Pagkilala sa mga bayani ng masa sa musika


Nang tanungin si Tao ng kanyang 14 na taong gulang na anak sa konsepto ng kabayanihan, napatanong din siya sa sarili bilang nakatatandang saksi sa mga nangyayari sa lipunan. Ito ang dahilan ng pagsilang ng unang tatlong awit ng banda.

Hango sa pangalan ng ina ng rebolusyong Pilipino na si Gregoria “Oriang” de Jesus, inspirasyon ng bandang Oriang ang kabayanihan at danas nina Amanda Echanis, Kerima Tariman at Chad Booc sa paglikha ng mga awit na kumikilala sa kanilang mga buhay at sakripisyo para sa mamamayang pinaglilingkuran. Binubuo ang banda ng mga artista ng bayan na iba’t iba ang pinagmulan ngunit may iisang layunin.

“[Noong] 2015, ‘yong imahinasyon ko ng pagbuo ng ganitong klaseng grupo ay light lang, just a group of women and queer folk, making music, ganoon lang ka-vague,” wika ni Tao, bokalista’t project head ng Oriang.

Nang tanungin siya ng kanyang 14 na taong gulang na anak sa konsepto ng kabayanihan, napatanong din siya sa sarili bilang nakatatandang saksi sa mga nangyayari sa lipunan. Ito ang dahilan ng pagsilang ng unang tatlong awit ng banda.

Hamon na ang lumikha ng musika’t maisapubliko ito, ngunit ayon kay Tao, mapalad silang mabigyan ng grant ng Innovation for Change-East Asia upang mairekord ang unang tatlong kantang “Amanda,” “Kerima” at “Chad.” Nabigyan din sila ng pagkakataon upang magkaroon ng buong album at kasalukuyang binubuo ang siyam pang kanta.

Kasama ang mga awit para kina Adora de Vera, Agaton Topacio at Eugenia Magpantay, Leonard Co, Ericson Acosta, Zara Alvarez, Alvin Fortaliza, Brandon Lee, Daisy Macapanpan, at Ka Inday Bagasbas sa binubuong full album ng grupo at inaasahang lalabas sa Setyembre 2024.

“Mas hamon para sa amin sa ngayon na siguruhing naihahatid namin ang mga panawagan na isinasabuhay ng mga [subject] ng mga kantang ginagawa namin. Para masiguro namin ito, ongoing effort for us to stay in contact with folks we’ve interviewed about their lives and their legacy,” ani Tao.

Naniniwala rin si Tao na representasyon ng mga musikang nabubuo ang kalagayan ng lipunan sa kinabibilangan ng kasalukuyang henerasyon—direkta man o hindi. Binibigyang mukha nito kung paano tutugunan ng mga batang pangunahing takapakinig ng banda ang mga suliraning sila ang magmamana mula sa naunang henerasyon.

“Hindi naman kanta ang magpapalaya sa masa, wala namang gano’ng ilusyon ang Oriang, pero natututunan namin araw-araw na reachable ang iba’t ibang retorika online at increasingly mas nagiging accessible ito sa mga bata,” paliwanag niya.

Dagdag pa ni Tao, ang retorika ng rebolusyon ay teritoryo ng utak, puso at katawan na siyang makaiimpluwensiya sa pagsasalaysay gamit ang musika.

Itinuturo rin aniya ng paglikha na ang kabayanihan ay hindi palaging pagsugod sa giyera, dapat din nating tingnan ang kabayanihang umuusbong sa masang nakararanas ng panunupil mula sa estado. Katulad na lamang ng mga awiting “Amanda,” “Kerima,” “Chad,” at ang mga susunod pang ilalabas ng banda na naratibo ng kabayanihan mula sa masa.

Hindi lamang basta ekspresyon ang ganitong klaseng pagsasalaysay, mukha ito ng pagtanggap ng hamon sa kung ano ang iyong maibabahagi sa lipunan bilang manlilikha. Malinaw rin na ang simpleng katanungan ay nagbibigay ng sangay-sangay na kasagutan na maaari ring maibahagi sa iba.