Higit 3.2k na aftershocks, naitala sa Surigao Sur


Nagdulot din ng pinsala sa imprastraktura at mga gusali sa iba’t ibang bahagi ng Caraga Region ang lindol. Naapektuhan din ang maraming bahay ng mga residente.

Mahigit 3,000 aftershocks na ang naitala sa Hinatuan, Surigao del Sur matapos itong tamaan ng magnitude 7.4 na lindol noong Dis. 2.

Sa pinakabagong tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nasa 3,209 na ang nairekord nilang aftershocks.

Nasa 36 rito ang naramdaman. Ang lakas ng pagyanig ay mula magnitude 1.4 hanggang 6.6.

Nagdulot ng mga paglikas sa mga baybayin at mga nagtaas ng tsunami alerts sa bansa at maging sa Japan ang mga pagyanig.

Gayunpaman, sa pinakahuling pahayag nito, na-lift na ng Phivolcs ang tsunami alert.

Samantala, batay sa pinakabagong monitoring ng National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC), nananatiling isa katao ang nasawi sa mga nasabing pagyanig. Nasa 12 naman ang sugatan. Umakyat naman sa 455 na pamilya o 1,874 ang mga apektado.

Nagdulot din ng pinsala sa imprastraktura at mga gusali sa iba’t ibang bahagi ng Caraga Region ang lindol. Naapektuhan din ang maraming bahay ng mga residente.

Namahagi naman nitong Martes, Dis. 5, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng 6,127 family food packs (FFPS) sa mga apektadong residente.

Ayon sa DSWD, may lamang essential needs, tulad ng kape, instant noodles, at sardinas ang bawat FFP na maaaring magamit ng mga residenteng tumutuloy sa mga evacuation center.

Tiniyak naman ng departamento na “in transit” na ang mga karagdagang relief items.