Suring Balita

Paano pagkakasyahin ang barya-baryang minimum?

July 7, 2023

Sa pinakabagong inaprubahang wage increase sa NCR, nasa P610 na ang minimum na sahod. Ngunit dumadaing pa rin ang maraming manggagawang minimum ang sinasahod dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Ipinakita ng mga grupo ng mga manggagawa sa isang protesta sa Mega Q Mart sa Quezon City noong Hulyo 3 ang aabutin ng kakarampot na P40 na dagdag-sahod ng mga non-agriculture na manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Ito’y ilang araw matapos ianunsyo ng Department of Labor and Employment (Dole) ang dagdag-sahod.

Sa pinakabagong inaprubahang wage increase sa NCR, nasa P610 na ang minimum na sahod. Ngunit dumadaing pa rin ang maraming manggagawang minimum ang sinasahod dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Wika ni Julie Ann Gutierrez ng Kilos na Manggagawa, hindi umano magkakasya ang P40 na umento para makakain ng masustansya ang kanyang anak. Larawan ni Michelle Mabingnay.

Ayon kay Julie Ann Gutierrez ng Kilos Na Manggagawa, makakabili lang umano ng dalawang instant noodles at isang sachet ng kape sa halagang P40. Abonado pa kung bibili ng isang kilong bigas.

“Hindi po ba talaga kami bibigyan ng gobyerno [ng pagkakataong] maranasan man lang namin kainin, hindi na ‘yong kinakain ni Bongbong Marcos na mararangyang pagkain, kundi yung sapat?” ani Gutierrez.

Kuwento ni Gutierrez, palaging itlog, instant noodles at tuyo na lang ang inuulam ng kanyang anak.

Kapos na umento

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), lubhang napakalayo ng minimum wage sa NCR mula sa nakabubuhay na sahod. Hindi rin daw umabot sa kalahati ng mga halagang ipinetisyon ng mga manggagawa ang inaprubahang P40.

Tinawag din ng grupo na “barya-baryang minimum” ang nasabing umento.

An infographic by Ibon Foundation on family living wage

Batay sa datos ng Ibon Foundation nitong Mayo, kailangan ng P1,160 kada araw ng limang kataong pamilyang naninirahan sa NCR para mabuhay.

“There is still a wage gap of P550 and the new wage is still barely half or just 53% of the FLW (family living wage) in the NCR,” ayon sa Ibon.

Para kay Wilfredo Mari Jr., isang Joyride rider, maliit at hindi pa rin sasapat ang P40 na dagdag-sahod lalo na’t nagpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Ganito rin ang hinaing ng mga manininda ng West Kamias Wet Market sa Quezon City rin na nagsabing kapos na ang sinusuweldo ng mamimiling manggagawa.

Ayon kay Kennedy Sta. Ana, manininda sa naturang palengke, sa mahal ng mga presyo ng pangunahing pagkain, magugutom ang mga miyembro ng pamilya nito.

“Paano magkakasya ‘yong kuwarenta?” sabi pa ni Sta. Ana.

Hiling ng mga manggagawa

Matatandaang pinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa noong kampanya.

Tumatak din ang pangako niyang ibababa ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.

Isang taon matapos maupo, hiniling ni Erna Felipe, isang sales lady, na tuparin ni Marcos Jr. ang kanyang mga pangakong pababain ang presyo ng mga bilihin at pataasin ang sahod ng mga kagaya niya.

Ayon sa KMU, dapat prayoridad ng kasalukuyang rehimen ang pagpapasa ng batas tulad ng National Minimum Wage na P1,100.

Sa rekomendasyong inilabas ng All Philippine Trade Union, dapat din umanong isama ang mga manggagawa sa pagbubuo ng mga polisiya para masigurong nasusunod ang mga kahilingan nito.

Bitbit ng mga nagprotesta sa Mega Q Mart noong Hulyo 3 ang isang bilaong naglalaman ng maaaring mabili sa halagang P40. Larawan ni Imee Gatchalian.

Samantala, nanawagan din ang mga manggagawa mula sa mga rehiyong labas ng NCR ng makabuluhang dagdag-sahod.

“Hindi natin masasabing ‘yong P40 ay sadyang dagdag-sahod para sa mga manggagawa, kundi ito ay pampaganda lamang sa administrasyong Marcos para sa hanay ng mga manggagawa,” wika ni Mia Antonio ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagaluan-KMU (Pamantik-KMU).

Sa Calabarzon, nasa P470 ang minimum na arawang sahod ng mga non-agriculture na manggagawa. Huli itong nadagdagan ng P49 noong Disyembre 2022. Kung tutuusin, halos wala ring pagkakaiba ang mga presyo ng mga bilihin at serbisyo sa NCR at Calabarzon.

“Sa esensya, wala talaga siyang planong taasahan ‘yong sahod ng mga manggagawa dahil sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin,” dagdag pa ni Antonio.

Nananawagan ngayon ang KMU sa mga manggagawa na magkaisa sa laban para sa nakabubuhay na sahod sa buong bansa.

Anila, sa pagsasama-sama ng mga manggagawa naipagtatagumpay ang kanilang mga kahilingan at hindi sa kabutihang loob ng gobyernong Marcos Jr.

Avatar