Balitang Global

53 mamamahayag, patay sa Israeli siege sa Gaza


Ito na umano ang deadliest na buwan para sa mga mamamahayag mula noong 1992, taon kung kailan nagsimulang mangalap ng datos ang grupo, ayon sa Committee to Protect Journalists.

Tinatayang nasa 53 na mamamahayag ang kabilang sa mahigit 14,000 na nasawi mula nang magsimula ang digmaan sa Gaza Strip nitong Okt. 7, ayon sa pinakabagong tala ng Committee to Protect Journalists (CPJ).

Ito na umano ang deadliest na buwan para sa mga mamamahayag mula noong 1992, taon kung kailan nagsimulang mangalap ng datos ang grupo, ayon sa CPJ.

“Journalists across the region are making great sacrifices to cover this heart-breaking conflict. Those in Gaza, in particular, have paid, and continue to pay, an unprecedented toll and face exponential threats,” ani Sherif Mansour, program coordinator ng CPJ Middle East and North Africa.

“Many have lost colleagues, families, and media facilities, and have fled seeking safety when there is no safe haven or exit,” dagdag ni Mansour.

Sa bilang, 46 sa mga nasawi ay Palestinian, apat ay Israeli at tatlo naman ang Lebanese.

Labing-isa rin ang naiulat na nasaktan, tatlo ang nawawala, 18 ang napabalitang na aresto.

Nakapagtala rin ang CPJ ng mga pag-atake, pagbabanta, cyberattacks, censorship at pagpatay sa mga miyembro ng pamilya ng mga mamamahayag.

Sa kasalukuyan, nasa 13,000 sa nasawi ay mula Palestine at 1,200 ay sa Israel.