Reklamasyon, konsumisyon

August 27, 2023

Wala pang malinaw na panuntunan ang pagpapasuspinde ng gobyerno sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay, kaya ang mga apektadong mamamayan, patuloy na nangangamba sa mapaminsalang epekto nito.

Pinasususpinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 22 proyektong reklamasyon sa palibot ng Manila Bay. Pahayag ng pangulo noong Agosto 7, dapat rebyuhin muna ang naturang mga proyekto.

Lumabas kasi sa pagsusuri ng mga eksperto, grupong makakalikasan at mga lokal na pamahalaan, na pinalala ng mga proyektong reklamasyon ang naranasang pagbaha dulot ng nagdaang bagyong Egay at Falcon at ng ulang dala ng habagat.

Sa tala ng National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC) nitong Agosto 18, umabot sa 5,708 barangay sa 49 probinsiya ang naapektuhan ng sama ng panahon. Umabot naman sa mahigit P6 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura.

Itinuturong sanhi ng pagbaha sa mga lugar sa Gitnang Luzon ang reklamasyon na pagtatayuan ng bagong paliparan na bumabara sa daluyan ng tubig palabas ng Manila Bay. Larawan ni Noel Celis.

Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, bubuo ang ahensiya ng grupo ng mga eksperto na magsasagawa ng cumulative impact assessment sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay.

Habang hinihintay ang resulta ng pag-aaral ng gobyerno at habang walang pang malinaw na panuntunan ang pagpapasuspinde ng pangulo, patuloy na iniinda ng mga apektadong residente ang mga mapaminsalang epekto ng reklamasyon sa kanilang pamayanan.

Epekto sa residente

Dating residente ng Barangay Taliptip sa bayan ng Bulakan, Bulacan ang pamilya ni Ace (‘di niya tunay na pangalan). Kasama sila sa nasa 700 pamilyang pinaalis sa kanilang tirahan noong 2019. Doon kasi sinimulang itayo ang New Manila International Airport (NMIA) at Bulacan Aerotropolis Project ng San Miguel Corporation (SMC).

“Ninakawan po kami. Tinanggalan kami ng karapatan sa lugar namin, ng karapatan na tutulan ‘yong pagtatayo ng airport,” sabi ni Ace.

Gaya ng ibang taga-Taliptip, pangingisda rin ang pangunahing ikinabubuhay ng pamilya ni Ace at sa katubigan sila kumukuha ng makakain.

Dahil ipinaglaban ang bahay at lupa, na-relocate sina Ace sa katabing Barangay Bambang. Pero kahit doon, hindi sila nakaligtas sa epekto ng NMIA.

Ang 22 taong gulang namang si JP, sa Bambang na lumaki at nagkaisip. Aniya, nitong nagdaang mga bagyo at habagat lang sila nakaranas ng matinding pagbaha sa kanilang lugar.

“‘Yong bahay namin, pinapasok na ng tubig baha. Inabot pati mga saksakan ng gamit sa loob ng bahay,” kuwento niya.

Batid ng mga residente ng Bulakan na daanan ng tubig papuntang Manila Bay ang kanilang lugar, pero kapansin-pansin ani JP na bumagal ang pagdaloy ng tubig. Ang nakita nilang dahilan, ang itinatayong paliparan.

Matagal nang nangangamba ang mga residente ng apektadong komunidad sa pinsala ng NMIA. Tatambakan kasi nito ang mahigit 2,500 ektaryang katubigan sa Bulacan.

Ayon sa Philippine Misereor Partnership, Inc. (PMPI), sasaklawin ng itanatayong paliparan ang kahabaan ng baybayin ng Manila Bay mula Taliptip River Stream sa bayan ng Bulakan, hanggang Sitio Baluarte sa Obando.

Ayon kay Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) national coordinator Jon Bonifacio, hindi maitatanggi na may epekto ang NMIA sa mga pagbaha sa Bulacan.

“Binabarahan nito ‘yong tubig na lumalabas sana sa mga ilog kaya mapupunta sa ibang lugar ‘yong tubig,” aniya.

Dagdag pa ni Bonifacio, dahil hindi nakalalabas nang maayos ang tubig, “naghahanap ito ng ibang paraan at kadalasan dumadaloy sa ibang komunidad,” kaya aniya bumabaha.

Tuloy ang pagtambak

Batay sa Republic Act 11506, na nagbigay prangkisa sa SMC na itayo ang NMIA, sakop ang Bambang sa tatayuan ng paliparan.

Nangangamba sina JP. Ngayon ngang hindi pa umaabot sa kanilang barangay ang konstruksiyon ng paliparan ay matindi na ang pagbaha, paano pa kung magtuloy ang proyekto?

Sa kabila kasi ng pagpapasuspinde ng pangulo, nagpapatuloy ang konstruksiyon ng paliparan. Katuwiran ni SMC President Ramon Ang, hindi reklamasyon kundi “land development” ang ginagawa sa NMIA. Nilamon lang din aniya ng tubig ang lupa sa tatayuan ng proyekto.

Pero hindi ito kapani-paniwala sa mga apektadong residente. Ayon kay JP, napalitan ng tambak ng paliparan ang dating tanaw na mga bahay, taniman at palaisdan.

“Parang nakalutang, mas maatas pa sa bakuran namin,” aniya.

Sa kabilang dulo naman ng Manila Bay, patuloy rin ang mga aktibidad sa Cavite na may kinalaman sa reklamasyon.

Patuloy na nananawagan ang Pamalakaya na itigil ang mga proyektong reklamasyon sa mga baybayin sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas na makasisira sa ekolohiya ng karagatan. Larawan ni Neil Ambion.

Isiniwalat ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na patuloy ang dredging o paghuhukay sa tubig sa pampang ng mga bayan ng Rosario, Noveleta, Tanza, at Naic. Ang may pakana anila, ang Philippine Reclamation Authority (PRA) at SMC.

Ayon sa grupo ng mga mangingisda, dapat saklaw ng suspensiyon ang dredging dahil konektado ito sa reklamasyon. Gagamitin anilang panambak ang mga makukuhang lupa dito para sa Manila Waterfront Reclamation at Bulacan Aerotropolis Project, na pinakamalalaking proyektong reklamasyon sa bansa.

Sa pagtaya rin ng Pamalakaya, umaabot sa 80-90% ang nawawalang arawang kita ng mga maliliit na mangingisda sa Cavite mula nang simulan ang dredging noong 2019.

Gawa hindi salita

Umaasa sina JP na maipatupad ang pahayag ni Marcos Jr. na pagpapasuspinde sa reklamasyon para pigilan ang pinsala nito sa kanilang kabuhayan at pamumuhay gaya aniya ng sinapit ng kanyang mga kamag-anak na mag-aasin sa Taliptip.

“Kapag itinuloy ‘yong reklamasyon, sigurado ang malawakang pagbaha, pagkawala ng tirahan at hanapbuhay,” sabi niya.

Sang-ayon ang Kalikasan PNE sa gagawing cumulative impact assessment ng DENR basta ito’y magiging independiyente at tunay na siyentipiko. Dapat din anilang isama rito ang kinatawan ng mga civil society organization.

Nagrekomenda rin ang grupo na magpatupad muna ng moratorium ang pamahalaan sa lahat ng mga proyektong reklamasyon habang wala pang resulta ang pag-aaral ng DENR.

Pero para kay Pamalakaya national chairperson Fernando Hicap, “walang ngipin at bigat” ang berbal na deklarasyon ng pangulo kung wala itong kaakibat na paglalabas ng executive order o pagpasa ng batas.

Iginiit din ng grupo na bukod sa pagpapatigil, dapat ding papanagutin ang mga kumpanyang nagsagawa ng reklamasyon at mga opisyal ng pamahalaan na nagpahintulot sa mga ito.

“Higit sa lahat, hindi lamang dapat sa Manila Bay ipatigil ang reklamasyon, kundi sa buong bansa. Mayroon ding planong reklamasyon sa mga probinsya ng Sorsogon, Cebu, Negros Occidental, Negros Oriental at Palawan, kung saan nanganganib ang komunidad ng libu-libong mangingisda at kalikasan,” ani Hicap.

Avatar