Lingguhang pagtitiis sa taas-presyo ng langis

September 11, 2023

Nitong Setyembre 5, muling nagtaas ng presyo ang malalaking kompanya ng langis. Kung susumahin, umaabot na sa P14.40 kada litro ang itinaas sa diesel, P9.65 kada litro naman sa gasolina at P13.74 kada litro sa kerosene mula Hulyo 11.

Aabot na sa P400 ang nawawala sa naiuuwing kita kada araw ni Dionisio Bendoy Jr., drayber at operator ng jeep, dahil sa walong linggong magkakasunod na taas-presyo sa mga produktong petrolyo.

“Hirap na talaga kaming mga namamasada sa totoo lang. Sobra na ‘yong pagtitiis namin,” aniya.

Nitong Setyembre 5, muling nagtaas ng presyo ang malalaking kompanya ng langis. Kung susumahin, umaabot na sa P14.40 kada litro ang itinaas sa diesel, P9.65 kada litro naman sa gasolina at P13.74 kada litro sa kerosene mula Hulyo 11.

Isa na ito sa mga pinakamahabang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis matapos ang sigalot ng Ukraine at Russia noong 2022.

Ayon sa Department of Energy (DOE), resulta ito ng pagbabawas ng produksiyon ng mga bansang pinagkukunan tulad ng Saudi Arabia at Russia. Idagdag pa umano ang mas lumalaking demand sa langis sa pandaigdigang merkado.

Sabi ni Oil Industry Management Bureau director Rino Abad, maaaring magpatuloy pa ang pagsipa ng presyo ng krudo hanggang Disyembre 2023. Bababa lang daw ang presyo nito kung liliit din ang demand, na malabong mangyari lalo ngayong nalalapit na Kapaskuhan.

Pero para sa independent think tank na Ibon Foundation, kayang pababain ng gobyerno ang presyo ng langis at pagaanin ang patong-patong na bigat na pinapasan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagtanggal ng excise tax at value added tax sa mga produktong petrolyo.

Ipinakita ni Dionisio Bendoy Jr. ang bagong billing flat disk para sa kanyang jeep. Aniya, bukod sa langis, nagtaas na rin ng presyo ang mga piyesa at pang-maintenance sa sasakyan. Larawan ni Michelle Mabingnay.

Patong-patong na problema

Kuwento ni Bendoy, kumikita ng mahigit P1,000 noon ang mga drayber na bumibiyahe sa rutang Novaliches-Blumentritt. Ngayon, kahit makaapat na round trip, mas mababa pa sa minimum wage sa Metro Manila ang kanilang naiuuwi sa pamilya.

Patong-patong pa nga raw ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa ibang bilihin, tulad ng gastos sa mga piyesa at pang-maintenance sa sasakyan. Ang dating oil filler cap na P25 lang ay P50 na ngayon, habang ang maliit na brake fluid na dating P75 lang ay nasa P95 na. 

Bilang operator ng tatlong jeep, madalas nga’y pinagbibigyan na rin niya ang mga drayber sa binabayad na boundary. Tinatanggap na niya magkaano man ang iabot sa kanya dahil batid at nararanasan niya mismo ang paghihirap ng mga tsuper.

Isa rin si Conrado Concepcion sa mga namamasada sa Novaliches-Blumentritt. Matapos mananghalian, naabutan siya ng Pinoy Weekly na kinakausap sa video call ang asawang nagtatrabaho sa California sa Estados Unidos. 

Nababahala na rin ang asawa niya sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa Pilipinas. Sabi niya, halos humahabol na ang presyo ng petrolyo sa bansa doon sa Amerika.

Pero sa katunayan, mas mahal pa nga ang presyuhan ng langis sa Pilipinas. Sa tala ng AAA Gas Prices noong Setyembre 4, nasa $3.82 kada galon ang average na presyo ng krudo sa Estados Unidos. Ang isang galon ay katumbas ng 3.79 litro. Ibig sabihin, naglalaro lang sa P57 ang bawat litro doon.

Naabutan ng Pinoy Weekly na nakikipag-usap via video call ang jeepney driver na si Conrado Concepcion sa asawang nasa California, USA. Larawan ni Michelle Mabingnay.

“‘Yong bigas d’yan,” natatawang tanong pa ng overseas Fililipino worker, “may bente na ba?”

“Naku, imposibleng mangyari ‘yan ngayon. ‘Yong gas nga ‘di magawang solusyunan ng gobyerno, [iyong] bigas pa kaya,” sabi ni Concepcion.

Kaakibat pa sa mga pahirap sa industriya ng langis ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na mas naglulubog sa karaniwang Pilipino.

Sa nakaraang State of the Nation Address (Sona) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ipinagmalaki nitong bumaba na ang presyo ng mga bilihin. Ngunit pawang balintuna ito dahil bago at pagkatapos ng kanyang Sona, nagpapatuloy ang pagsirit ng presyo ng langis, bigas, karne, isda, gulay at iba pa.

Sa palengke ng Novaliches Proper/Bayan, nakita ng Pinoy Weekly na P50 ang mabibiling pinakamurang magandang klase ng bigas.

Solusyon para kanino

Matapos maghain ng petisyon para sa dagdag-pasahe ang ibang grupo ng mga tsuper, pinag-aaralan na raw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung aaprubahan ito. Kung matutuloy, magiging P17 na mula sa P12 ang minimum fare sa mga jeepney.

Ayon sa Pinagkaisahang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston), “ang dagdag pasaheng ipinapataw sa mga pampublikong sasakyan bunsod ng oil price hike ay dumadaplis lang sa bulsa ng mga kawawang tsuper at dumadagdag sa tubo ng mga kompanya ng langis.”

Noong 2022, nagkamal ng P6.7 bilyon mula sa P6.1 bilyong kita noong 2021 ang Petron Corporation, ang pinakamalaking kompanya ng langis sa bansa. Samantala, walang kapansin-pansing ginhawa sa buhay ng mga tsuper at operator sa parehong taon kung kailan nagtaas ng pamasahe.

“Marami na nga ang umaangal sa pamasahe ngayon e, lalo pa kung madagdagan ‘yon,” sabi naman ni Bendoy. Ang nararapat lang daw na taasan ay ang suweldo ng mga manggagawa na pangunahing sumasakay sa kanilang mga jeep.

Hanggang ngayon, hindi pa rin tinutugunan ng gobyernong Marcos Jr. ang mga ipinetisyong dagdag-sahod na nakaayon sa family living wage.

Pinangunahan ng NOBLUDA-Piston ang protesta sa Novaliches sa Quezon City matapos ang sunod-sunod na taas-presyo ng langis. Larawan ni Janella Ollaguer/AlterMidya.

Sabi naman ng LTFRB, makatatanggap ng P6,500 fuel subsidy ngayong Setyembre ang mga drayber ng tradisyonal na jeep. Pero para sa mga tulad nina Concepcion at Bendoy, hindi ito sapat.

Ayon pa kay Piston president Mody Floranda, dadaan lang ito sa kamay ng mga drayber sa loob ng apat na araw dahil sa mahal ng mga bilihin at isang pamatid-uhaw lamang.

Para sa mga tsuper ng Novaliches-Blumentritt, pagtanggal ng buwis sa langis at pagbasura sa Oil Deregulation Law ang magpapababa sa presyo ng mga produktong petrolyo at makapagpapagaan sa lingguhang iniinda ng mga tsuper at operator.

“Magtitiis na lang ba kami? Dapat magkaroon ng tunay na solusyon [ang gobyerno] para sa mga drayber dahil kami ay isang katuwang kung paano paunlarin ang ating bansa. Kaming mga drayber ay lumilikha rin para sa ikauunlad ng bayan,” sabi ni Bendoy. /May ulat mula kay Axell Swen Lumiguen

Avatar