo ni Dr. Ricardo Pascual at mga kolega na natikman namin noong undergraduweyt kami. Sandaling sumikat si Foucault, ang guro ni Vicente L. Rafael; at ang postkolonyalismong perspektiba ng Subaltern Studies na nakaengganyo sa iskolarsip at polemika ni Ileto. 

Sa palengke, dapat sari-saring tinda upang maakit ang pihikang konsiyumer. Masisilip ang iba’t ibang tendensiyang inangkat mula sa Kanluran sa mga kontribusyon ng mga awtor sa Kritika Kultura ng Ateneo at Unitas ng UST, halimbawa—pulos mga kontribusyon ng dayuhan na kaagapay ng iba’t ibang fashion o vogue, sintomas ng sirkulasyon ng mga brand sa palengke. Bagamat “postcolonial” daw, sakop pa rin ng kolonyalistang doktrina ang mentalidad at sensibilidad ng aktibong henerasyon ng petiburgesya sa akademya.

Nasambit minsan ni Walter Benjamin na upang malutas ang monopolyo ng burgesyang prehuwisyo, kailangang sunggaban ng awtor ang kagamitan sa komunikasyon. Katumbas ito ng makatarungang pagkabig ng pribadong puwersa’t instrumentong pamproduksiyon. Marahil, naisakatuparan na ito ng grupo ng mga kababaihan sa ilang publikasyon. Subalit ang karamihan ay pag-aari pa rin ng gahamang korporasyon o kompanyang pangkomersiyal, kaya sakim na layunin nito ay akumulasyon ng malaking tubo/puhunan mula sa sakripisyo ng uring anakpawis. Hanggang hindi napapalitan ang ganitong status quo, magpapatuloy na underground pa rin ang subersibong ideya/kaisipan. Buhay pa rin ito, puta-putaking susulpot sa aprubadong espasyo, “ang mole” ng Mesiyas na umuusad sa puwang ng komunikasyong supil ng oligarkiya at Estado nila.

Ano po ang pagbasa ninyo sa kalagayan ng Kaliwa sa Pilipinas at sa mundo ngayon? 

Magusot at tigib ng kontradiksiyon ang krisis na naghahain ng pagkakataon sa Kaliwa. Sa pakiwari ko, malusog pa rin ito sa gitna ng tagumpay nina Marcos-Duterte-Arroyo sa nakaraang eleksiyon. Hindi na nga kasing-sigla kaysa sa dati, pero kung aalagatain ang madugong panlilipol ng AFP-PNP sa Negros at Panay, sintomas ito na malakas pa rin ang makamasang proyekto sa kanayunan. Walang kapantay ito sa buong mundo. 

Isang konsolasyon. Laging sinasabi sa akin ng mga kaibigang puti: namumukod ang Pilipinas sa pagkakaroon ng pinakamatagal at pinakamatibay na tradisyong rebolusyonaryo sa buong mundo. Kung totoo ito, huwag tayong magpakumbaba, sumugod sa larangan—dapat patunayan ito sa bisa ng dobleng pagsikhay. 

Balik-tanawin ang lumipas. Nasira ang Sendero Luminoso sa Peru, humina ang pulang mandirigma sa Turkiya, Mexico, Kurdistan. Batay sa sumabog na rebelyon sa Pransiya at “Black Lives Matter” dito sa US, bunga ng mga kontradiksiyong umaalimbukay muli, maaasahang magbabanyuhay ang rebolusyonaryong kilusan sa iba’t ibang lupalop ng daidig. Gaya ng nasambit na: lahat ng sitwasyon ay tigib ng kontradiksiyon na siyang nagpapagalaw sa mga pangyayaring nagbubuntis ng pagbabago. Kailangan ang interbensiyon ng komunidad upang mabigyan-pasya ang makatao’t makatarungang pagdaloy nito.

Metabolikong pagtatalik ng kalikasan at talino ng tao ang kabihasnan. Hindi mapipigilan ang agos ng kasaysayan, sumasabay ang proyekto ng komunidad na inuugitan ng demokratiko’t sosyalistang adhikain.

Bago ko makaligtaan, isang bagong penomena ang mahigit 12 milyong OFW—mga trabahador, propesyonal, atbp., bahagi ng proletaryadong internasyonal. Mamamayang nagdaralita ang kalakhan. Itinataguyod ito ng gobyerno sapagkat bukal ng bilyong dolyar na remitans na tanging lumiligtas sa naghihingalong ekonomiya ng bansa. At siyang tumutustos sa barbarikong paghahari ng oligarkiya at pambubusabos ng imperyalismo. 

Alam ko ang tulong na dulot ng organisasyong Migrante. Kung tutuusin, mirakulong lakas ang potensiyal nito kung aalagaan at pamumukadkarin sa sistematikong conscientizacion. Disiplinadong pag-aruga ang dapat ilaan ng kilusan sa bagong kontradiksiyong ito: sapilitang eksploytasyon/kalayaang mag-abrod, proletaryong naitapon versus medya-klaseng balikbayan. Magbulag-bulagan kayong mga nasa liderato, di magtatagal, tutugisin at sasalubungin kayo ng madlang migranteng puwedeng maging instrumento ng pasismo o maging susi sa paglutas sa krisis istruktural ng bansa.

Kung magrerekomenda po kayo ng limang dayuhang akda na dapat mabasa ng progresibong kabataang manunulat, kritiko at intelektuwal sa Pilipinas, anu-ano po ito? 

  1. George Lukacs, History and Class Consciousness
  2. Eleanor Leacock,  Myths of Male Dominance
  3. Antonio Gramsci, Prison Notebooks
  4. Juliet Mitchell, Psychoanalysis and Feminism
  5. Fredric Jameson, Valences of the Dialectic


Limang lokal na akda? 

  1. Rose Torres-Yu, Alinagnag
  2. Elizabeth Eviota, The Political Economy of Gender
  3. Soledad Reyes, Kritisismo
  4. Bienvenido Lumbera, Suri
  5. Virgilio Enriquez, From Colonial to Liberation Psychology 

Isang sagot at isang pangungusap na paliwanag sa bawat isa. Paboritong:

Makata. Amado Hernandez—Sinalamin ang krisis ng bansa sa kasukdulan ng Cold War (1945-70) habang naghunos ang kanyang sining mula estetika patungong etikal-pulitikal na paninindigan.

Nobelista. Lualhati Bautista—Inihabi sa maantig na kathambuhay ang popular at makabagong estilo’t pananaw sa gitna ng krisis ng batas-militar hanggang sa edad ng barbarikong neoliberalisasyon.

Kritiko. Bienvenido Lumbera—Progresibong kritiko sa larangang pelikula at kasaysayan ng literaturang katutubo na kanyang hinawan.

Teoristang Marxista. Renato Constantino— guro ng dalawang henerasyon bago nayari ang PSR.

Direktor ng pelikula. Lino Brocka—Mapangahas at mapanuring dokumentasyon ng tunggalian ng uri sa lipunan ang naisakatuparan sa maraming likha.

Pelikula. Ora Pro Nobis—Halimbawa ng sining ni Brocka na simboliko’t realistikong pagsasadula ng trahedya ng sambayanang lumalaban.

Mang-aawit/musikero. Lolita Carbon, dating lead singer sa Asin, tinig ng mapagpalayang kilusan at ulirang diwata ng katutubong sining.

Fictional character sa nobelang Pilipino. Ibarra/Simoun—Diyalektikang pananagisag ng dula ng pagsalikop ng personal na udyok at malawak na daluyong ng lipunang naipit sa interregnum/sa pagitan ng nabubulok na lipunan at ordeng hindi mailuwal sa matris ng kahapon.

Personahe ng Rebolusyong 1896. Apolinario Mabini—Inilagom sa obra maestrang akda, Ang Rebolusyong Filipino, ang kahapon at kinabukasan ng lahing kayumanggi.

Personahe ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas. Francisco Nemenzo Jr. — Nasuri ang problema ng lumang partido sa konstruktibong paraan.

Personahe ng bagong PKP. Julita de Lima-Sison—Matalinong patnubay ng masang anak-pawis, inspirasyon ng militanteng kababaihan.

Ano po ang tingin ninyong pinakamahalagang pangyayari sa mundo na nasaksihan ninyo? 
Rali-protesta-mass demonstration ng iba’t ibang sektor sa Makati laban sa rehimeng Arroyo circa 2007-08.

Ano naman po ang tingin ninyong pinakamahalagang pangyayari sa mundo na nasaksikhan ng henerasyon ninyo?

Siyempre ang 9/11 pagbagsak ng Twin Towers sa New York, simbolo ng pagsunog sa kuta ng imperyalismo. Lamang, suspetsa na inisyatiba ng mga power elite iyon upang magkaroon ng rasong lusubin at durugin ang Aghanistan, Iraq, Libya, at iba pang teritoryong mayaman sa langis, at kapaligid ng Zionist Israel.

Kung hahamunin ninyo ang mga kabataang manunulat, kritiko, manggagawang pangkultura at intelektuwal sa Pilipinas, ano po ang sasabihin ninyo? 

Ilang mungkahi lamang ito, medyo abstraktong rekomendasyong bukas sa modipikasyon.

Pag-aralang maigi ang kasaysayan ng Pilipinas mula sa edad bago dumating ang Espanya hanggang sa ngayon. Itampok ang mga pangyayaring pumupukaw sa pagkamalay-sa-sariling kakayahan at karunungang mag-organisa ng komunidad laban sa mananakop at mga kasabwat. Pagmuniin ang dahilan ng mga tagumpay at pagkatalo ng mga uring naglalaban, ang diyalektika ng mga kontradiksiyong nakataya. Baka may pahiwatig o paramdam iyon ng tugon sa mga suliraning lumiligalig sa lahat.

Sa antas ng namulat na, maipapayo ito. Sumali sa kolektibong pagsisikap ayon sa kongkretong kinalalagyan. Pagliripin ang mga leksiyong natutunan at paano maisasapraktika iyon. Siyasatin kung paano magagamit sa mapagpalayang proyekto ang mga ideya/konseptong nahulo sa partikular na karanasan. Sikaping tumiwalag sa indibidwalismong hilig o ugali. Pursigihing ikawing o isanib ang anumang personal na kaabalahan sa malawakang daloy ng kasaysayan ng bansa at krisis ng buong planeta. 

Kung sakaling naisagawa ang ilang hakbang tungo sa pagbabagong-buhay, o kahit na nagtangka’t nabigo, pasalamatan ang kaluluwang naglulunggati. Maikukumpisal mo sa iyong minamahal na ang abang buhay mo, sa wakas, ay pinagpala’t naging makabuluhan.

Avatar

Teo S. Marasigan

Si Teo S. Marasigan ay isang kolumnista na tumatalakay sa progesibong pulitika at popular na kultura.