Photo of an LGBTQ couple wearing the pride flag with a call to pass SOGIE Bill on their backs

Pagdiriwang ng pagmamahal at pakikibaka

July 5, 2023

“Kailangan din maunawaan, at least sa lahat ng ito, ang pagsisimula ng SOGIESC Equality Bill na laban ay pagpoprotesta. Iyon ang kasaysayan niya,” ani Gabriela Representative Arlene Brosas na isa sa mga nangunguna sa pagsusulong ng nasabing panukalang batas sa Kamara.

Pride march at Quezon City on June 24, 2023
Mga dumalo sa Quezon City Pride Festival. Larawan ni Aira Kate Estrada.

Makulay, masaya at puno ng pag-asa sa paglaban ang LGBTQ+ community sa mga Pride march nitong Hunyo 24. Tampok sa mga martsa ang kanilang malakas na panawagan sa pagkilala at pagprotekta sa kanilang mga karapatan na dinaluhan din ng maraming mga ally.

Pinaingay at kinulayan nila ang mga kalsada ng Quezon City, Makati City, Baguio City, Cebu City at Los Baños, Laguna bitbit ang iba’t ibang panawagan laban sa diskriminasyong kanilang nararanasan tulad ng paglilimita sa kasuotan ng mga transwoman na estudyante, microaggression sa trabaho at pagtakwil sa mga anak na LGBTQ+, kasama na rin ang mga panawagan ng mamamayan sa regular na trabaho at nakabubuhay na sahod.

Sigaw din nila na bigyang-pansin nawa ng mga mambabatas ang Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression and Sex Characteristics (SOGIESC) Bill na siyang magbibigay proteksyon sa mga miyembro ng komunidad.

“Kailangan din maunawaan, at least sa lahat ng ito, ang pagsisimula ng SOGIESC Equality Bill na laban ay pagpoprotesta. Iyon ang kasaysayan niya,” ani Gabriela Representative Arlene Brosas na isa sa mga nangunguna sa pagsusulong ng nasabing panukalang batas sa Kamara.

Kilala ang Pride sa bilang protesta laban sa karahasan at diskriminasyon sa LGBTQ+ community.

First Pride march in the Philippines in 1994.
Tinaguriang pinakauna sa Pilipinas at Asya, pinangunahan ng ProGay Philippines at Metropolitan Community Church Manila ang Pride march sa Quezon Memorial Circle noong 1994 sa paggunita ng ika-25 taon ng Stonewall Riots. Larawan mula kay Fr. Richard Mickley.

Noong Hunyo 26, 1994, nangyari sa Quezon Memorial Circle ang pinakaunang Pride march sa Pilipinas at Asya sa pangunguna ng ProGay Philippines at Metropolitan Community Church Manila para gunitain ang ika-25 taon ng 1969 Stonewall Riots—serye ng mga protesta laban sa pulisya na sumalakay sa Stonewall Inn, isang gay club sa New York City.

Naging panandang bato ang Stonewall Riots sa pakikipaglaban para sa mga karapatan ng LGBTQ+ community sa buong mundo.

Para  sa maraming na dumalo sa martsa, malayo pang makamit ang pagkakapantay-pantay dahil tila bulag at bingi ang gobyerno sa kanilang panawagan.

Tunay at huwad na tagasuporta

Naihain ang unang bersiyon ng panukula laban sa diskriminasyon sa trabaho noong 2000. Naipasa ito sa Kamara ngunit hindi umusad sa Senado noong 2001. Noong 2004, naghain ng katulad na panukala si dating Sen. Miriam Defensor-Santiago ngunit hindi rin umusad.

Noong Disyembre 2022, muling binuksan ni Sen. Risa Hontiveros ang usapin ng SOGIESC Bill  sa Senado na kalaunan ay naaprubahan sa Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.

Sa kasalukuyang panukala, sakop nito ang proteksyon laban sa iba’t ibang uri ng diskriminasyon batay sa SOGIESC, hindi lamang sa trabaho pati na rin sa iba pang lugar o espasyo.

“Kinakailangan pa rin ang isang SOGIE Equality Bill kasi may partikular na basehan ng stigma at discrimination laban sa ating mga Pilipino,” ani Hontiveros sa QC Pride Festival 2023.

Panawagan din ni Bahaghari deputy spokesperson Arriane Samsico ang pagkakaroon ng SOGIESC education imbis na ibalik ang mandatory ROTC sa mga paaralan. Larawan ni Junneth Dela Cruz.

Bagaman nagpahayag ng suporta si Vice President Sara Duterte sa pagpapasa ng SOGIESC Bill, kailangan daw maghintay dahil “good things take time.”

“Our advice for Sara Duterte: take action. You are the Vice President. The SOGIE Bill is being blocked as we speak—what are you gonna do about it, Sara? Surely you can do more than tell us it ‘takes time,’” buwelta ni Bahaghari chairperson Reyna Valmores kay Duterte.

Dagdag pa ni Bahaghari Pride 2023 project head Arriane Samsico, hindi puwedeng sabihin na “good things take time” dahil matagal na nilang hinihintay ang SOGIESC Bill na magbibigay proteksyon sa mga karapatan ng komunidad.

Hindi rin daw “urgent” ang pagpapasa ng SOGIESC Bill giit ni Sen. Joel Villanueva. Matatandaan hinarang ni Villanueva ang panukala na talakayin sa plenaryo at ibalik sa antas komite, partikular sa Committee on Rules na kanyang pinamumunuan.

Hirit naman ni Miss Trans Global 2020 Mela Habijan dito, sana ay maisip ni Villanueva na matagal nang hinihintay ang pagkakapasa ng SOGIESC Bill para magkaroon ng ligtas na espasyo ang LGBTQ+.

Maliban sa panawagan para sa pagpapasa ng SOGIESC Bill, bitbit din ng Gabriela Partylist ang iba pang isyung kinahaharap at nakaaapekto sa kalagayan ng LGBTQ+ community at ng mas malawak na mamamayan tulad ng nakabubuhay na sahod. Larawan ni Aira Kate Estrada.

Hirit naman ni Miss Trans Global 2020 Mela Habijan dito, sana ay maisip ni Villanueva na matagal nang hinihintay ang pagkakapasa ng SOGIESC Bill para magkaroon ng ligtas na espasyo ang LGBTQ+.

“Kasi kapag may safe na espasyo, mas madaling mangarap, mas madaling mabuhay, mas madaling maging ikaw. Dapat ‘yon ‘yong nararamdaman ni Sen. Joel Villanueva. We are a priority too,” dagdag ni Habijan.

Nakasaad sa Konstitusyon at Magna Carta of Women na pantay ang karapatan ng bawat sibilyan, kabilang ang LGBTQ+. Pero ayon sa Psychological Association of the Philippines (PAP) noong 2020, patuloy pa ring nakararanas ng diskriminasyon at hindi pantay na pagtrato sa bahay, paaralan, trabaho at komersiyal na establisyemento ang LGBTQ+ community.

Ilusyong ‘Bagong Pilipinas’

Kasabay ng selebrasyon, naglabas ng YouTube vlog si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may maikling mensahe para sa LGBTQ+.

“Sa bagong Pilipinas ang Pilipino ay malaya, at sa bagong Pilipinas ang Pilipino ay malawak ang isipan at malaya sa diskriminasyon o pagkutya,” sabi ni Marcos Jr. sa kaniyang vlog.

Ngunit para sa Kabataan Partylist, hindi interesado ang administrasyon sa LGBTQ+ community kung kaya’t matagal ang pag-usad ng SOGIESC Bill sa Kongreso.

“There is no pride in the Marcos Jr. administration’s misprioritization of policies in favor of the passage of bills that serve to ensure their own hold on power by silencing the youth and plundering and profiteering off public funds,” saad ng grupo.

Bwelta pa nila, kumpara sa niratrasadang mga batas ng administrasyon, gaya ng Maharlika Investment Fund, napakabagal ng paggulong ng SOGIESC Bill sa Senado.

Avatar