Kaisa-isang elepante sa Pinas, pumanaw na


Ipinanganak sa Sri Lanka noong 1974, si Mali ay naging residente na ng Manila Zoo mula 1977. Inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na pumanaw si Mali dahil sa congestive heart failure.

Pumanaw na ang kaisa-isang elepante sa Pilipinas na si Mali nitong Martes, Nob. 28. Mahigit apat na dekadang nanirahan sa Manila Zoo ang elepante.

“Ikinalulungkot ko pong ibalita na inyo ang pagpanaw ng ating minamahal na si Vishwa Ma’ali na mas kilala po niyo sa pangalang Mali dito po sa Manila Zoo,” ani Manila Mayor Honey Lacuna sa isang Facebook post.

Samantala, sa isang media conference, inanunsyo ni Lacuna na pumanaw si Mali dahil sa congestive heart failure.

Nangako naman si Lacuna na gagawin nila ang lahat para “ma-preserve” ang alaala ni Mali. Tinitingnan umano nila kung paano mapapangalagaan ang mga labi ni Mali sa pamamagitan ng taxidermy.

Natuklasan din sa necropsy ni Mali ang mga nodule sa paligid ng kanyang atay at bahagyang namamagang bato, mga nana sa kanyang matris at namamagang aorta.

Ilang animal rights group, katulad ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) ang nanawagan para ilipat sa isang sanctuary sa Thailand si Mali noong nabubuhay pa lang siya.

Binansagan ng mga grupo si Mali bilang “saddest animal in the world.”

Hindi naman pinahintulutan ni noo’y Manila Manila Mayor Isko Moreno ang mga panawagan para ilipat siya dahil magiging “risky” daw umano ito sa kalusugan ni Mali.

Ipinanganak sa Sri Lanka noong 1974, si Mali ay naging residente na ng Manila Zoo mula 1977.

Si Mali ay iniregalo ng gobyerno ng Sri Lanka sa Pilipinas.

Sa isang pahayag, ikinalungkot ng PETA Asia ang pagpanaw ni Mali.

“Because of indifference and greed, Mali the elephant died the same way she had lived for nearly 50 years: alone in a concrete pen at the Manila Zoo,” saad ng PETA Asia.

“PETA, cultural and political leaders, world-renowned elephant experts, and more than 100,000 compassionate people from around the globe all pleaded for Mali’s release to a sanctuary where she could have enjoyed the company of other elephants,” dagdag nito.

Nagpasalamat din and PETA Asia sa mga celebrity na tumulong paingayin ang panawagan nilang ilipat si Mali sa isang sanctuary tulad nina Paul McCartney, Ely Buendia, Marian Rivera, Dingdong Dantes, Jake Zyrus at Lea Salonga.