close

PinoyWEEKLY

CLICK TO SEARCH
  • Balita
  • Lathalain
  • Opinyon
  • Kultura
  • Samu’t Sari
  • Hinggil sa Pinoy Weekly

Photo Story

Pagtahi sa kulang na sahod

by Michelle Mabingnay

Dumaraan ngayon sa butas ng karayom ang mga manggagawa. Walang awat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Nanatiling mataas ang singil sa kuryente, tubig at iba pang bayarin at pangunahing serbisyo. Dahil dito, hindi na nakakasabay ang kanilang sahod sa arawang gastos ng pamilya. 

Ramdam ito ni Malou Fabella, isang lider kababaihang manggagawa sa pagawaan ng mga sinulid. Ito rin ang magtutulak sa kanya at sa iba pang manggagawa na ipanawagan ang kagyat at nakabubuhay na dagdag-sahod.

  • Si Ma. Luisa “Malou” Fabella, 25 taon nang nagtatrabaho sa Manila Bay Thread Corporation at ina sa tatlong anak.
  • Larawan ng pamilyang Fabella noong sinalubong nila ang taong 2020. Kuwento ni Malou, relatibong mas maayos ang kanilang pamumuhay bago maupo sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at magsitaasan ang presyo ng mga bilihin.
  • Ipinakita ni Malou ang digital payslip na karaniwang natatanggap tuwing katapusan. Nasa P685 na lang ang naiuuwi niyang kita tuwing linggo ng kaltasan kaya napipilitan silang mangutang sa mga katrabaho, kapitbahay, at kaibigan.
  • Sabay-sabay nagtanghalian ang pamilya Fabella. Ito ang unang kain nila sa araw na ‘yon. “Diretso tanghalian na talaga para makatipid,” sabi ni William, asawa ni Malou.
  • Tanghalian ng pamilya Fabella. Para mabawasan ang gastos, bumibili na lang ng lutong ulam sina Malou. Halagang P250 na ang pinagsaluhan nilang tatlong ulam.
  • Bukod sa arawang gastos, sakit ng ulo rin ni Malou ang buwanang bayarin sa tubig at kuryente. Kahati nila sa pagbabayad ang apat na pamilya ng kanilang kamag-anak.
  • Hindi nagbigay ng libreng transportasyon ang kompanya kaya araw-araw binabagtas ni Malou ang mahabang lakaran papuntang trabaho. Dagdag-gastos kasi kung magtricycle.
  • Gate ng pagawaan ng sinulid sa Marikina City. Ayon sa Pinag-isang Lakas ng mga Manggagawa sa Manila Bay Thread Corp. (Piglas-MBTC), may 162 manggagawa sa kompanya.
  • Produktong sinulid ng mga manggagawa ng Manila Bay Thread Corporation. Kasabay ng dagdag-sahod, ipinaglaban din sa Collective Bargaining Agreement (CBA) ng unyon na makakuha sila ng libre o discount sa mga produktong gawa nila.
  • Inaabot ni Malou ang pamasahe sa jeepney driver. Malaking dagdag ang pamasahe sa kanilang arawang gastusin, mas malaki pa kaysa sa naidagdag sa kanilang sahod.
  • Dumalo si Malou sa pulong ng mga lider-manggagawa para sa panawagang nakabubuhay na sahod sa tanggapan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Quezon City. Ayon sa Ibon Foundation, kailangan ng P1,163/araw ng pamilyang may limang miyembro para mabuhay nang disente.
  • Taas kamaong nakiisa si Malou sa panawagan ng kapwa niya manggagawa para sa national minimum wage na nakabatay sa family living wage. Sabi niya, “Hindi na maasahan ang sinasahod ng mga manggagawa ngayon dahil hindi naman tumitigil ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Makatarungan talaga yung panawagan [namin] ngayon kasi pinaghirapan din namin ‘yon.”

Avatar

Michelle Mabingnay

Copyright 2014. Pinoy Weekly. Powered by WordPress