Kasunduang militar ng Pilipinas at Japan sa 2024?


Tunay ba ang mga pangakong benepisyo sa isang kasunduang militar o malalagay lang ba lalo sa alanganin ang mga Pinoy?

Buo ang kompiyansa ni Senate President Migz Zubiri na sa susunod na taon, maipapasa na ang Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan. Layon umano ng kasunduan na ito na mas malayang makapagtulungan ang dalawang bansa sa mga isyung may kinalaman sa seguridad.

“Nakatulong ang suporta ng Japan sa pagpapalakas ng ating defense systems kaya malaki ang tiwala kong maipapasa ang Japan-Philippines Reciprocal Access Agreement,” sabi ni Zubiri sa Japan-Philippine Parliamentarians Friendship League.

Ang Japan ang kasalukuyang ikalawa sa may pinakamalaking ambag sa official development assistance sa Pilipinas. Naitala ito nitong nakaraang taon sa $9.96 bilyon o higit 30% ng kabuuan. Nagagamit ang pondo na ito sa porma ng loan o grant para pondohan ang mga proyekto sa bansa.

“Sa South China Sea, ipinagtitibay ang trilateral cooperation [ng Japan, Pilipinas at US] para protektahan ang kalayaan sa dagat,” sabi sa Ingles ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida habang kaharap ang mga mambabatas ng Pilipinas, sa kauna-unahang talumpati ng isang Japanese prime minister sa Kongreso.

Ngayong Nobyembre rin ang unang beses na naimbita ang Pilipinas maging observer ng Japan sa kanilang taunang Annualex navy exercises kasama ang United States, Australia at Canada. Nagkaroon naman ng trilateral maritime exercise sa pagitan ng mga coast guard ng Pilipinas, Japan at US noong Hunyo.

Kung posible na ang ganitong joint training bago pa magkaroon ng RAA, para saan pa ang defense treaty?

Punto ng RAA

Ayon kay Zubiri, kailangan ang RAA para magkaroon ng komprehensibong gabay sa pagtutulungan ng dalawang bansa, partikular na sa military training at paggamit ng military assets.

“Para lang ito sa training. Walang military sites at facilities tulad ng [Enhanced Defense Cooperation Agreement sa US], sabi ni Zubiri. “Parang Visiting Forces Agreement (VFA) sa US.”

Sa defense treaty sa pagitan ng Japan at United Kingdom, na ayon kay Zubiri ay magiging basehan ng RAA sa Pilipinas, nakalista ang ilang pinadaling proseso para sa dalawang bansa. Hindi na kailangan mag-apply ng visa ng magkabilang panig, at may panuntunan na rin ang ilang isyu tulad ng driving license ng bumibisitang bansa.

Pangamba at pagtutol

Anuman ang benepisyo, dapat hindi mauwi sa pagiging battleground ang Pilipinas, sabi naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel. Mahirap din daw makapagbigay ng buong suporta sa isang treaty na wala pang dokumentong naglilista ng malinaw na limitasyon.

Nagpahayag na rin ng pagtutol ang mga miyembro ng koalisyong Makabayan sa Kongreso. “Hindi naman pwedeng gamitin lang basta ang issue ng panghihimasok ng China sa katubigan ng Pilipinas,” sabi ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel. Aniya, baka sa mga kasunduan tulad nito ang tunay na mananaig ay ang US at ng mga kaalyadong bansa.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, magiging banta sa soberanya ng Pilipinas ang RAA. Anila, “Hindi matatamasa ang tunay na kapayapaan at pag-unlad kung ang mga bansa tulad ng Pilipinas at Japan ay patuloy na maglalagak ng pondo para sa military drills, habang hinahayaang lumawak ang sakop ng US militar sa rehiyon.”

Kasaysayan ng abuso

Hindi rin sinang-ayunan ng Gabriela Women’s Party (GWP) ang naging pahayag ni Zubiri na wala dapat ikabahala ang mga Pinoy sa magiging RAA. Kung ang tatlong dekada nga raw ng VFA sa US, may dalawang major violation cases lang, paano pa sa mga “napakadisiplinado [na] mga Hapon.”

“Bilang isang babae at kinatawan ng nag-iisang partylist ng kababaihan sa Kongreso, hindi katanggap-tanggap ang pagmamallit ng pang-aabuso sa kababaihan,” sabi ni GWP Rep. Arlene Brosas

Noong 2014, sa kabila ng kagustuhan ng Pilipinas, ginamit ng US ang VFA para magkaroon ng kustodiya sa noo’y US soldier na si Joseph Scott Pemberton habang inaasikaso ang kaso ng pagpatay sa Pilipinang si Jennifer Laude.

Hinatulang guilty sa homicide si Pemberton, na binigyan naman ng absolute pardon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2020. Labag ito sa pangako noon ni Duterte sa pamilya ni Laude na mananatiling nakakulong ang sundalo sa buong termino niya.

Ayon kay Brosas, hindi rin dapat talikuran ng gobyerno ng Pilipinas ang obligasyon nitong maningil ng katarungan para sa mga comfort women o biktima ng seksuwal na pang-aabuso noong Japanese Occupation ng Pilipinas.

“Mabilisan ang pagkasa sa ‘mutual access’ agreement sa Japan, pero nagbibingi-bingihan naman sa panawagan ng mga biktima at ng kanilang mga pamilya para sa isang official public apology, reparations at pagsama ng kuwento ng ‘comfort women’ sa kasaysayan,” giit ng Lila Pilipina sa kanilang Flowers For Lolas Campaign o suporta para sa comfort women.

Bukod pa rito, nagagamit din daw ng Japan ang imahe ng pagtulong sa Pilipinas para makasabwat ang gobyerno ng Pilipinas sa paglimot sa pagdurusa ng comfort women.