Piston: Ibasura ang deadline, transport strike ulit

,

Katuwiran ng Piston, monopolyo ng mga pribadong korporasyon sa mga pampublikong sasakyan at kawalan ng hanapbuhay para sa maraming opereytor at tsuper ang hatid ng PUVMP.

Magsasagawa muli ang grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ng transport strike sa Dis. 14-15 upang muling igiit sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibasura ang Dis. 31 na deadline sa franchise consolidation.

Ang franchise consolidation component ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay nag-uutos sa lahat ng mga opereytor na isuko ang mga indibidwal na prangkisa para sa konsolidasyon sa isang solong pag-aari ng isang kooperatiba o kooperasyon na nagsisilbi sa isang partikular na ruta.

Katuwiran ng Piston, monopolyo ng mga pribadong korporasyon sa mga pampublikong sasakyan at kawalan ng hanapbuhay para sa maraming opereytor at tsuper ang hatid ng PUVMP.

Tila rin iisang malalaking kooperatiba o korporasyon lamang ang maaaring financially viable ang sumunod sa magastos na pamantayan ng PUVMP.

“Ito ba ang pamasko sa atin ng DOTr (Department of Transportation) at LTFRB? Ang pagkawala ng kabuhayan ng libo-libong tsuper at opereytor? Mahiya naman sila. Ang dami nilang pamilyang gugutumin pagpasok ng bagong taon,” giit ni Mody Floranda, national president ng Piston.

Tinatayang 80% ng mga PUV opereytor at drayber ang kakaharap sa displacement kapag naipatupad ang PUVMP ayon sa Piston.

Bukod sa panawagan sa pagbasura sa Dis. 31 na deadline, hinihiling din ng welga ang kumpletong pagtanggal sa mandatory franchise consolidation at sa buong PUVMP.

“Ano ba ang pumipigil kay [LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III]? Isang memorandum circular lang nila, mababasura na ang deadline. Kung gusto nila, kami na ang mag-draft para pipirmahan na lang niya,” dagdag ni Floranda.

Nagsagawa ng strike ang Piston noong Nob. 20-22. Nagsagawa rin ng strike ang grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela) noong Nob. 22-24. Nagkaroon din ng transport strike nitong Marso at Hulyo.

Samantala, nakiisa rin ang Piston sa Makabayan bloc sa paghahain ng house resolution na nananawagang ipawalang-bisa ang Omnibus Franchising Guidelines at ipagpaliban ang Dis. 31 deadline para sa franchise consolidation.

Laman ng resolusyon ang pagkuwestiyon sa pagiging posible ng franchise consolidation requirement na nagsasaad ng problemang pinansyal na kinakaharap ng mga opereytor sa PUVMP.

“Pinaggigiitan ng DOTr at LTFRB na wala raw phase out sa Dec. 31, deadline lang daw sa consolidation. Ang ayaw nilang unawain ay ang pagtataboy sa karapatan ng mga maliliit na opereytor na magmay-ari ng indibidwal na prangkisa ay katumbas na ng phase out, hindi lang ng kanilang mga sasakyan, kundi ng kanilang mga kabuhayan,” ayon kay Floranda.

Hinimok ng grupo ang Kamara na pagtibayin agad ang resolusyon upang maprotektahan ang libo-libong driver at maliliit na opereytor na nasa bingit ng displacement at kawalang hanapbuhay sa pagsisimula ng 2024.