Movie Buff

Mula Pilipinas at Asya tungo sa buong mundo


Bukod sa pagtatampok ng mahahalagang pelikulang Pilipino, bago man o hindi, isang espasyo ang QCinema upang mapalawak pa ang kaligiran ng isang manonood pagdating sa mga pelikula.

Sa ika-11 taon ng QCinema International Film Festival, lalo pang naipalilitaw ang papel nito sa pagpapayabong sa industriyang pampelikula at sa pagpapataas ng pagpahapahalaga sa panonood ng pelikula sa bansa. Mula nang inilunsad ito noong 2013, palagi nang inaabangan ang QCinema dahil sa mga natatanging pelikulang hatid nito.

Bukod sa pagtatampok ng mahahalagang pelikulang Pilipino, bago man o hindi, isang espasyo ang QCinema upang mapalawak pa ang kaligiran ng isang manonood pagdating sa mga pelikula.

Binubuo ang festival ng 62 na mga pelikula na nakapaloob sa 10 mga section o kategorya. Nangunguna sa listahan ang mga title mula sa competition section na Asian Next Wave. Kasama sa section na ito ang pelikulang Pilipino na “Gitling” ni Jopy Arnaldo habang ang iba ay mga pelikula mula sa Asya mula sa mga direktor na umuusbong pa lamang ang pangalan sa industriya tulad ng “Abang Adik” ni Lay Jin Ong (Malaysia) at “Mimang” ni Taeyang Kim (South Korea). 

Dalawa pang competition section ng QCinema ang QCShorts at QCSea. Mga proyekto na nakatanggap ng grant mula mismo sa QCinema ang mga pelikula sa ilalim ng QCShorts habang nagtatampok naman ng mga maiikling pelikula mula sa iba’t ibang direktor mula sa iba’t ibang bahagi ng Southeast Asia ang QCSea.

Bilang isang International Film Festival, bentahe rin ng QCinema ang international titles na dala-dala nito bawat taon.

I-tap ang larawan para sa iskedyul ng mga screening. Mula sa QCinema/Facebook.

Bubuksan ng pelikulang “Poor Things” ni Yorgos Lanthimos mula Greece ang festival at isasara naman ng pelikula mula Singapore na “The Breaking Ice” ni Anthony Chen na siyang entry ng bansa sa 2024 Academy Awards.

Bukod dito, kaabang-abang din ang iba pang mga pamagat sa ilalim ng Screen International section mula sa mga natatanging direktor tulad nina Wim Wenders, Tran Anh Hung at Ryusuke Hamaguchi.

Pagkakataon rin ang QCinema para mapanood ang restored versions ng “Chungking Express” at “Fallen Angels” ni Wong Kar Wai, “Enter the Dragon” ni Robert Clouse na pinagbibidahan ni Bruce Lee, at “A Clockwork Orange” ni Stanley Kubrick. 

Base sa dami at lawak ng sakop ng mga pelikulang tampok sa QCinema ngayong taon, maaari nga talagang sabihin na elevated edition ito. Napatutunayan din ito sa kakayahan ng festival ng magpasok ng mga pelikulang nakakuha ng maraming pagkilala mula sa iba pa at mga tanyag na international film festival sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa pamamagitan ng QCinema, naipakikita mismo ng Quezon City ang papel nito sa produksiyon at distribusyon ng pelikula sa bansa. Sa bawat taong dumadaan, inaabangan ang QCinema dahil nagsisilbi itong pagkakataon na mapanood ang mga pelikulang hindi nagkakaroon ng mas malawak na distribusyon, lokal man o hindi. 

Katulad ng mga nakaraang taon ng QCinema, inaasahan na magiging makabuluhan ang taong ito sa paghahatid ng mahahalagang pelikula sa bawat nakaabang na manonood.

Tatakbo ang festival ng 10 araw, mula Nobyembre 17 hanggang 26 sa mga sinehan ng Gateway Mall, UP Town Center, Robinsons Magnolia, Shangri-la Plaza at Power Plant Mall.