Filipinas Philippine Women's National Football Team

Sports

Yumukong matagumpay

July 31, 2023

Maaga mang nagtapos ang kanilang karera sa kompetisyon, maliwanag na kinabukasan sa larangan ng pampalakasan ang kanilang inukit sa kasaysayan.

Matapos ang 6-0 mapait na pagkalugmok sa huling laro ng ating pambansang koponan sa soccer kontra Norway sa FIFA Women’s World Cup nitong Hulyo 30, tinuldukan din nila ang kanilang makasaysayang kampanya sa nasabing torneo na ginaganap ngayon sa Australia at New Zealand. 

Pero sa kabila ng maagang pagtatapos nila sa torneo, masasabing tagumpay pa rin ang kanilang naging engkuwentro. At maraming patunay rito. 

Ito ang unang beses na sumalang ang ating national soccer team, mula sa parehong pambabae at panlalaking dibisyon, sa World Cup matapos ang  matagumpay nilang pagpuwesto sa semifinals noong 2022 Asian Football Confederation (AFC) Women’s Cup.

Naitala rin ng ating Pinay booters ang makasaysayang unang goal at panalo nito sa kompetisyon matapos ang makapigil-hiningang laro nila kontra co-host na New Zealand noong Hulyo 25, kung saan isang header ang ibinuslo ni Sarina Bolden sa ika-24 na minuto ng laban upang itakas ng ating pambansang koponan ang panalo, 1-0.

Ibinuslo ni Sarina Bolden (dulong kaliwa) ang kauna-unang goal ng Filipinas sa FIFA Women’s World Cup kontra sa New Zealand noong Hulyo 25. Larawan mula sa Philippine Women’s National Football Team.

Determinasyon, matibay na depensa at swerte na rin ang sinandalan ng Filipinas upang salagin ang mga naglalagablab na tira ng FIFA world rank 26 New Zealand matapos nilang dominahin ang opensa sa pagtatala ng 16 na attempt, kung saan apat dito ay shots-on-target. Samantala, naglista lamang ang rank 46 na Pilipinas ng apat na tira at naipasok ni Bolden ang kaisa-isa nilang shot-on-target sa labang iyon.

Sa pinakaunang pagkabigo naman nila sa kanilang unang laban sa torneo kontra world rank 20 Switzerland, 0-2, noong Hulyo 21, kinakitaan ng laban ang Filipinas matapos panatilihing dikit ang laban sa kabila ng pagkamada ng Switzerland ng 17 attempt (8 shots-on-target) kumpara sa tatlong shots lamang ng Filipinas (0 shot-on-target).

Rank 12 naman sa buong mundo ang Norway, na siyang may pinakamataas na world rank sa Group A ng torneo kung saan kasali ang Pilipinas, kaya naman hindi nakapagtatakang kontrolado nila ang kabuuan ng laban. Idiniin ng Norwegians ang kanilang mga attempt na umabot sa 31 kung saan 13 rito ay shots-on-target, habang nilimitahan nila ang ating koponan sa apat na tira lamang (1 shot-on-target).

Sa pagtatapos nito, malinaw ang adhikain ng ating national women’s soccer team—ang makabalik sa parehong torneo na mas handa, mas malakas at mas palaban. Maaga mang nagtapos ang kanilang karera sa kompetisyon, maliwanag na kinabukasan sa larangan ng pampalakasan ang kanilang inukit sa kasaysayan.

Avatar